Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SUSI SA MALIGAYANG PAMILYA

Makipag-usap sa Inyong Anak na Tin-edyer—Nang Hindi Nakikipagtalo

Makipag-usap sa Inyong Anak na Tin-edyer—Nang Hindi Nakikipagtalo

“Nang 14 anyos na ang aking anak na babae, sinasagut-sagot na niya ako. Kapag sinasabi ko sa kaniya, ‘Kumain na tayo,’ sasabihin niya, ‘Kakain ako kung kailan ko gusto.’ Kapag tinanong ko siya kung natapos na niya ang kaniyang mga gawain, sasabihin niya, ‘Tigilan n’yo nga ako!’ Madalas na nauuwi ito sa pagsisigawan.”​—MAKI, JAPAN. *

Kung ikaw ay magulang ng isang tin-edyer, maaaring masubok ang iyong mga kasanayan bilang magulang​—at ang iyong pasensiya. “Kapag sinusubukan ako ng aking anak na babae, kumukulo ang dugo ko,” ang sabi ni Maria, ina ng isang 14-anyos sa Brazil. “Nagkakainisan kami at nagsisigawan.” Ganiyan din ang kalagayan ni Carmela sa Italy. “Laging mainit ang pagtatalo namin ng anak kong lalaki,” ang sabi niya, “at pagkatapos ay nagkukulong na siya sa kuwarto.”

Bakit mahilig makipagtalo ang ilang tin-edyer? Dahil ba ito sa kanilang mga nakakasama? Posible. Sinasabi ng Bibliya na ang mga kasama ay maaaring maging malaking impluwensiya sa ikabubuti o sa ikasasama. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Isa pa, itinataguyod ng maraming libangang kinawiwilihan ng mga kabataan sa ngayon ang pagrerebelde at kawalang-galang.

Ngunit may iba pang bagay na dapat isaalang-alang​—mga bagay na madaling lutasin kapag naunawaan mo kung paano ito nakaaapekto sa iyong anak. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

PAGLINANG NG “KAKAYAHAN SA PANGANGATUWIRAN”

Si apostol Pablo ay sumulat: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Ipinakikita ng sinabi ni Pablo na magkaibang mag-isip ang mga bata at adulto. Sa anong paraan?

May tendensiya ang mga bata na mag-isip na ang lahat ng bagay ay alinman sa tama o mali. Ang mga adulto naman ay karaniwang nakapangangatuwiran sa mga bagay na di-gaanong malinaw at nakapag-iisip muna bago gumawa ng konklusyon o pasiya. Halimbawa, mas malamang na isasaalang-alang ng mga adulto ang mga isyu tungkol sa moralidad at pag-iisipan kung paano makaaapekto sa iba ang kanilang paggawi. Baka sanay na silang mag-isip nang gayon. Bago naman sa mga tin-edyer ang gayong paraan.

Pinasisigla ng Bibliya ang mga kabataan na linangin ang kanilang “kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 1:4) Sa katunayan, hinihimok ng Bibliya ang lahat ng Kristiyano na gamitin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1, 2; Hebreo 5:14) Pero kung minsan ang kasanayan sa pangangatuwiran ng iyong anak ay baka magtulak sa kaniya na makipagtalo sa iyo, kahit sa waring maliliit na bagay. O maaari niyang sabihin ang kaniyang opinyon kahit na hindi ito tama. (Kawikaan 14:12) Sa gayong sitwasyon, paano ka mangangatuwiran sa kaniya sa halip na makipagtalo?

SUBUKAN ITO: Isipin mo na baka sinusubukan pa lang ng iyong anak na tin-edyer na mangatuwiran, at hindi pa siya gaanong sigurado sa kaniyang opinyon. Para malaman ito, papurihan siya sa kaniyang opinyon. (“Naiintindihan kita, kahit hindi ako sang-ayon sa lahat ng sinabi mo.”) Pagkatapos, tulungan siyang suriin ang kaniyang iniisip. (“Sa palagay mo, kapit ba sa lahat ng sitwasyon ang sinabi mo?”) Baka magulat ka kapag sinuring-muli ng iyong anak ang kaniyang mga ideya at baguhin ito.

Paalaala: Kapag nakikipagkatuwiranan sa iyong anak na tin-edyer, huwag mong isipin na kailangan mong patunayan na tama ka. Kahit na sa tingin mo ay nagbibingi-bingihan siya, malamang na mas marami siyang mapupulot sa iyong sinabi kaysa sa inaakala mo​—o kaysa sa aaminin niya. Huwag magtaka kung pagkaraan ng ilang araw, magkapareho na kayo ng opinyon​—baka sabihin pa nga niya na ideya niya iyon.

“Kung minsan nagtatalo kami ng anak ko tungkol sa maliliit na bagay​—halimbawa, tungkol sa hindi pag-aaksaya o sa panunukso sa kaniyang kapatid na babae. Pero kadalasan, gusto niyang itanong ko sa kaniya kung ano ang iniisip niya at maging maunawain at sabihin, ‘O, ganoon ba’ o ‘Gayon pala ang iniisip mo.’ Kung gayon sana ang sinabi ko, marahil naiwasan namin ang marami sa aming mga pagtatalo.”​—Kenji, Japan.

