Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?

Pagkamatay ng Mahal sa Buhay

Pagkamatay ng Mahal sa Buhay

Si Ronaldo, taga-Brazil, ay naaksidente sa kotse kasama ng pamilya niya. Lima ang namatay, kasama na ang kaniyang mga magulang. “Dalawang buwan na ako sa ospital nang sabihin sa akin na namatay sila sa aksidente,” ang sabi niya.

“Sa umpisa, hindi ako makapaniwalang wala na sila. Paano nangyari iyon? Lahat sila? Nang matiyak kong totoo nga, na-shock ako. Sobrang sakit! Nang sumunod na mga araw, parang wala nang halaga sa akin ang buhay. Araw-araw akong umiiyak sa loob ng ilang buwan! Sinisisi ko ang sarili ko dahil ipinamaneho ko sa iba ang kotse. Kung ako sana ang nagmaneho, baka buháy pa sila.

“Labing-anim na taon na ang nakalipas, at balik na sa dati ang buhay ko. Pero nangungulila pa rin ako.”

PAGHARAP SA TRAHEDYA

Huwag itago ang iyong kalungkutan. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtangis.” (Eclesiastes 3:1, 4) Sabi ni Ronaldo: “Kapag gusto kong umiyak, umiiyak talaga ako. Tutal, wala naman akong mapapala kung pipigilin ko ‘yon. Nagiginhawahan pa nga ako pagkaiyak ko.” Siyempre pa, hindi pare-pareho ang tao. Kaya kung hindi mo man ipinakikita ang iyong pagdadalamhati, hindi ibig sabihin nito na pinipigil mo ang iyong emosyon o na dapat mong piliting umiyak.

Huwag ibukod ang sarili. (Kawikaan 18:1) “Kahit gusto kong ibukod ang sarili ko, hindi ko ‘yon ginawa,” ang sabi ni Ronaldo. “Kapag may dumadalaw sa akin, pinatutuloy ko sila. Sinasabi ko rin sa aking asawa at matatalik na kaibigan ang nasa loob ko.”

Manatiling kalmado kapag nakarinig ka ng mga bagay na hindi mo gusto. Baka may magsabing, “Mas mabuti na iyan.” Naaalaala pa ni Ronaldo, “May mga komentong sa halip na makaaliw ay nakakasakit pa.” Sa halip na isip-isipin ang mga iyon, sundin ang payo ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao.”Eclesiastes 7:21.

Alamin ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Sabi ni Ronaldo: “Ipinakikita ng Bibliya sa Eclesiastes 9:5 na ang mga patay ay hindi nagdurusa, kaya naman panatag ang loob ko. Itinuturo din ng Bibliya na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay. Kaya iniisip ko na lang na nasa bakasyon lang ang namatay kong mga mahal sa buhay.”Gawa 24:15.

Alam mo ba? Nangangako ang Bibliya na darating ang panahon na “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman.” *Isaias 25:8.