Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 1

Ang mga Pakinabang ng Pagpipigil sa Sarili

Ang mga Pakinabang ng Pagpipigil sa Sarili

ANO ANG PAGPIPIGIL SA SARILI?

Ang taong may pagpipigil sa sarili ay

  • naghihintay bago makuha ang gusto

  • hindi nagpapadala sa tukso

  • tinatapos kahit ang mga ayaw niyang gawin

  • inuuna ang iba bago ang sarili

BAKIT MAHALAGA ANG PAGPIPIGIL SA SARILI?

Ang mga batang may pagpipigil sa sarili ay may kakayahang paglabanan ang tukso, kahit kaakit-akit pa ito. Pero ang mga batang walang gaanong pagpipigil sa sarili ay malamang na

  • maging agresibo

  • dumanas ng depresyon

  • manigarilyo o maging lasenggo o adik

  • hindi mag-ingat sa kanilang kinakain

Ayon sa isang pag-aaral, ang mga batang may pagpipigil sa sarili ay hindi gaanong nagkakaproblema sa kalusugan at pera paglaki nila, at mas masunurin sila sa batas. Dahil dito, nasabi ni Professor Angela Duckworth ng University of Pennsylvania: “Kahit kailan, hindi makakasamâ ang pagpipigil sa sarili.”

KUNG PAANO ITUTURO ANG PAGPIPIGIL SA SARILI

Matutong magsabi ng hindi at panindigan ito.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi.”—Mateo 5:37.

Baka masubok ang paninindigan ng magulang kapag nag-alburoto na ang bata—lalo na sa harap ng maraming tao. Kapag pinagbigyan ito ng magulang, iisipin ng bata na puwede niyang makuha ang gusto niya kung mag-aalburoto siya.

Kapag nanindigan naman ang magulang at hindi pinagbigyan ang kaniyang anak, matututuhan nito na hindi natin laging nakukuha ang gusto natin. “Ang totoo, mas masaya ang mga taong natututo sa aral na iyan,” ang isinulat ni Dr. David Walsh. “Hindi pagpapakita ng pag-ibig sa anak kung palalakihin siyang naniniwala na makukuha niya ang lahat ng gusto niya.” *

Kung ngayon pa lang ay hindi mo na ibinibigay ang lahat ng gusto ng anak mo, matutulungan mo siyang magkaroon ng pagpipigil sa sarili paglaki niya—kasama na rito ang pagtanggi sa droga, premarital sex, o iba pang masamang gawain.

Ipaunawa sa iyong anak ang resulta ng mabuti at masamang paggawi.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”—Galacia 6:7.

Dapat maintindihan ng iyong anak na mananagot siya sa kaniyang ginagawa, kaya may masamang epekto ang kawalan ng pagpipigil sa sarili. Halimbawa, kung laging nagagalit ang iyong anak kapag hindi niya nagustuhan ang isang bagay, baka layuan siya ng iba. Pero kung masasanay siyang kontrolin ang sarili kahit naiinis siya, o maghintay sa halip na sumabat, mapapalapit sa kaniya ang mga tao. Ipaunawa sa iyong anak na mas mapapabuti siya kung may pagpipigil siya sa sarili.

Turuan ang iyong anak na magtakda ng priyoridad.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “[Dapat] na makita ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10.

Kasama sa pagpipigil sa sarili, hindi lang ang pag-iwas sa masama, kundi pati na ang paggawa ng kung ano ang kinakailangan, kahit hindi natin ito gustong gawin. Mahalagang matutuhan ng iyong anak kung paano magtakda ng priyoridad at sundin ito. Halimbawa, dapat niyang unahin ang paggawa ng homework kaysa sa paglalaro.

Maging mabuting halimbawa.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.”—Juan 13:15.

Nakikita ng anak mo ang reaksiyon mo kapag may nakakainis na sitwasyon. Ipakita sa iyong anak na mas magiging maayos ang mga bagay-bagay kung may pagpipigil sa sarili. Halimbawa, kapag sinusubok ng anak mo ang pasensiya mo, nagagalit ka ba agad o kalmado lang?

^ par. 20 Mula sa aklat na No: Why Kids—of All Ages—Need to Hear It and Ways Parents Can Say It.