Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kung Paano Tatanggapin ang Pagtutuwid

Kung Paano Tatanggapin ang Pagtutuwid

ANG HAMON

“Kapag may nagtutuwid sa ‘yo, para na ring sinasabi ng taong ‘yon na mali ang ginagawa mo. At wala akong kakilala na magsasabing ‘Gustong-gusto kong may nagsasabi sa ‘king mali ang ginagawa ko!’ ”—Amy, 17. *

Ang hindi nakikinig sa pagtutuwid ay gaya ng isang pilotong di-nakikinig sa direksiyon mula sa control tower. Kapaha-pahamak ito.

Nahihirapan ka bang tumanggap ng pagtutuwid mula sa iyong mga magulang, guro, at iba pang adulto? Kung oo, makatutulong sa iyo ang artikulong ito.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Bawat isa ay nangangailangan ng pagtutuwid.

“Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.”Santiago 3:2.

“Hindi ka dapat mahiya kapag itinutuwid ka kung may nagawa kang mali.”—Jessica.

Kapag itinutuwid ka, hindi ibig sabihin nito na masamang tao ka.

“Ang iniibig ni Jehova * ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.”Kawikaan 3:12.

“Kapag may mga nagtutuwid sa ‘kin, ang iniisip ko ay kung gaano kahirap para sa kanila na gawin ‘yon, at kung gaano nila ako kamahal.”—Tamara.

Ang pagtutuwid ay makatutulong sa iyo na maging mas mabuting tao.

“Makinig kayo sa disiplina at magpakarunong.”Kawikaan 8:33.

“Kailangan ang pagtutuwid para sumulong. Maiintindihan mo kung ano ang tingin sa ‘yo ng iba at makokontrol mo ang mga pangit na ugaling hindi mo namamalayan.”—Deanne.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Maging bukás ang isip. Baka masaktan ka kapag itinutuwid ka. Pero kalimutan mo muna ang nadarama mo. Para magawa iyan, isipin mong ikaw ang nagbibigay ng gayong pagtutuwid sa iba—marahil sa nakababata mong kapatid. Nakikita mo na ba ang kabutihan ng payong iyan? Ngayon, ibalik mo ang iyong sarili sa sitwasyong iyon at tingnan ang payong iyan sa positibong paraan.Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 7:9.

“Minsan, sa sobrang inis mo, nakakalimutan mong gusto ka lang tulungan ng nagtutuwid sa ‘yo para maging mas mabuting tao ka, at hindi para saktan ang damdamin mo.”—Theresa.

Maging mapagpakumbaba. Huwag tanggihan ang pagtutuwid dahil lamang sa pride. Pero huwag ka namang panghinaan ng loob dahil lang sa mayroon kang dapat pasulungin. Matutulungan ka ng kapakumbabaan na maiwasan ang dalawang negatibong reaksiyong iyan. Tandaan: Baka ang napakasakit na pagtutuwid ang siyang pagtutuwid na kailangang-kailangan mo. Pero kung tatanggihan mo iyon, anuman ang iyong dahilan, sasayangin mo ang mahalagang pagkakataong iyon para sumulong.Simulain sa Bibliya: Kawikaan 16:18.

Baka ang napakasakit na pagtutuwid ang siyang pagtutuwid na kailangang-kailangan mo

“Ang pagtanggap ng pagtutuwid ay mahalagang bahagi ng pagiging may-gulang. Kung hindi natin ito tatanggapin at hindi tayo matututo mula rito, tayo rin ang kawawa.”—Lena.

Maging mapagpasalamat. Kahit nahihirapan kang tumanggap ng pagtutuwid, pasalamatan mo pa rin ang nagbigay nito. Tiyak na mahal ka ng taong iyon at gusto ka niyang mapabuti.Simulain sa Bibliya: Awit 141:5.

“Laging tama ang magpasalamat, lalo na kung kailangan mo ng payo. At kahit hindi mo iyon kailangan, puwede ka pa ring maging mabait at magpasalamat sa pagsisikap ng nagpayo sa ‘yo.”—Carla.

^ par. 4 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 11 Jehova ang pangalan ng Diyos ayon sa Bibliya.