Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Moises—Tunay o Alamat?

Moises—Tunay o Alamat?

Moises​—Tunay o Alamat?

SI Moises ay nanganib na patayin nang siya’y isilang. Ang kaniyang mga kababayan ay isang grupo ng pagala-galang mga pamilya na nanirahan sa Ehipto kasama ng kanilang amang si Jacob, o Israel, para makatakas sa pagkagutom. Sa loob ng maraming dekada, mapayapa silang namuhay kasama ng kanilang mga kapitbahay na Ehipsiyo. Subalit may nangyaring pagbabago na nagbadya ng kapahamakan. Ganito ang sabi ng isang iginagalang na makasaysayang ulat: “Bumangon sa Ehipto ang isang bagong hari . . . At sinabi niya sa kaniyang bayan: ‘Narito! Ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit na marami at mas malakas kaysa sa atin. Halikayo! Makitungo tayo sa kanila nang may katusuhan, dahil baka dumami sila.’ ” Ang plano? Sugpuin ang populasyon ng mga Israelita sa pamamagitan ng ‘pang-aalipin sa kanila nang may paniniil’ at pagkatapos ay inutusan ang mga Hebreong komadrona na patayin ang sinumang batang lalaki na isisilang. (Exodo 1:8-10, 13, 14) Gayunman, dahil sa lakas ng loob ng kanilang mga komadronang tumangging sumunod sa utos, lalong dumami ang mga Israelita. Kaya nag-utos ang hari ng Ehipto: “Bawat bagong-silang na anak na lalaki ay itatapon ninyo sa ilog ng Nilo.”​—Exodo 1:22.

‘Hindi natakot sa utos ng hari’ ang isang Israelitang mag-asawa, sina Amram at Jokebed. (Hebreo 11:23) Si Jokebed ay nagsilang ng isang anak na lalaki na sa dakong huli ay inilarawan na “may maladiyos na kagandahan.” * (Gawa 7:20) Marahil ay nabatid nila sa paanuman na may paglingap ng Diyos ang batang ito. Anuman ang mangyari, tumanggi silang ipapatay ang kanilang anak. Bagaman manganganib ang kanilang buhay, ipinasiya nilang ikubli ang bata.

Pagkalipas ng tatlong buwan, si Moises ay hindi na maitago ng kaniyang mga magulang. Palibhasa’y wala nang mapagpipilian, kumilos na sila. Inilagay ni Jokebed ang sanggol sa isang papirong sisidlan at pinalutang siya sa Ilog Nilo. Wala siyang kamalay-malay na ang ginawa niya sa bata ay magbubunsod ng mga pangyayaring makaaapekto sa kasaysayan!​—Exodo 2:3, 4.

Kapani-paniwalang mga Pangyayari?

Itinuturing ng maraming iskolar sa ngayon ang mga pangyayaring ito bilang kathang-isip. “Ang totoo,” ang sabi ng Christianity Today, “wala ni isa mang tuwirang arkeolohikal na katibayan ang natuklasan hinggil sa [mga taon] na nakipamayan sa Ehipto ang mga batang Israelita.” Bagaman maaaring walang tuwirang nakikitang patotoo, marami namang di-tuwirang katibayan na ang ulat ng Bibliya ay kapani-paniwala. Sa kaniyang aklat na Israel in Egypt, ganito ang sabi ng dalubhasa sa Ehiptolohiya na si James K. Hoffmeier: “Maliwanag na ipinakikita ng mga impormasyon sa arkeolohiya na ang Ehipto ay madalas puntahan ng mga taong galing sa Levant [mga bansang nasa hanggahan ng silangang Mediteraneo], lalo na dahil sa mga problema sa klima bunga ng tagtuyot . . . Kaya, mula sa yugto na humigit-kumulang 1800 hanggang 1540 B.C., ang Ehipto ay naging isang kaakit-akit na lugar na dinadayo ng mga taong nagsasalita ng Semitiko na nagmula sa kanlurang Asia.”

Isa pa, matagal nang kinikilala na tumpak ang paglalarawan ng Bibliya sa pang-aalipin sa Ehipto. Ganito ang ulat ng aklat na Moses​—A Life: “Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paniniil sa mga Israelita ay waring pinatutunayan ng isang ipinintang larawan sa libingan sa sinaunang Ehipto na madalas iguhit kung saan ipinakita nang lubhang detalyado ang isang grupo ng mga alipin na gumagawa ng putik na laryo.”

