Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Nasagot ng Bibliya ang Pagkauhaw Ko sa Katotohanan

Nasagot ng Bibliya ang Pagkauhaw Ko sa Katotohanan
  • ISINILANG: 1987

  • BANSANG PINAGMULAN: AZERBAIJAN

  • MUSLIM ANG AMA; JUDIO ANG INA

ANG AKING NAKARAAN:

Isinilang ako sa Baku, Azerbaijan. Dalawa lang kaming magkapatid, at ako ang bunso. Muslim ang aking ama at Judio naman ang aking ina. Nagmamahalan sila at iginagalang ang paniniwala ng isa’t isa. Kapag nag-aayuno si Tatay tuwing Ramadan at nangingilin naman si Nanay tuwing Paskuwa, sinusuportahan nila ang isa’t isa. Mayroon kaming Koran, Torah, at Bibliya sa bahay.

Itinuturing kong Muslim ang aking sarili. Hindi ko pinagdudahan kung may Diyos, pero may mga tanong na gumugulo sa isip ko, ‘Bakit nilalang ng Diyos ang tao, at bakit kailangang magdusa habang-buhay ang isa kung parurusahan din lang siya magpakailanman sa impiyerno?’ Yamang sinasabi ng iba na kalooban ng Diyos ang lahat ng nangyayari, naisip ko, ‘Pinaglalaruan lang ba tayo ng Diyos at gusto niyang makitang nagdurusa ang mga tao?’

Dose anyos pa lang ako, nagdarasal na ako ng namaz, ang limang seremonyal na dasal ng Muslim araw-araw. Nang panahong iyon, kami ng ate ko ay pinag-aral ni Tatay sa isang paaralang Judio. Kasama sa itinuturo doon ang wikang Hebreo at mga tradisyong Judio. Araw-araw, bago magsimula ang klase, nagdarasal kami ayon sa tradisyong Judio. Kaya sa umaga, nagdarasal ako ng namaz sa bahay at sa bandang hapon, nagdarasal naman ako ng mga dasal ng Judio sa paaralan.

Sabik na sabik akong malaman ang makatuwirang sagot sa mga tanong ko. Paulit-ulit kong itinatanong sa mga rabbi sa paaralan: “Bakit nilalang ng Diyos ang tao? Ano kaya ang tingin ng Diyos sa tatay kong Muslim? Mabuting tao siya, pero bakit siya ituturing na marumi? Bakit siya nilalang ng Diyos?” Ang iilang sagot na nakuha ko ay di-makatuwiran at di-kapani-paniwala.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Noong 2002, nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos. Isang linggo pa lang kaming nakalipat sa Germany nang ma-stroke ang tatay ko at nakoma. Ipinagdarasal ko sa loob ng maraming taon ang kalusugan at kapakanan ng pamilya ko. Kumbinsido ako na tanging ang Makapangyarihan-sa-lahat ang may kontrol sa buhay at kamatayan, kaya araw-araw kong ipinagdarasal na sana’y humaba pa ang buhay ng tatay ko. Naisip ko, ‘Maliit na bagay lang naman sa Diyos na ibigay ang taos-pusong kahilingan ng isang munting bata.’ Sigurado akong ibibigay niya ang aking mga kahilingan. Pero namatay si Tatay.

Nadismaya ako dahil parang walang malasakit ang Diyos, kaya lumong-lumo ako. ‘Baka mali ang paraan ng pagdarasal ko,’ ang nasabi ko, ‘o baka walang Diyos.’ Nalito ako at hindi na ako makapagdasal ng namaz. Hindi naman ako naniniwala sa ibang relihiyon, kaya nasabi ko na walang Diyos.

Makalipas ang anim na buwan, may dumalaw sa bahay namin na mga Saksi ni Jehova. Dahil hindi kami bilib sa Kristiyanismo, gusto naming patunayan ni Ate sa magalang na paraan na mali sila. Itinanong namin: “Bakit sinasamba ng mga Kristiyano si Jesus, ang krus, si Maria, at ang mga imahen gayong labag iyan sa Sampung Utos?” Gulat na gulat ako nang ipakita sa amin ng mga Saksi mula sa Kasulatan ang nakakukumbinsing patotoo na ang pagsamba sa imahen ay ipinagbabawal sa tunay na mga Kristiyano at na sa Diyos lang tayo dapat manalangin.

Pagkatapos, itinanong namin: “Naniniwala ba kayo sa Trinidad? Kung si Jesus ay Diyos, paano nangyaring nabuhay siya sa lupa at pinatay ng mga tao?” Sumagot uli sila mula sa Bibliya at ipinaliwanag na si Jesus ay hindi Diyos ni kapantay man ng Diyos, kaya hindi sila naniniwala sa Trinidad. Namangha ako at naisip ko, ‘Kakaiba talaga ang mga Kristiyanong ito.’

Gusto ko pa ring malaman kung bakit namamatay ang mga tao at kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Ipinakita sa akin ng mga Saksi ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, * na may mga kabanata na sumasagot sa mga tanong ko. Nagsimula kami agad na mag-aral ng Bibliya.

Sa bawat pag-aaral, may nakukuha akong makatuwiran at salig-Bibliyang mga sagot sa mga tanong ko. Nalaman ko na Jehova ang pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Ang pangunahin niyang katangian ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Nilalang niya ang tao dahil gusto niyang ibahagi sa kanila ang regalong buhay. Naunawaan ko na bagaman pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, kinasusuklaman niya ito at malapit na niyang alisin ito magpakailanman. Natutuhan ko na nagdulot ng pinsala sa tao ang pagrerebelde nina Adan at Eva. (Roma 5:12) Kasama sa masasaklap na epekto nito ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay, gaya ng nangyari kay Tatay. Gayunman, papawiin ng Diyos ang mga trahedyang iyan sa darating na bagong sanlibutan, kung saan lahat ng namatay ay bubuhaying muli.Gawa 24:15.

Sinagot ng Bibliya ang pagkauhaw ko sa katotohanan kaya muli akong naniwala sa Diyos. Habang nakikilala ko ang mga Saksi ni Jehova, nakita kong pambuong-daigdig ang kanilang kapatiran. Hanga ako sa kanilang pagkakaisa at pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Dahil sa mga natututuhan ko tungkol kay Jehova, naudyukan ako na paglingkuran siya, kaya nagpasiya akong maging Saksi ni Jehova. Nabautismuhan ako noong Enero 8, 2005.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Binago ng nakakukumbinsi at makatuwirang sagot ng Bibliya ang pananaw ko sa buhay. Dahil sa maaasahang paliwanag na nakita ko sa Salita ng Diyos, napanatag ang loob ko. Malaking kagalakan at kaaliwan sa akin ang pag-asang muling makita si Tatay sa pagkabuhay-muli na ipinangako sa Salita ng Diyos.Juan 5:28, 29.

Anim na taon na akong maligaya sa piling ng aking may-takot sa Diyos na asawa, si Jonathan. Natutuhan namin na ang katotohanan tungkol sa Diyos ay makatuwiran, simple, at napakahalagang kayamanan. Kaya gustong-gusto naming ibahagi ang aming pananampalataya at kamangha-manghang pag-asa sa iba. Alam ko na ngayon na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi “kakaiba” kundi mga tunay na Kristiyano.

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.