Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Magiging Tapat sa Sumpaan

Kung Paano Magiging Tapat sa Sumpaan

ANG HAMON

Noong araw ng iyong kasal, sumumpa ka. Nagbitiw ka ng isang panghabambuhay na pangako—na hindi mo iiwan ang iyong asawa at lulutasin ninyo ang anumang problemang babangon.

Pero sa paglipas ng mga taon, ang madalas na pagtatalo ay nakaapekto sa inyong pagsasama. Tapat ka pa rin ba sa sumpaan ninyong mag-asawa?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Ang pagiging tapat sa sumpaan ay parang angkla na magpapatatag sa inyong pagsasama

Ang pagiging tapat sa sumpaan ay solusyon, hindi problema. Marami sa ngayon ang atubiling mangako ng katapatan sa mapapangasawa. Para sa ilan, katulad ito ng kadena dahil matatali sila sa nagawa nilang maling desisyon. Sa halip na mag-isip nang gayon, ituring mo itong parang angkla na magpapatatag sa inyong pagsasama. Sinabi ng may-asawang si Megan, “Kapag tapat kayo sa inyong sumpaan, kahit may mga panahong nag-aaway kayo, alam n’yo na hindi kayo mauuwi sa hiwalayan.” * Kapag may tiwala kayo na panatag ang inyong pagsasama—kahit may mga panahong maligalig ito—mayroon kayong dahilan para lutasin ang inyong mga problema.—Tingnan ang kahong “ Tapat sa Sumpaan at sa Asawa.”

Tandaan: Kung nagkakaproblema ang pagsasama ninyo, ito na ang panahon para patibayin, hindi pag-alinlanganan, ang iyong determinasyon na maging tapat sa inyong sumpaan. Paano?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Suriin ang iyong pangmalas. “Panghabambuhay na pagsasama.” Kapag naririnig mo iyan, nasasakal ka ba o napapanatag ka? Kapag nagkakaproblema kayo, lagi bang sumasagi sa isip mo ang makipaghiwalay? Para maging tapat sa inyong sumpaan, kailangang ituring mo ang pag-aasawa bilang panghabambuhay na pagsasama.—Simulain sa Bibliya: Mateo 19:6.

Suriin ang iyong background. Baka nakaaapekto sa pangmalas mo ang naobserbahan mo sa iyong mga magulang. “Nagdiborsiyo ang mga magulang ko noong bata pa ako,” ang sabi ng may-asawang si Lea, “at natatakot ako na baka dahil dito ay negatibo ang tingin ko sa commitment.” Makaaasa ka na puwede mong baguhin ang mga bagay-bagay sa pagsasama ninyong mag-asawa. Hindi ka nakatakdang matulad sa iyong mga magulang!—Simulain sa Bibliya: Galacia 6:4, 5.

Suriin ang iyong pananalita. Kapag nagtatalo kayong mag-asawa, iwasang magsabi ng mga bagay na pagsisisihan mo, gaya ng “Iiwan na kita!” o, “Maghahanap na ako ng iba!” Ang ganiyang pananalita ay makasisira sa inyong sumpaan, at sa halip na malutas ang problema, magbabatuhan lang kayo ng mga insulto. Sa halip na masasakit na salita, subukan ito: “OK, pareho tayong galit. Paano tayo magtutulungan para malutas ang problemang ito?”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 12:18.

Ipakita sa iba na tapat ka sa asawa mo. Maglagay ng litrato ng asawa mo sa iyong desk sa trabaho. Magkuwento sa iba ng magagandang bagay tungkol sa pagsasama ninyo. Kung matagal-tagal kayong magkakalayo, sikaping tawagan sa telepono ang asawa mo araw-araw. Laging banggitin ang “kami,” at gumamit ng pananalitang gaya ng “kami ng misis ko” o “kami ng mister ko.” Sa paggawa nito, maikikintal mo sa iba—at sa iyo—na talagang tapat ka sa asawa mo.

Maghanap ng mabubuting halimbawa. Tularan ang may-gulang na mga mag-asawang may maligayang pagsasama. Tanungin sila, “Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng pagiging tapat sa sumpaan, at paano ito nakatulong sa inyong pagsasama?” Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Tandaan mo ang simulaing iyan at makinabang sa payo ng mga mag-asawang may matagumpay na pagsasama.

^ par. 7 Pinahihintulutan ng Bibliya ang taong may asawa na wakasan ang kanilang pagsasama kung nagkasala ng seksuwal na imoralidad ang kaniyang kabiyak. Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya—Pangangalunya” sa isyung ito ng Gumising!