Totoo rin ang paglalarawan ng Bibliya sa maliit na arkang ginamit ni Jokebed. Sinasabi ng Bibliya na ito ay yari sa papiro, na, ayon sa Cook’s Commentary, “ay pangkaraniwang ginagamit ng mga Ehipsiyo sa paggawa ng magagaan at mabibilis na bangka.”

Subalit, mahirap bang paniwalaan na ipag-uutos ng isang lider ng bansa ang walang-awang pagpaslang sa mga sanggol? Ipinaaalaala sa atin ng iskolar na si George Rawlinson: “Ang pagpatay sa mga sanggol . . . ay lumaganap sa iba’t ibang mga panahon at mga lugar, at itinuring na maliit na bagay lamang.” Sa katunayan, hindi mahihirapang makasumpong ang isa ng katumbas na malulupit na halimbawa ng lansakang pagpatay sa modernong panahon. Maaari ngang nakababahala ang ulat ng Bibliya, subalit talagang kapani-paniwala ito.

Inampon sa Sambahayan ni Paraon

Hindi ipinagbaka-sakali ni Jokebed ang kahihinatnan ng sanggol. “Inilagay [niya ang arka] sa gitna ng mga tambo sa pampang ng ilog ng Nilo.” Malamang na ito ang lugar kung saan niya inaasahang matutuklasan ang arka. Dito marahil palaging naliligo ang anak na babae ni Paraon. *​—Exodo 2:2-4.

Namataan agad ang maliit na arka. “Nang buksan . . . iyon [ng anak na babae ni Paraon] ay nakita niya ang bata, at narito, ang bata ay umiiyak. At nahabag siya rito, bagaman sinabi niya: ‘Ito ay isa sa mga anak ng mga Hebreo.’ ” Kaya ipinasiya ng prinsesang Ehipsiyo na ampunin ang bata. Matagal nang nalimutan kung anuman ang orihinal na pangalang ibinigay sa bata ng kaniyang mga magulang. Sa ngayon, kilala siya sa buong mundo sa pangalang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina-inahan​—Moises. *​—Exodo 2:5-10.

Subalit malayo bang magkatotoo na kukupkupin ng isang prinsesang Ehipsiyo ang batang iyon? Hindi, sapagkat itinuturo ng relihiyon sa Ehipto na ang mga gawa ng kabaitan ay isang kahilingan para makapasok sa langit. May kinalaman sa pag-aampon mismo, ganito ang sinabi ng arkeologong si Joyce Tyldesley: “Magkapantay ang mga babaing Ehipsiyo at mga lalaking Ehipsiyo. Nagtamasa sila ng magkatulad na mga karapatan sa batas at ekonomiya, kahit man lamang sa teoriya, at . . . ang kababaihan ay makapag-aampon.” Iniulat pa nga ng isang sinaunang papiro ang pag-aampon ng isang babaing Ehipsiyo sa kaniyang mga alipin. May kinalaman sa pag-upa sa ina ni Moises para magsilbing nagpapasusong tagapag-alaga, ganito ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Ang pagbabayad sa tunay na ina ni Moises para mag-alaga sa kaniya . . . ay nakakatulad ng mga kaayusan sa mga kontrata ng pag-aampon sa Mesopotamia.”

Ngayong inampon na siya, ang Hebreong pinagmulan ba ni Moises ay magiging isang mahiwagang lihim na hindi ipagtatapat sa kaniya? Ganiyan ang ipinakita ng ilang pelikula sa Hollywood. Subalit iba naman ang ipinakikita ng Kasulatan. May-katalinuhang isinaayos ng kaniyang kapatid na babae, si Miriam, na ipaalaga si Moises sa kaniyang sariling ina, si Jokebed. Tiyak na hindi inilihim ng makadiyos na babaing ito ang katotohanan sa kaniyang anak! At yamang ang mga bata noong sinaunang panahon ay kadalasang pinasususo sa loob ng ilang taon, maraming pagkakataon si Jokebed para ituro kay Moises ang tungkol sa ‘Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob.’ (Exodo 3:6) Malaki ang naitulong kay Moises ng gayong espirituwal na pundasyon, sapagkat nang ibigay na siya sa anak na babae ni Paraon, “tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” Hindi mapatutunayan ang sinabi ng istoryador na si Josephus na naabot ni Moises ang katungkulan ng pagiging heneral nang makipagdigma sila sa Etiopia. Gayunman, talagang sinasabi ng Bibliya na si Moises “ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” *​—Gawa 7:22.

