Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 6

Ulat ng Bibliya Tungkol sa Roma

Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 6

Ito ay ikaanim sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.

NOONG namamahala ang Imperyo ng Roma, itinatag ni Jesus ang Kristiyanismo at pinalaganap ito sa iba’t ibang lupain ng kaniyang mga tagasunod. Makikita mo pa rin ang mga lansangan, paagusan, at monumentong Romano sa mga lupaing gaya ng Britanya at Ehipto. Pinatutunayan ng mga ito ang pag-iral ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, pati na ang mga bagay na sinabi at ginawa nila. Halimbawa, kung maglalakad ka sa Appian Way, para mo na ring dinaanan ang ruta ng Kristiyanong apostol na si Pablo nang maglakbay siya patungong Roma.​—Gawa 28:15, 16.

Tumpak na Ulat ng Kasaysayan

Sa ulat ng Bibliya tungkol kay Jesus at sa kaniyang mga alagad, binanggit ang maraming makasaysayang pangyayari noong unang siglo. Pansinin kung paano eksaktong tinukoy ng manunulat ng Bibliya na si Lucas ang taon kung kailan naganap ang dalawang napakahalagang pangyayari: ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista at ang bautismo ni Jesus, kung kailan siya naging Kristo, o Mesiyas. Isinulat ni Lucas na ang mga pangyayaring ito ay naganap noong “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar [29 C.E.], nang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang tagapamahala ng distrito ng Galilea.” (Lucas 3:1-3, 21) Binanggit din ni Lucas ang apat pang mahahalagang opisyal​—sina Felipe (kapatid ni Herodes), Lisanias, Anas, at Caifas. Ang pitong pangalang ito ay pinatutunayan ng sekular na mga istoryador. Pero pag-usapan natin sina Tiberio, Pilato, at Herodes.

Kilalang-kilala si Tiberio Cesar, at makikita sa mga gawang-sining ang kaniyang hitsura. Hinirang siya ng Senado ng Roma bilang emperador noong Setyembre 15 ng taóng 14 C.E., nang si Jesus ay mga 15 taóng gulang.

Lumilitaw ang pangalan ni Poncio Pilato kasama ng kay Tiberio sa isang ulat ng Romanong istoryador na si Tacitus, di-nagtagal matapos makumpleto ang Bibliya. Ganito ang isinulat ni Tacitus tungkol sa terminong “Kristiyano”: “Si Christus, na pinagmulan ng pangalang ito, ay dumanas ng pinakamatinding parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating mga prokurador, si Poncio Pilato.”

Kilalá naman si Herodes Antipas na nagtayo ng lunsod ng Tiberias na nasa tabi ng Dagat ng Galilea. Doon siya nanirahan. Posibleng doon din niya pinapugutan ng ulo si Juan Bautista.

Binanggit din ng ulat ng Bibliya ang mahahalagang pangyayari noong panahon ng Roma. Ganito ang sinabi ng Bibliya hinggil sa panahon ng kapanganakan ni Jesus: “At nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang batas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; (naganap ang unang pagpaparehistrong ito noong si Quirinio ay gobernador ng Sirya;) at ang lahat ng mga tao ay naglakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.”​—Lucas 2:1-3.

Si Quirinio ay binanggit ni Tacitus at ng Judiong istoryador na si Josephus sa kanilang mga ulat. Makikita sa British Library ang orihinal na utos ng Romanong gobernador na nagpapatunay sa mga pagpaparehistrong iyon. Ganito ang mababasa roon: “Kapag panahon na ng sensus, ang sinumang naninirahan sa labas ng kanilang mga distrito, anuman ang kanilang dahilan, ay kailangang umuwi.”

Binanggit din ng Bibliya ang “malaking taggutom . . . noong panahon [ng Romanong emperador na si] Claudio.” (Gawa 11:28) Pinatunayan ng unang-siglong istoryador na si Josephus ang ulat na ito. Isinulat niya: “Isang taggutom ang sumalot sa kanila nang panahong iyon, at marami ang namatay.”

Sinasabi rin ng Bibliya sa Gawa 18:2 na “ipinag-utos ni Claudio na lisanin ng lahat ng mga Judio ang Roma.” Sinusuportahan ito ng talambuhay ni Claudio na isinulat ng Romanong istoryador na si Suetonius noong mga 121 C.E. Sinabi ni Suetonius na “pinalayas [ni Claudio] sa Roma ang lahat ng mga Judio.” Idinagdag pa niya na “palaging gumagawa ng gulo” ang mga Judio dahil napopoot sila sa mga Kristiyano.

Halos kasabay ng nabanggit na taggutom, sinasabi ng Bibliya na si Herodes Agripa, na nadaramtan ng “maharlikang kagayakan,” ay nagtalumpati sa harap ng pulutong na humahanga sa kaniya, na nagsabi: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” Pagkatapos, sinabi ng Bibliya na si Agripa ay “kinain ng mga uod at nalagutan ng hininga.” (Gawa 12:21-23) Iniulat din ni Josephus ang pangyayaring ito at nagdagdag siya ng ilang detalye. Isinulat niya na nagtalumpati si Agripa habang nakasuot ng “kasuutang yari sa pilak.” Binanggit din niya na ‘biglang sumakit nang matindi ang tiyan ni Agripa.’ Ayon kay Josephus, namatay si Agripa pagkaraan ng limang araw.

