Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong sa mga Biktima ng Pang-aabuso sa Loob ng Pamilya

Tulong sa mga Biktima ng Pang-aabuso sa Loob ng Pamilya

 “Maraming babae sa buong mundo ang biktima ng karahasan. Ang problemang ito ng lipunan ay parang kumakalat na epidemya at dapat matigil na ito,” ang sabi ng World Health Organization. Tinataya ng organisasyong ito na halos 30 porsiyento ng “lahat ng kababaihan na may-asawa o karelasyon ay nakaranas ng pisikal at/o seksuwal na karahasan” mula sa kanilang partner. At tinataya ng isang kamakailang report ng UN na araw-araw, 137 babae sa buong mundo ang pinapatay ng kanilang kapartner o ibang miyembro ng pamilya. a

 Makikita sa mga estadistika kung gaano kalaking problema ang karahasan sa loob ng pamilya, pero hindi nito sinasabi ang emosyonal at pisikal na kirot na nararamdaman ng mga biktima.

 Biktima ka ba ng pang-aabuso sa loob ng pamilya? O may kakilala ka bang biktima? Kung oo, tingnan ang mga payo ng Bibliya na makakatulong.

  Kung inaabuso ka ng iyong partner o asawa, hindi mo ito kasalanan

  May makakatulong sa iyo

  Hindi ka nag-iisa

  Magwawakas ang pang-aabuso sa loob ng pamilya

  Kung paano mo matutulungan ang isang biktima

 Kung inaabuso ka ng iyong partner o asawa, hindi mo ito kasalanan

 Ang sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.

 Tandaan: Ang nang-aabuso ay mananagot sa kaniyang ginagawa.

 Kung sinisisi ka ng iyong partner sa pang-aabuso niya sa iyo, mali siya. Ang mga asawang babae ay dapat mahalin, hindi dapat abusuhin.—Colosas 3:19.

 Kung minsan, ang nang-aabuso ay maaaring dahil sa diperensiya sa isip, kinalakhang pamilya, o labis na pag-inom ng alak. Pero mananagot pa rin siya sa Diyos sa pagtrato niya sa iyo. At pananagutan niyang baguhin ang kaniyang paggawi.

 May makakatulong sa iyo

 Ang sinasabi ng Bibliya: “Nagtatagumpay [ang plano] kapag marami ang tagapayo.”—Kawikaan 15:22.

 Tandaan: Kung nadarama mong hindi ka ligtas o hindi mo alam kung ano ang gagawin mo, matutulungan ka ng iba.

 Bakit kailangan mo ng tulong? Ang pang-aabuso sa loob ng pamilya ay isang komplikadong sitwasyon. Bago magpasiya, pag-isipan ang mga sumusunod:

  •   Kaligtasan mo

  •   Kung ano ang mabuti para sa mga anak mo

  •   Ang pinansiyal na kalagayan mo

  •   Ang pag-ibig mo sa partner mo

  •   Kung gusto mo pa siyang makasama kapag nagbago siya

 Baka malito ka at hindi mo alam ang gagawin. Kanino ka makakahingi ng tulong?

 May mapagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya ka na puwedeng tumulong sa iyo sa praktikal at emosyonal na paraan. Malaki ang magagawa ng pakikipag-usap sa iba.

 May mga hotline para sa mga biktima ng karahasan sa loob ng pamilya na puwedeng makatulong agad. Masasabi nila sa iyo ang mga puwede mong gawin para protektahan ang iyong sarili. Kung tinatanggap ng partner mo na kailangan niya ng tulong para magbago, makakatulong sila sa kaniya.

 May iba pang emergency resources na makakatulong sa iyo kung nanganganib ka. Kasama rito ang mga doktor, nurse, o iba pang sinanay na propesyonal sa larangang ito.

 Hindi ka nag-iisa

 Ang sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova b ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.”—Awit 34:18.

 Tandaan: Nangangako ang Diyos na tutulungan ka niya.

 Si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo. (1 Pedro 5:7) Nauunawaan niya ang mga iniisip at nadarama mo. Puwede ka niyang patibayin gamit ang Kaniyang Salita, ang Bibliya. Gusto niyang manalangin ka sa kaniya. Kapag nananalangin ka, hilingin mo na bigyan ka niya ng karunungan at lakas na kailangan mo para maharap ang sitwasyon.—Isaias 41:10.

 Magwawakas ang pang-aabuso sa loob ng pamilya

 Ang sinasabi ng Bibliya: “Maninirahan ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4, talababa.

 Tandaan: Nangangako ang Bibliya na sa malapit na hinaharap, magiging mapayapa ang lahat ng tahanan.

 Ang Diyos na Jehova lang ang may kumpleto at permanenteng solusyon sa lahat ng ating problema. Nangangako ang Bibliya: “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” (Apocalipsis 21:4) Sa panahong iyon, mawawala na ang di-magagandang alaala at papalitan ito ng masasayang alaala. (Isaias 65:17) Ito ang mapayapang kinabukasan na iniaalok sa iyo ng Bibliya.

a Tinutukoy sa artikulong ito ang mga babae, pero puwede rin itong tumukoy sa mga lalaki.

b Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.