Nang tumuntong siya sa edad na 40, malamang na handa na si Moises na maging prominenteng lider sa Ehipto. Maaari niyang makamit ang kapangyarihan at kayamanan kung mananatili sana siya sa sambahayan ni Paraon. Pagkatapos, isang pangyayari ang bumago sa kaniyang buhay.

Pagkatapon sa Midian

Isang araw, ‘nakita ni Moises ang isang Ehipsiyo na nananakit ng isang Hebreo mula sa kaniyang mga kapatid.’ Sa loob ng maraming taon, natamasa ni Moises ang napakagandang buhay ng pagiging isang Hebreo at isang Ehipsiyo. Subalit naudyukan si Moises na gumawa ng malaking pagpapasiya nang makita niyang binubugbog ang kaniyang kapuwa Israelita​—baka nga nagmuntik-muntikan pa itong mamatay. (Exodo 2:11) “Tumanggi [siya] na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.”​—Hebreo 11:24, 25.

Gumawa si Moises ng isang mabilis at di-mababawing pasiya: “Pinatay niya ang Ehipsiyo at itinago ito sa buhanginan.” (Exodo 2:12) Hindi ito pangkaraniwang ginagawa ng isang tao na “nadala lamang ng silakbo ng galit,” ang sabi ng isang kritiko. Malamang na ito’y isang gawa ng pananampalataya​—bagaman hindi sa tamang paraan​—​sa pangako ng Diyos na ililigtas ang Israel mula sa Ehipto. (Genesis 15:13, 14) Marahil ay inakala ni Moises na mauudyukan niyang maghimagsik ang kaniyang mga kababayan dahil sa kaniyang mga ikinilos. (Gawa 7:25) Subalit nadismaya siya nang hindi kilalanin ng kaniyang mga kapuwa Israelita ang pangunguna niya. Nang mabalitaan ni Paraon ang tungkol sa pagpatay, napilitang tumakas si Moises patungo sa ibang lugar. Nanirahan siya sa Midian at nagpakasal sa isang babaing nagngangalang Zipora, ang anak na babae ng pagala-galang pinuno na si Jetro.

Sa loob ng 40 taon na waring napakatagal, namuhay nang simple si Moises bilang pastol, at naglaho ang inaasam-asam niyang pagiging isang tagapagligtas. Subalit, isang araw ay inakay niya ang mga kawan ni Jetro sa isang lugar na malapit sa Bundok Horeb. Doon nagpakita kay Moises ang anghel ni Jehova sa isang nagliliyab na palumpong. Gunigunihin mo ang tagpo: “Ilabas mo sa Ehipto ang aking bayan na mga anak ni Israel,” ang utos ng Diyos. Subalit nang sumagot si Moises, siya ay atubili, nangingimi, at hindi sigurado sa kaniyang sarili. “Sino ako,” ang pamamanhik niya, “upang pumaroon ako kay Paraon at upang ilabas ko mula sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” Ipinagtapat pa nga niya ang isang personal na kapintasan na pinalabo naman ng ilang gumagawa ng pelikula: Maliwanag na may kapansanan siya sa pagsasalita. Anong laki ng pagkakaiba ni Moises sa mga bayani ng sinaunang mga mitolohiya at mga alamat! Naging mapagpakumbaba at mahinahon ang taong ito dahil sa kaniyang 40 taóng pagpapastol. Bagaman hindi sigurado si Moises sa kaniyang sarili, may tiwala ang Diyos na siya ang nababagay na maging lider!​—Exodo 3:1–4:20.

Pagliligtas Mula sa Ehipto

Nilisan ni Moises ang Midian at humarap kay Paraon, anupat hiniling niya ang paglaya ng bayan ng Diyos. Nang tumanggi ang sutil na monarka, hinampas ng sampung mapangwasak na salot ang Ehipto. Namatay ang panganay ng Ehipto dahil sa ikasampung salot, at sa wakas ay pinalaya ng lupaypay na Paraon ang mga Israelita.​—Exodo, kabanata 5-13.

