Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lefèvre d’Étaples—Gusto Niyang Malaman ng Ordinaryong mga Tao ang Salita ng Diyos

Lefèvre d’Étaples—Gusto Niyang Malaman ng Ordinaryong mga Tao ang Salita ng Diyos

ISANG umaga ng Linggo, mga unang bahagi ng dekada ng 1520, ang mga naninirahan sa Meaux, isang maliit na bayan malapit sa Paris, ay hindi makapaniwala sa narinig nila. Binasa sa loob ng simbahan ang mga Ebanghelyo, hindi sa wikang Latin, kundi sa sarili nilang wika—ang Pranses!

Ang nanguna sa pagsasaling ito ng Bibliya, si Jacques Lefèvre d’Étaples (Jacobus Faber Stapulensis sa wikang Latin), ay sumulat sa kaniyang matalik na kaibigan: “Hindi mo lubos na maiisip na gayon na lang ang pagnanais ng Diyos na udyukan ang mga [taong] ordinaryo sa ilang lugar na tanggapin ang kaniyang Salita.”

Noong panahong iyon, tutol ang Simbahang Katoliko at ang mga teologo sa Paris na gamitin ang mga Bibliyang isinalin sa karaniwang wika. Kaya bakit isinalin ni Lefèvre ang Bibliya sa Pranses? At paano niya tinulungan ang karaniwang mga tao na maunawaan ang Salita ng Diyos?

TINIYAK NIYA ANG TUNAY NA KAHULUGAN NG KASULATAN

Bago siya naging tagapagsalin ng Bibliya, ibinuhos ni Lefèvre ang kaniyang panahon sa pagsisikap na alamin at tiyakin ang orihinal na kahulugan ng klasikal na mga akda sa pilosopiya at teolohiya. Nakita niya na ang sinaunang mga akda ay kadalasan nang nahahaluan ng maling impormasyon dahil sa pagsasalin sa loob ng daan-daang taon. Sa kagustuhang malaman ang tunay na kahulugan ng sinaunang mga akda, pinag-aralan niyang mabuti ang Bibliyang ginagamit ng Simbahang Katoliko, ang Latin Vulgate.

Sa kaniyang masusing pag-aaral sa Kasulatan, nakita ni Lefèvre na “ang pag-aaral ng katotohanan mula sa Diyos ang tanging makapagbibigay . . . ng sukdulang kaligayahan.” Kaya huminto siya sa pag-aaral ng pilosopiya at itinuon ang kaniyang pansin sa pagsasalin ng Bibliya.

Noong 1509, inilathala ni Lefèvre ang isang pahambing na pagsusuri sa limang iba’t ibang bersiyon sa wikang Latin ng aklat ng Awit, * pati na ang kaniyang pagtutuwid sa Vulgate. Di-gaya ng mga teologo noong panahon niya, sinikap niyang maihatid ang mensahe ng Bibliya sa natural at simpleng paraan. Ang paraan niya ng pagpapakahulugan sa Kasulatan ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa ibang iskolar ng Bibliya at mga repormador.—Tingnan ang kahong “ Ang Impluwensiya ni Lefèvre kay Martin Luther.”

Talaan ng mga titulong ginamit sa Diyos sa aklat ng Awit na makikita sa edisyong 1513 ng Fivefold Psalter

Kumbinsido si Lefèvre, ipinanganak na Katoliko, na magkakaroon lang ng reporma sa simbahan kung ituturo nang tama ang Kasulatan sa ordinaryong mga tao. Pero paano mauunawaan ng ordinaryong mga tao ang Kasulatan kung karamihan sa mga ito noong panahong iyon ay nakasulat sa wikang Latin?

ISANG SALIN NG BIBLIYA NA PARA SA LAHAT

Sa introduksiyon sa mga Ebanghelyo, kitang-kita na gusto ni Lefèvre na mabasa ng lahat sa kanilang sariling wika ang Bibliya

Dahil sa kaniyang masidhing pag-ibig sa Salita ng Diyos, determinado si Lefèvre na ibahagi ito sa pinakamaraming tao. Para mangyari iyon, inilathala niya ang dalawang tomo ng mga Ebanghelyo sa wikang Pranses noong Hunyo 1523. Dahil sa pocket-size na edisyong ito—na ang presyo ay kalahati lang ng regular na edisyon—naging mas madali para sa mahihirap na tao na magkaroon ng kopya ng Bibliya.

Agad itong tinangkilik ng ordinaryong mga tao. Sabik na sabik sila, lalaki’t babae, na mabasa sa kanilang wika ang pananalita ni Jesus. Sa loob lang ng ilang buwan, naubos ang unang 1,200 inimprentang kopya.

NANINDIGAN SIYA PARA SA BIBLIYA

Sa introduksiyon sa mga Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Lefèvre na isinalin niya ang mga ito sa Pranses para makatiyak ang “ordinaryong mga miyembro” ng simbahan na “naiintindihan nila ang katotohanan kung paanong naiintindihan ito ng mga nagbabasa sa Latin.” Pero bakit gustong-gusto ni Lefèvre na malaman ng ordinaryong mga tao ang itinuturo ng Bibliya?

