Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Diskriminasyon—Nahawa Ka Na Kaya?

Diskriminasyon—Nahawa Ka Na Kaya?

Parang virus ang diskriminasyon. Kapag nahawahan ang isang tao, may masama itong epekto sa kaniya, at wala siyang kaalam-alam na nahawahan na pala siya.

Posibleng magkaroon ng diskriminasyon kapag magkaiba ang bansa, lahi, tribo, o wika. Nangyayari din ito kapag magkaiba ang relihiyon, kasarian, o katayuan sa buhay. Hinuhusgahan naman ng ilang tao ang iba dahil sa kanilang edad, edukasyon, kapansanan, o hitsura. At pakiramdam nila, hindi iyon diskriminasyon.

Nahawahan ka na kaya ng diskriminasyon? Napapansin natin ang diskriminasyong ginagawa ng iba. Pero baka hindi natin ito agad mahalata sa sarili natin. Ang totoo, lahat tayo ay may tendensiyang manghusga. Sinabi ng sociology professor na si David Williams na kapag negatibo ang tingin ng mga tao sa isang grupo, at may makilala sila mula sa grupong iyon, “iba ang magiging pagtrato nila sa taong iyon, at wala silang kamalay-malay na ganoon na pala ang ginawa nila.”

Halimbawa, may isang etnikong grupo sa Balkans, kung saan nakatira si Jovica. Inamin niya: “Akala ko, walang mabait sa grupong iyon. Pero hindi ko napansin na nanghuhusga na pala ako. Katuwiran ko: ‘Totoo naman ’yon eh.’”

May mga batas ang maraming gobyerno para labanan ang diskriminasyon ng lahi at iba pang uri ng diskriminasyon. Pero may diskriminasyon pa rin. Bakit? Kasi ang mga batas na iyon ay nakakapigil lang sa ginagawa ng isang tao. Pero hindi nito napipigilan ang naiisip at nararamdaman ng isang tao. Ang diskriminasyon ay nagsisimula sa isip at puso. Maaalis pa kaya ito? May lunas pa ba ito?

Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang limang prinsipyo na nakatulong sa marami na labanan ang diskriminasyon sa kanilang isip at puso.