Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nanindigan Siya sa Kaniyang Paniniwala

Nanindigan Siya sa Kaniyang Paniniwala

Noong 11-taóng-gulang si Song Hee, napansin ng nanay niya ang di-normal na kurba sa kaniyang likod. Na-diagnose ito ng doktor bilang scoliosis, isang patagilid na pagkurba ng gulugod, na kahugis ng letrang “C” o “S.” Lumala ang kondisyon ni Song Hee at kinailangan niya ng operasyon. Pero ayaw niyang magpasalin ng dugo. Ininterbyu siya ng “Gumising!” tungkol dito.

Nang una kang ma-diagnose, natulungan ka ba ng mga doktor?

Mga tatlong taon po akong inobserbahan ng dalawang doktor, pero lumala nang lumala ang pagkurba ng gulugod ko. Naiipit na nga ang puso at baga ko, at hiráp na akong huminga. Talagang kailangan ko na ng operasyon.

Pumayag ka bang magpaopera?

Opo. Pero sinabihan ako na magiging mahirap ito. Nang panahong iyon, 116 degrees na ang kurba ng gulugod ko, at talagang malala na ’yon. Pero may isa pa pong problema. Dahil sa paniniwala ko, na galing sa Bibliya, ayokong magpasalin ng dugo. *

Nakakita ba kayo ng surgeon na gustong mag-opera sa iyo?

Pumunta po kami ng nanay ko sa isang espesyalista sa lugar namin sa Florida, E.U.A. Pero nang sabihin ko sa kaniya na ayokong magpasalin ng dugo, sinabi niya na walang surgeon na papayag sa gan’ong komplikadong operasyon kung hindi ako magpapasalin ng dugo. Sabi pa niya, baka hindi na ako umabot nang 20 anyos kung hindi ako maooperahan. Katorse lang po ako noon.

Ipinaliwanag mo ba sa kaniya ang paniniwala mo?

Opo. Sinabi ko na ang paniniwala ko ay galing sa Bibliya, at para sa Diyos, ang dugo ay sagrado, dugo man ito ng tao o ng hayop. * Para sa mga Israelita, kahit ang pagkain ng dugo ay kasalanang pinarurusahan ng kamatayan! * Ipinabasa ko rin po sa kaniya ang Gawa 15:19, 20. Ang sabi sa mga Kristiyano: “Umiwas [kayo] sa dugo.” Ibig sabihin, ang dugo ay hindi dapat ipasok sa katawan natin—sa bibig man o sa ugat.

Ano’ng sabi ng surgeon?

Nagpumilit po siya na sasalinan pa rin niya ako ng dugo. Nagulat pa ako nang sabihin ng ospital na kung magpapasalin ako, hindi na nila kami sisingilin sa operasyon.

Napakagandang alok naman niyan! Ano’ng ginawa ninyo ng nanay mo?

Kahit walang gustong mag-opera sa akin kung hindi ako magpapasalin, nanindigan po kami sa aming paniniwala. ’Tapos, lalo pang naging komplikado ang sitwasyon. Ayon po kasi sa batas, menor de edad pa rin ako. At dahil nagiging kritikal ang lagay ko, isinampa sa korte ang kaso ko. ’Buti na lang, binigyan kami ng abogado ng estado ng Florida ng 30 araw para maghanap ng surgeon na papayag sa gusto ko.

Nakahanap ba kayo?

Opo! Kinontak ng Hospital Liaison Committee ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar ang isang espesyalista sa scoliosis na nasa New York. Payag po siyang operahan ako nang walang pagsasalin ng dugo, at nakipagkita siya sa amin. Kaya naman naabot namin ang deadline ng korte. *

Kumusta ang operasyon?

Ayos na ayos po! Para maituwid ang gulugod ko, ang surgeon na si Dr. Robert M. Bernstein ay naglagay ng naia-adjust na mga tukod na metal sa aking likod. Dalawang beses niya akong inoperahan na may dalawang-linggong pagitan.

Bakit dalawang beses?

Kung masyado pong magiging madugo ang unang operasyon, may panahon pa ang katawan ko na makagawa ng mga pulang selula ng dugo bago ang susunod na operasyon. Mabuti naman po at konting dugo lang ang nawala sa akin sa dalawang operasyon, kasi y’ong team na humawak sa akin ay nagplano nang mabuti, maingat sa pag-oopera, at talagang mahuhusay. Maganda rin ang recovery ko kasi hindi ko naranasan ang mga komplikasyong dala ng pagpapasalin ng dugo. *

Ano’ng sabi ng surgeon sa resulta?

Dapat isaalang-alang ng mga doktor ang buong pagkatao ng pasyente

Tuwang-tuwa po siya! “Ang pangangalagang medikal,” sabi niya, “ay hindi lang basta pag-oopera.” Para sa kaniya, dapat isaalang-alang ng mga doktor ang buong pagkatao ng pasyente, pati na ang paniniwala at prinsipyo nito. Ganiyan din ang pananaw ng maraming tao, hindi lang ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 7 Ang nanay ni Song Hee ay isang Saksi ni Jehova. Ganito rin ang paniniwala ni Song Hee, at nabautismuhan siya noong 2012 sa edad na 16.

^ par. 17 Ang mga Hospital Liaison Committee ay tumutulong sa mga pasyenteng Saksi na makahanap ng mga doktor na magbibigay ng mahusay na panggagamot nang hindi nagsasalin ng dugo.

^ par. 21 Sa isang artikulo tungkol sa mga panganib ng pagsasalin ng dugo, sinabi ng Clinical Excellence Commission, New South Wales (Australia) Health: “Ang pagsasalin ng dugo ay pagta-transplant ng buháy na mga tissue. Gaya ng anumang uri ng transplant, awtomatikong tinatanggihan ng katawan ng tao ang anumang bagay na hindi bahagi nito. Maraming ipinahihiwatig iyan pagdating sa kaligtasan.”