PAGKAKAROON NG SARILING PANININDIGAN

Tinutulungan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na madamang puwede nilang sabihin ang kanilang niloloob

Isang mahalagang bahagi sa pagpapalaki ng isang tin-edyer na ihanda siya sa pagsasarili bilang isang responsableng adulto. (Genesis 2:24) Kasali rito ang pagkakaroon ng sariling mga katangian, paniniwala, at mga pamantayan na magpapakilala kung anong uri siya ng tao. Kapag ginigipit na gumawa ng masama, hindi lamang iisipin ng tin-edyer na may matatag na pagkatao ang resulta ng kaniyang gagawin kundi tatanungin din niya ang kaniyang sarili: ‘Anong uri ako ng tao? Anong mga pamantayan ang sinusunod ko? Ano ang gagawin ng taong may gayong mga pamantayan sa ganitong sitwasyon?’​—2 Pedro 3:11.

Sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol kay Jose, isang kabataang may matatag na pagkatao. Halimbawa, nang akitin siya ng asawa ni Potipar na sumiping sa kaniya, sinabi ni Jose: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” (Genesis 39:9) Kahit na wala pang kautusan noon na ibinigay sa mga Israelita laban sa pangangalunya, naunawaan ni Jose ang pangmalas ng Diyos sa bagay na iyon. Bukod diyan, ang pananalitang “paano ko magagawa” ay nagpapakitang naging pangmalas niya ang pangmalas ng Diyos​—isang bahagi ng kaniyang pagkatao.​—Efeso 5:1.

Ang iyong anak na tin-edyer din ay nagsisimula pa lang magkaroon ng sariling identity. Mabuti ito, dahil ang kaniyang mga opinyon ay tutulong sa kaniya na maharap ang mga panggigipit ng kaniyang mga kasama at manindigan. (Kawikaan 1:10-15) Sa kabilang dako naman, maaari din itong mag-udyok sa kaniya na lumaban sa iyo. Kung mangyari iyan, ano ang gagawin mo?

SUBUKAN ITO: Sa halip na makipagtalo, liwanagin ang kaniyang opinyon. (“Kung hindi ako nagkakamali, sinasabi mo na . . . ”) Saka magtanong. (“Bakit ganiyan ang nadarama mo?” o “Bakit mo nasabi iyan?”) Himukin at hayaan mong sabihin niya ang kaniyang niloloob. Kung walang malaking isyung nasasangkot sa pagkakaiba ng inyong opinyon at hindi naman siya mali, ipakita mong iginagalang mo ang kaniyang opinyon​—kahit na hindi ka lubusang sang-ayon dito.

Ang pagkakaroon ng sariling identity​—pati na ng paninindigan​—ay hindi lang normal kundi kapaki-pakinabang din. Tutal, sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging gaya ng mga bata na “sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo.” (Efeso 4:14) Kaya hayaan at pasiglahin pa nga ang iyong anak na magkaroon ng sariling identity na may matatag na paninindigan.

“Kapag ipinapakita ko sa aking mga anak na babae na handa akong makinig sa kanila, mas pinapakinggan nila ang aking sinasabi, kahit na iba ito sa kanilang iniisip. Nag-iingat ako na huwag ipilit sa kanila ang aking opinyon kundi hinahayaan ko silang gumawa ng sarili nilang pasiya.”​—Ivana, Czech Republic.

HINDI PABAGU-BAGO, PERO MAKATUWIRAN

Gaya ng mga bata, natutuhan ng ilang tin-edyer na kulitin ang kanilang mga magulang para makuha ang gusto nila. Kung madalas itong mangyari sa inyong pamilya, mag-ingat. Maaaring matapos ang inyong pagtatalo kung pagbibigyan mo siya, pero itinuturo nito sa iyong anak na kailangan niyang makipagtalo para makuha niya ang kaniyang gusto. Ang solusyon? Sundin ang payo ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Malamang na hindi makipagtalo sa iyo ang iyong mga anak na tin-edyer kung alam nilang hindi ka pabagu-bago.

Pero maging makatuwiran din. Halimbawa, hayaan mong ipaliwanag ng iyong anak kung bakit iniisip niyang dapat baguhin ang kaniyang curfew sa isang partikular na pagkakataon. Sa gayong kalagayan, hindi ka naman nagpapatalo sa iyong anak, kundi sinusunod mo lang ang payo ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.”​—Filipos 4:5.

SUBUKAN ITO: Pag-usapan ninyo bilang pamilya ang mga curfew at iba pang patakaran sa bahay. Ipakitang handa kang makinig at timbangin ang lahat ng bagay na nasasangkot bago magpasiya. “Dapat makita ng mga tin-edyer na handang pagbigyan ng kanilang mga magulang ang isang kahilingan kung wala namang nalalabag na simulain sa Bibliya,” ang sabi ni Roberto, isang ama sa Brazil.

Sabihin pa, walang sakdal na magulang. Sinasabi ng Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Kung naging dahilan ka rin ng pagtatalo, huwag mag-atubiling magsori sa iyong anak. Ang pag-amin sa iyong pagkakamali ay nagpapakita ng kapakumbabaan at malamang na tularan ito ng iyong anak.

“Pagkatapos ng isang pagtatalo, nang kumalma na ako, nagsori ako sa aking anak na lalaki dahil sa aking silakbo ng galit. Nakatulong iyan upang kumalma rin siya at makinig sa akin.”​—Kenji, Japan.

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Sa anu-anong paraan nagiging dahilan ako ng mga pagtatalo namin ng aking anak?

  • Paano ko magagamit ang impormasyon sa artikulong ito para higit na maunawaan ang aking anak?

  • Paano ako makikipag-usap sa aking anak nang hindi nakikipagtalo?