Pumunta sa nilalaman

Kapag Nakipag-aral Ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, Kailangan Bang Maging Saksi Rin Ako?

Kapag Nakipag-aral Ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, Kailangan Bang Maging Saksi Rin Ako?

 Hindi, hindi ka obligadong maging Saksi. Milyon-milyon ang nasisiyahan sa aming programa ng pag-aaral sa Bibliya pero hindi naman nagiging Saksi ni Jehova. a Ang layunin ng aming programa ay ipakita sa iyo kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Ikaw ang magpapasiya kung ano ang gagawin mo sa kaalamang iyon. Alam namin na ang pananampalataya ay isang personal na desisyon.​—Josue 24:15.

Puwede ko bang gamitin ang sarili kong Bibliya sa pag-aaral?

 Oo. Kahit gusto naming gamitin ang modernong-wika na Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan at bibigyan ka namin ng isang libreng kopya kung gusto mo, matutuwa kaming gamitin mo ang sarili mong Bibliya. Puwede mong malaman ang mensahe ng Bibliya tungkol sa pag-asa at kaligtasan gamit ang halos anumang salin.

Bakit kayo nagtuturo sa mga tao na hindi naman sumasama sa inyong relihiyon?

  •   Ang pangunahing motibo namin ay pag-ibig sa Diyos na Jehova, na nagnanais na ituro ng mga Kristiyano sa iba ang natutuhan nila. (Mateo 22:37, 38; 28:19, 20) Wala nang hihigit pang pribilehiyo para sa amin kaysa sa maging “mga kamanggagawa ng Diyos” sa pagtulong sa mga tao na malaman kung ano ang itinuturo ng kaniyang Salita.​—1 Corinto 3:6-9.

  •   Pinakikilos din kami ng pag-ibig sa aming kapuwa. (Mateo 22:39) Natutuwa kaming ibahagi sa iba ang kahanga-hangang mga bagay na natutuhan namin.​—Gawa 20:35.

a Para ipakita ang saklaw ng aming programa ng pag-aaral, noong 2023 nagsagawa kami ng 7,281,212 pag-aaral sa Bibliya bawat buwan, at marami sa mga ito ay sa grupo ng mga tao. Pero 269,517 lang ang nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong taóng iyon.