Alam na alam ng karamihan sa mga mambabasa ang mga pangyayaring ito. Subalit may makasaysayan ba sa mga ito? Ikinakatuwiran ng iba na yamang hindi naman binanggit ang pangalan ng Paraon, ang salaysay ay kathang-isip lamang. * Gayunman, sinabi ni Hoffmeier, na sinipi bago nito, na kadalasa’y sinasadyang alisin ng mga eskribang Ehipsiyo ang mga pangalan ng mga kaaway ng Paraon. Ganito ang kaniyang pangangatuwiran: “Tiyak na hindi pawawalang-saysay ng mga istoryador ang kasaysayan ng kampanya ni Thutmose III sa Megido dahil lamang sa hindi napaulat ang mga pangalan ng mga hari ng Kades at Megido.” Ipinahiwatig ni Hoffmeier na hindi ibinigay ang pangalan ng Paraon para sa “mabubuting kadahilanan sa teolohiya.” Una sa lahat, dahil sa hindi pagbanggit sa pangalan ng Paraon, naituon ng ulat ang pansin sa Diyos, hindi kay Paraon.

Magkagayunman, itinatanggi ng mga kritiko na nangyari ang maramihang pag-alis ng mga Judio sa Ehipto. Ikinatuwiran ng iskolar na si Homer W. Smith na ang gayong pulu-pulutong na pag-alis ay “napaulat sana sa kasaysayan ng Ehipto o Sirya . . . Mas malamang na ang alamat ng pag-alis ay isang pilipit at kathang-isip na ulat hinggil sa pagtakas ng mangilan-ngilang tao mula sa Ehipto patungong Palestina.”

Totoo na wala pang natuklasang rekord ng mga Ehipsiyo tungkol sa pangyayaring ito. Pero hindi naman malayong baguhin ng mga Ehipsiyo ang makasaysayang mga ulat kapag nakahihiya o nakasasama sa kanilang pulitikal na interes ang totoong pangyayari. Nang maupo sa kapangyarihan si Thutmose III, sinikap niyang alisin ang mga alaala ng kaniyang hinalinhan, si Hatshepsut. Ganito ang sabi ng dalubhasa sa Ehiptolohiya na si John Ray: “Binura ang kaniyang mga inskripsiyon, pinaderan ang kaniyang mga obelisko, at ibinaon sa limot ang kaniyang mga monumento. Nang dakong huli, hindi na lumitaw sa mga ulat ng kasaysayan ang kaniyang pangalan.” Nangyayari din naman sa modernong panahon ang katulad na mga pagtatangkang baguhin o itago ang nakahihiyang mga katotohanan.

May kinalaman sa kawalan ng arkeolohikal na katibayan hinggil sa pansamantalang paninirahan sa ilang, dapat nating tandaan na ang mga Judio ay pagala-galang mga tao. Hindi sila nagtayo ng mga lunsod; hindi sila nagtanim. Marahil ang naiwan lamang nila ay ang kanilang mga bakas. Subalit masusumpungan mismo sa Bibliya ang nakakakumbinsing katibayan ng pansamantalang paninirahan na iyan. Binabanggit ito sa buong sagradong aklat na iyon. (1 Samuel 4:8; Awit 78; Awit 95; Awit 106; 1 Corinto 10:1-5) Kapansin-pansin, nagbigay-patotoo rin si Jesu-Kristo hinggil sa mga pangyayaring naganap sa ilang.​—Juan 3:14.

Kung gayon, walang alinlangan na ang ulat ng Bibliya kay Moises ay kapani-paniwala at totoo. Magkagayunman, matagal na panahon na siyang nabuhay. Paano maaaring maapektuhan ni Moises ang iyong buhay sa ngayon?

[Mga talababa]

^ par. 3 Literal na nangangahulugang “maganda sa Diyos.” Ayon sa The Expositor’s Bible Commentary, ang pananalita ay maaaring hindi lamang tumutukoy sa pambihirang pisikal na mga katangian ng bata kundi sa mga “katangian ng kaniyang puso.”

^ par. 11 Ang paliligo sa Nilo “ay pangkaraniwang ginagawa sa sinaunang Ehipto,” ang sabi ng Cook’s Commentary. “Ang Nilo ay sinamba bilang lugar na pinagmulan . . . ni Osiris, at ipinapalagay na ang katubigan nito ay may pambihirang kapangyarihang magbigay ng buhay at magdulot ng pagkamabunga.”

