Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Silindrong luwad na may nakaukit na pangalang Belsasar

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Paano pinapatunayan ng arkeolohiya ang naging posisyon ni Belsasar sa Babilonya?

SA LOOB ng maraming taon, sinasabi ng mga kritiko ng Bibliya na hindi kailanman umiral si Haring Belsasar, na binabanggit sa aklat ng Daniel. (Dan. 5:1) Iyan ang paniniwala nila dahil walang makitang ebidensiya ang mga arkeologo na mayroon ngang Belsasar. Pero nagbago iyan noong 1854. Bakit?

Noong taóng iyon, nagpunta si J. G. Taylor, isang konsul ng Britain, sa sinaunang lunsod ng Ur, na ngayon ay timugang Iraq. Nakita niya doon ang ilang silindrong luwad sa isang malaking tore. May nakaukit na cuneiform sa mga silindro, na 10 sentimetro ang haba ng bawat isa. Sa isang silindro, nakasulat ang isang panalangin na humihiling ng mahabang buhay para kay Haring Nabonido ng Babilonya at sa panganay niyang si Belsasar. Pinapatunayan nito na talagang umiral si Belsasar, at hindi ito maikaila kahit ng mga kritiko.

Pero hindi lang sinasabi ng Bibliya na umiral si Belsasar—sinasabi rin nito na isa siyang hari. At pinagdudahan din ito ng mga kritiko. Halimbawa, isinulat ni William Talbot, isang siyentipikong taga-Britain noong ika-19 na siglo, na may mga nagsasabing “si Bel-sar-ussur [Belsasar] ay nagharing kasabay ni Nabonido na kaniyang ama. Pero wala itong basehan.”

Nalutas ang kontrobersiyang iyan nang makita sa iba pang silindrong luwad na may mga panahong umaalis si Haring Nabonido nang ilang taon sa Babilonya. Sino ang namamahala kapag wala siya? “Kapag wala si Nabonido,” ang sabi ng Encyclopaedia Britannica, “ipinagkakatiwala niya kay Belsasar ang trono at ang karamihan sa hukbo niya.” Kaya masasabing naghari din si Belsasar noong panahong iyon. Dahil dito, sinabi ni Alan Millard, isang arkeologo at iskolar sa mga wika, na angkop lang na “si Belsasar ay tawaging ‘hari’ sa Aklat ng Daniel.”

Pero siyempre, para sa mga lingkod ng Diyos, ang pinakamatibay na ebidensiya na talagang mapagkakatiwalaan ang aklat ng Daniel at na mula ito sa Diyos ay makikita mismo sa Bibliya.​—2 Tim. 3:16.