Maaasahang mga Hula

Mababasa rin sa Bibliya ang kapansin-pansing mga hula na isinulat at natupad noong panahon ng Roma. Halimbawa, nang pumunta si Jesus sa Jerusalem, tumangis siya at inihula niya kung paano wawasakin ng mga hukbong Romano ang lunsod. “Ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis,” ang sabi ni Jesus. “Hindi sila mag-iiwan sa iyo ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato, sapagkat hindi mo naunawaan ang panahon ng pagsisiyasat sa iyo.”​—Lucas 19:41-44.

Pero magkakaroon ng pagkakataong tumakas ang mga tagasunod ni Jesus. Paano? Binigyan sila ni Jesus ng espesipikong mga tagubilin: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya [ng Jerusalem] ay umalis.” (Lucas 21:20, 21) Malamang na napaisip ang mga tagasunod ni Jesus kung paano sila makatatakas sa isang lunsod na kinukubkob.

Iniulat ni Josephus kung ano ang nangyari. Noong 66 C.E., sapilitang kinuha ng isang Romanong gobernador sa ingatang-yaman ng templo ang mga utang na buwis ng mga Judio. Sa galit ng mga rebeldeng Judio, pinagpapatay nila ang mga hukbong Romano. Sa ginawa nilang ito, para na rin silang nagdeklara ng kasarinlan sa Roma. Nang maglaon, nang taon ding iyon, si Cestio Gallo, Romanong gobernador ng Sirya, ay humayo sa timog kasama ang 30,000 kawal at dumating sa Jerusalem sa panahon ng isang relihiyosong kapistahan. Pinasok ni Gallo ang mga karatig-pook at sinimulan niyang butasin ang pader ng templo kung saan nagtatago ang mga rebelde. Pagkatapos, biglang umatras si Gallo sa di-malamang dahilan! Tinugis naman ng nagbubunying mga Judio ang umaatras na hukbo ni Gallo.

Hindi nadaya ng mga pangyayaring ito ang tapat na mga Kristiyano. Natanto nila na ito na ang katuparan ng hula ni Jesus: Ang lunsod ay napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo! At ngayong umatras na ang mga hukbong ito, sinamantala ng tapat na mga Kristiyano ang pagkakataon para tumakas. Marami ang pumunta sa Pela, isang lunsod ng mga Gentil na walang pinapanigan sa pulitika at nasa kabundukan sa ibayo ng Jordan.

Kumusta naman ang Jerusalem? Bumalik ang mga hukbong Romano na may bilang na 60,000 sa pangunguna ni Vespasian at ng anak niyang si Tito. Sumugod sila sa lunsod bago ang Paskuwa ng 70 C.E. at nasukol ang mga residente at ang mga dumayo roon para sa pagdiriwang. Kinalbo ng mga kawal na Romano ang kagubatan ng distrito at gumawa sila ng pader ng mga tulos na matutulis, gaya ng inihula ni Jesus. Pagkaraan ng mga limang buwan, bumagsak ang lunsod.

Iniutos ni Tito na huwag galawin ang templo, pero sinunog ito ng isang kawal, at lubusan itong nawasak, gaya ng eksaktong inihula ni Jesus. Ayon kay Josephus, mga 1,100,000 Judio at proselita ang namatay, karamihan ay dahil sa gutom at salot, at 97,000 naman ang dinalang bihag. Marami ang ginawang alipin sa Roma. Kung papasyal ka ngayon sa Roma, puwede mong puntahan ang bantog na Colosseum, na ipinatapos ni Tito pagkaraan ng kaniyang kampanya sa Judea. Makikita mo rin ang Arko ni Tito, na nagpapagunita sa pagkubkob sa Jerusalem. Talagang maaasahan ang bawat detalye ng hula ng Bibliya. Kaya naman dapat nating dibdibin ang sinasabi nito tungkol sa hinaharap.

Pangakong Tiyak na Matutupad

Noong nakatayo si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato, binanggit niya ang isang Kaharian, o pamahalaan, na “hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang kahariang iyon. “Ama namin na nasa langit,” ang sabi niya, “dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Pansinin na pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos na maganap sa lupa ang kalooban ng Diyos​—hindi ng hambog at ambisyosong mga tao.

Si Jesus ang Hari ng makalangit na Kahariang ito. At kaayon ng orihinal na layunin ng Diyos, gagawin niyang paraiso ang buong lupa.​—Lucas 23:43.

Kailan makikialam ang Kaharian ng Diyos sa mga gawain ng tao? Nagbigay ng pahiwatig si Jesus sa kaniyang apostol na si Juan, na nakabilanggo noon sa pulo ng Patmos nang namamahala ang Romanong emperador na si Domitian na kapatid ni Tito. “May pitong hari,” pagsisiwalat ni Jesus. “Lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay mananatili siya nang maikling panahon.”​—Apocalipsis 17:10.

Nang isulat ito ni Juan, limang “hari,” o imperyo, ang bumagsak na: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Ang isa na “narito,” o namamahala noong panahon ni apostol Juan, ay ang Roma. Kaya iisa na lang ang natitira​—ang panghuling kapangyarihang pandaigdig sa ulat ng Bibliya. Ano ang kapangyarihang ito? Gaano katagal ito mamamahala? Sasagutin sa susunod na isyu ng Gumising! ang mga tanong na ito.