^ par. 12 Pinagtatalunan ng mga iskolar ang etimolohiya ng pangalang ito. Sa Hebreo, ang Moises ay nangangahulugang “Iniahon; Sinagip sa Tubig.” Ipinaliwanag ng istoryador na si Flavius Josephus na ang pangalang Moises ay dalawang salitang Ehipsiyo na pinagsama na nangangahulugang “tubig” at “iniligtas.” Sa ngayon, naniniwala rin ang ilang iskolar na ang pangalang Moises ay nagmula sa Ehipto subalit ipinapalagay nila na malamang na ang kahulugan nito ay “Anak na Lalaki.” Gayunman, ang pangangatuwirang ito ay ibinatay sa salitang katunog ng “Moises” at ng ilang pangalang Ehipsiyo. Yamang walang sinuman ang talagang nakaaalam kung paano binigkas ang sinaunang Hebreo o Ehipsiyong wika, haka-haka lamang ang gayong mga teoriya.

^ par. 14 Ganito ang sabi ng aklat na Israel in Egypt: “Waring maalamat ang palagay tungkol sa pagpapalaki kay Moises sa palasyo ng Ehipto. Subalit ipinakikita ng pagsusuri sa maharlikang palasyo ng Bagong Kaharian na hindi iyon gawa-gawa lamang. Si Thutmose III . . . ang nagpasimula sa kaugalian ng pagdadala sa Ehipto ng mga prinsipe ng nilupig na mga hari ng kanlurang Asia para sanayin sa Ehipsiyong mga kaugalian . . . Kaya, pangkaraniwan lamang na magkaroon ng dayuhang mga prinsipe at prinsesa sa palasyo ng Ehipto.”

^ par. 22 Sinasabi ng ilang istoryador na ang Paraon noong panahon ng Pag-alis ng mga Israelita ay si Thutmose III. Iginiit naman ng iba sina Amenhotep II, Ramses II, at iba pa. Dahil sa magulong kalagayan ng kronolohiya ng Ehipto, imposibleng matiyak kung sino nga ang Paraon na ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Pagsagip kay Moises​—Isang Paganong Alamat?

Sinasabi ng mga kritiko na ang pagsagip kay Moises sa Ilog Nilo ay may kahina-hinalang pagkakatulad sa sinaunang alamat ni Haring Sargon ng Akkad​—isang salaysay na sinasabi ng ilan na nauna pa sa salaysay ni Moises. Inilalahad din nito ang tungkol sa isang sanggol na nasa basket na sinagip sa ilog.

Gayunman, ang kasaysayan ay puno ng mga pangyayaring nagkataon na magkatulad. At karaniwang ginagawa noon na paanurin sa ilog ang isang sanggol. Ganito ang komento ng Biblical Archaeology Review: “Dapat nating tandaan na ang Babilonia at Ehipto ay mga lipunan na parehong naitatag sa tabing-ilog at ang paglalagay ng isang sanggol sa isang basket na hindi tinatagos ng tubig ay maaaring mas mabuti-buting paraan ng pagtatapon sa isang sanggol kaysa sa ihagis ito sa bunton ng basura, na mas pangkaraniwan . . . Ang salaysay tungkol sa batang natagpuan na napabantog nang maglaon ay maaaring isang karaniwang tema ng mga kuwentong-bayan, subalit totoo iyan sapagkat ito’y isang salaysay na paulit-ulit na nangyayari sa tunay na buhay.”

Sa kaniyang aklat na Exploring Exodus, naikomento ni Nahum M. Sarna na bagaman may ilang pagkakatulad, ang salaysay sa pagsilang ni Moises ay naiiba sa “Alamat ni Sargon” sa “maraming mahahalagang aspekto.” Kaya hindi kapani-paniwala ang mga pag-aangkin na halaw sa paganong alamat ang ulat ng Bibliya.

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Sino ang Sumulat ng mga “Aklat ni Moises”?

Ayon sa tradisyon, si Moises ang sinasabing awtor ng unang limang aklat ng Bibliya, na tinatawag na Pentateuch. Maaaring kinuha ni Moises ang ilan sa kaniyang impormasyon mula sa naunang mga reperensiya sa kasaysayan. Subalit naniniwala ang maraming kritiko na hindi si Moises ang sumulat ng Pentateuch. “Kaya napakaliwanag na hindi si Moises ang sumulat ng Pentateuch,” ang paggiit ng pilosopo noong ika-17 siglo na si Spinoza. Noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo, pinatanyag ng iskolar na Aleman na si Julius Wellhausen ang “dokumentaryong” teoriya​—na ang mga aklat ni Moises ay pinagsama-samang mga akda ng ilang awtor o mga pangkat ng mga awtor.

