Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bukod sa manna at pugo, may iba pa bang naging pagkain ang mga Israelita sa ilang?

Sa 40 taon ng mga Israelita sa ilang, manna ang madalas nilang kainin. (Ex. 16:35) Dalawang beses din silang pinaglaanan ni Jehova ng mga pugo. (Ex. 16:​12, 13; Bil. 11:31) Pero may iba pang naging pagkain ang mga Israelita. Limitado nga lang ang mga ito.

Halimbawa, may makukuha silang tubig at pagkain sa ilang lugar na pinagdalhan sa kanila ni Jehova “kung saan sila puwedeng magkampo.” (Bil. 10:33) Isa sa mga lugar na iyon ang oasis sa Elim, “kung saan may 12 bukal ng tubig at 70 puno ng palma.” (Ex. 15:27) Malamang na mga palmang datiles iyon. Sinasabi sa aklat na Plants of the Bible na ang palmang datiles ay “tumutubo sa iba’t ibang lugar . . . Ito rin ang madalas na pinagkukunan ng pagkain sa disyerto. Nagbibigay ito ng pagkain, langis, at masisilungan sa milyon-milyong tao.”

Malamang na huminto rin ang mga Israelita sa malaking oasis na kilalá ngayon bilang Feiran, na bahagi ng Wadi ng Feiran. a Sinasabi sa aklat na Discovering the World of the Bible na ang wadi na ito, o lambak na dinadaluyan ng tubig, “ay may habang 130 kilometro at isa ito sa pinakamahaba, pinakamaganda, at pinakakilalang wadi sa Sinai.” Sinabi pa sa aklat: “Mga 45 kilometro mula sa bukana ng wadi, makikita ang Feiran Oasis. Napakaganda nito at marami ditong puno ng palma. May haba itong 4.8 kilometro, at mga 610 metro ang taas nito mula sa lebel ng dagat. Ito ang Eden ng Sinai. Mula pa noon, marami nang pumupunta dito dahil sa libo-libong palmang datiles na makikita dito.”

Mga palmang datiles sa oasis ng Feiran

Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto, may dala silang mga minasang harina, masahan, at posibleng kaunting butil at langis. Siyempre, naubos din agad ang mga iyon. May nadala rin silang “napakaraming hayop, mga kawan at bakahan.” (Ex. 12:​34-39) Pero dahil mahirap ang kalagayan sa ilang, malamang na maraming hayop ang namatay. Baka ang ilan sa mga iyon, naging pagkain ng mga Israelita; ang iba naman ay inihandog, baka sa huwad na mga diyos pa nga. b (Gawa 7:​39-43) Pero may kaunting hayop din na inalagaan ang mga Israelita, gaya ng makikita sa sinabi ni Jehova sa bayan niya nang sumuway sila: “Ang mga anak ninyo ay magiging mga pastol sa ilang nang 40 taon.” (Bil. 14:33) Kaya posibleng nakakuha sila ng gatas at kaunting karne sa mga alaga nilang hayop. Pero siguradong hindi iyon nakasapat sa mga tatlong milyong tao sa loob ng 40 taon. c

Saan nakakuha ang mga Israelita ng ipapakain at ipapainom sa mga alaga nilang hayop? d Noong panahong iyon, malamang na mas maulan kaya mas maraming pananim sa ilang. Sinasabi sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, na 3,500 taon na ang nakakalipas, “mas sagana sa tubig ang Arabia kaysa sa kasalukuyang panahon. Sa ngayon ay masusumpungan doon ang maraming malalalim na tuyong wadi, o [lambak], na dating pinakasahig ng mga ilog, anupat nagbibigay ito ng katibayan na noong nakalipas na panahon ay nagkakaroon doon ng sapat na pag-ulan upang daluyan ng tubig ang mga iyon.” Kahit ganoon, ang ilang ay tigang pa rin at nakakatakot na lugar. (Deut. 8:​14-16) Kung hindi makahimalang naglaan ng tubig si Jehova, siguradong namatay ang mga Israelita at ang mga alaga nilang hayop.​—Ex. 15:​22-25; 17:​1-6; Bil. 20:​2, 11.

Sinabi ni Moises sa mga Israelita na pinakain sila ni Jehova ng manna “para malaman [nila] na ang tao ay nabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.”​—Deut. 8:3.

a Tingnan ang Bantayan, isyu ng Mayo 1, 1992, p. 24-25.

b May binabanggit sa Bibliya na dalawang pagkakataon na naghandog ng mga hayop kay Jehova sa ilang. Ang una ay noong panahon ng pag-aatas ng mga saserdote; ang ikalawa naman ay noong Paskuwa. Nangyari ang mga ito noong 1512 B.C.E., mga isang taon pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto.​—Lev. 8:14–9:24; Bil. 9:​1-5.

c Noong papatapos na ang 40 taon ng mga Israelita sa ilang, nakakuha sila ng daan-daang libong hayop bilang samsam sa digmaan. (Bil. 31:​32-34) Pero patuloy pa rin silang kumain ng manna hanggang sa makapasok sila sa Lupang Pangako.​—Jos. 5:​10-12.

d Masasabi natin na hindi kumain ng manna ang mga hayop dahil sinabi ni Jehova sa bayan na kunin ng bawat isa ang kaya lang niyang kainin. Walang sinabi na bigyan din ng manna ang mga hayop.​—Ex. 16:​15, 16.