Alam ni Lefèvre na nagdulot ng masamang epekto ang turo at pilosopiya ng tao sa Simbahang Katoliko. (Marcos 7:7; Colosas 2:8) Kumbinsido siya na panahon na para “maipahayag nang tama sa buong daigdig” ang mga Ebanghelyo, “upang ang mga tao ay hindi na mailigaw ng doktrina ng tao.”

Tinangka rin ni Lefèvre na ibunyag ang maling pangangatuwiran ng mga tutol sa pagsasalin ng Bibliya sa Pranses. Kinondena niya ang kanilang pagpapaimbabaw at sinabi: “Paano nila tuturuan [ang mga tao] na sundin ang lahat ng iniutos ni Jesu-Kristo kung ayaw naman nilang makita at mabasa ng ordinaryong mga tao ang Ebanghelyo ng Diyos sa sariling wika ng mga ito?”—Roma 10:14.

Kaya naman hindi nakapagtataka nang tangkain ng mga teologo sa University of Paris—ang Sorbonne—na patahimikin si Lefèvre. Noong Agosto 1523, tinutulan nila ang pagsasalin ng Bibliya sa lokal na mga wika at ang mga komentaryo tungkol dito, anupat itinuring ang mga ito na “makasisira sa Simbahan.” Kung hindi nakialam ang hari ng Pransiya na si Francis I, nahatulan sana si Lefèvre bilang isang erehe.

TINAPOS NG “TAHIMIK” NA TAGAPAGSALIN ANG KANIYANG AKDA

Hindi hinayaan ni Lefèvre na mahadlangan ng mga pagtatalo tungkol sa kaniyang mga akda ang pagsasalin niya ng Bibliya. Noong 1524, pagkatapos niyang maisalin ang Griegong Kasulatan (tinatawag na Bagong Tipan), inilabas niya ang isang bersiyon ng aklat ng Awit sa wikang Pranses para ang mga may pananampalataya ay makapagdasal “nang mas taimtim at may pagpipitagan.”

Walang sinayang na oras ang mga teologo sa Sorbonne. Binusisi nila ang mga akda ni Lefèvre. Agad nilang ipinag-utos na sunugin sa harap ng publiko ang kaniyang salin ng Griegong Kasulatan, at pinaratangang “pabor sa ereheng si Luther” ang iba pa niyang akda. Nang ipatawag siya ng mga teologo para ipagtanggol ang kaniyang mga paniniwala, nagpasiya si Lefèvre na manatiling “tahimik” at tumakas papuntang Strasbourg. Doon, maingat niyang ipinagpatuloy ang pagsasalin ng Bibliya. Itinuring ng iba na kawalan ng lakas ng loob ang ginawa ni Lefèvre. Pero naniniwala siyang ito ang tamang gawin bilang tugon sa mga nagwawalang-bahala sa mahahalagang “perlas” ng katotohanan mula sa Bibliya.—Mateo 7:6.

Halos isang taon mula nang tumakas siya, si Lefèvre ay ginawang tagapagturo ng haring si Francis I sa apat-na-taóng gulang na anak nito, si Charles. Dahil dito, nagkaroon si Lefèvre ng mas maraming panahon para tapusin ang pagsasalin niya ng Bibliya. Noong 1530, ang naisalin niyang kumpletong Bibliya ay inimprenta sa labas ng Pransiya, sa Antwerp, Belgium, sa pahintulot ng emperador na si Charles V. *

PAG-ASA AT PANGHIHINAYANG

Sa buong buhay ni Lefèvre, umasa siyang iiwan ng simbahan ang mga tradisyon at itataguyod ang katotohanan mula sa Kasulatan. Naniniwala siyang “karapatan, oo, tungkulin pa nga ng bawat Kristiyano na magbasa at matuto mula sa Bibliya.” Kaya naman ginawa niya ang kaniyang buong makakaya para mabasa ng lahat ang Bibliya. Kahit hindi nangyari ang gusto niyang pagbabago sa simbahan, ang pamana ni Lefèvre ay di-matututulan—natulungan niya ang ordinaryong mga tao na malaman ang Salita ng Diyos.

^ par. 8 Sa Fivefold Psalter, inihanay sa iba’t ibang kolum ang limang bersiyon ng aklat ng Awit, pati na ang talaan ng mga titulong ginagamit sa Diyos, at ang Tetragrammaton, ang apat na titik Hebreo na kumakatawan sa pangalan ng Diyos.

^ par. 21 Limang taon pagkatapos nito, noong 1535, ang tagapagsaling Pranses na si Olivétan ay naglabas ng bersiyon ng Bibliya batay sa orihinal na mga wika. Malaking tulong sa kaniya ang mga akda ni Lefèvre noong isinasalin niya ang Griegong Kasulatan.