Sinabi ni Wellhausen na may isang awtor na madalas gumamit ng personal na pangalan ng Diyos na Jehova, kaya naman tinawag itong J. Tinawag ng isa pa, na tinaguriang E, ang Diyos bilang “Elohim.” Ang isa naman ay P, diumano’y sumulat ng tuntunin para sa mga saserdote sa Levitico, at ang isa pa, na binansagang D, ang sumulat ng Deuteronomio. Bagaman tinanggap ng ilang iskolar ang teoriyang ito sa loob ng maraming dekada, tinawag ng aklat na The Pentateuch, ni Joseph Blenkinsopp, ang kuru-kuro ni Wellhausen na isang teoriya na “nasa krisis.”

Ang aklat na Introduction to the Bible, ni John Laux, ay nagpapaliwanag: “Ang Dokumentaryong Teoriya ay ibinatay sa mga paggigiit na ayon lamang sa sariling kagustuhan o talagang maling-mali. . . . Kung totoo ang napakahigpit na Dokumentaryong Teoriya, naging biktima ang mga Israelita ng walang-katotohanang panlilinlang nang pahintulutan nilang ipasunod sa kanila ang mabibigat na pasanin ng Kautusan. Iyon sana ang pinakamalaking panlilinlang na ginawa kailanman sa kasaysayan ng daigdig.”

Ang isa pang pangangatuwiran ay na ang magkakaibang istilo sa Pentateuch ay katibayan ng pagkakaroon ng maraming awtor. Gayunman, ganito ang sabi ni K. A. Kitchen sa kaniyang aklat na Ancient Orient and Old Testament: “Ang mga pagkakaiba sa istilo ay walang kabuluhan, at makikita ang mga pagkakaibang ito sa partikular na mga paksang tinatalakay.” Masusumpungan din ang katulad na mga pagkakaiba sa istilo “sa sinaunang mga teksto na walang-alinlangang isinulat ng iisang awtor.”

Lalo namang mahina ang pangangatuwiran na ang paggamit ng iba’t ibang pangalan at titulo ng Diyos ay katibayan ng pagkakaroon ng maraming awtor. Sa isa lamang maliit na bahagi ng aklat ng Genesis, ang Diyos ay tinawag na “Kataas-taasang Diyos,” “Maygawa ng langit at lupa,” “Soberanong Panginoong Jehova,” “Diyos ng paningin,” “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” “Diyos,” “tunay na Diyos,” at “Hukom ng buong lupa.” (Genesis 14:18, 19; 15:2; 16:13; 17:1, 3, 18; 18:25) Iba’t ibang awtor ba ang sumulat ng bawat isa sa mga tekstong ito sa Bibliya? Paano naman ang Genesis 28:13, kung saan ang terminong “Elohim” (Diyos) at “Jehova” ay magkasamang ginamit? Nagtulungan ba ang dalawang awtor sa pagsulat ng iisang talata?

Lalo nang kitang-kita ang pagiging mahina ng pangangatuwirang ito kapag ikinapit sa isang kontemporaryong akda. Sa isang bagong aklat tungkol sa Digmaang Pandaigdig II, ang kansilyer ng Alemanya ay tinawag na “Führer,” “Adolf Hitler,” at basta “Hitler” sa ilang pahina lamang. Mayroon bang sinuman na mangangahas magsabing katibayan ito na may tatlong magkakaibang awtor?

Gayunpaman, patuloy na dumarami ang pagbabagu-bago sa mga teoriya ni Wellhausen. Kabilang sa mga ito ang teoriya na iniharap ng dalawang iskolar may kinalaman sa tinatawag na awtor na J. Hindi lamang nito pinabubulaanan na iyon ay tumutukoy kay Moises kundi sinasabi rin nito na si “J ay isang babae.”

[Larawan]

May-kapakumbabaang iniulat ni Moises ang kaniyang mga pagkukulang upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Ipinintang larawan sa libingan sa Ehipto na nagpapakita ng mga aliping gumagawa ng mga laryo

[Credit Line]

Erich Lessing/Art Resource, NY