Pumunta sa nilalaman

Mga Terminong Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova

Mga Terminong Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova

Maraming salamat sa interes mo na gumawa ng ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Inihanda ang guide na ito para tulungan ka sa spelling at kahulugan ng mga terminong ginagamit ng relihiyon namin. Kung may tanong ka na hindi nasagot dito, sumulat o tumawag sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.

Ang Bantayan—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Ang buong pamagat ng pangunahing magasin na inilalathala at ipinapamahagi ng mga Saksi ni Jehova. Tinatawag din itong Bantayan. Makikita sa pamagat na ito na mahalagang manatiling mapagbantay sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. (Mateo 24:42) Ang pampublikong edisyon ng Bantayan ay iniaalok nang libre sa mga taong interesadong magbasa nito. Ang edisyon sa pag-aaral ng Bantayan ay ginagamit naman sa lingguhang tanong-sagot na talakayan ng mga kongregasyon sa buong mundo. Mula noong 1879, tuloy-tuloy ang paglalathala ng Bantayan, at sa ngayon, isa ito sa mga magasin na may pinakamaraming kopyang naipapamahagi sa buong mundo.

asamblea. Tingnan:  pansirkitong asamblea.

Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. Isang malaking lugar para sa pagsamba. Pag-aari ito ng mga Saksi ni Jehova at ginagamit sa pagtitipon ng mga kongregasyon na karaniwan nang nasa magkakalapit na lugar. Tinatawag din itong “Assembly Hall.”

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ang buong pamagat ng Hebreong Kasulatan (“Lumang Tipan”) at Griegong Kasulatan (“Bagong Tipan”) na isinalin at inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Puwede rin itong tawaging “Bagong Sanlibutang Salin.”

Bethel, Bethelite, pamilyang Bethel. Ang “Bethel” ay isang terminong Hebreo na nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Ito ang tawag sa mga pasilidad na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa o rehiyon para pangasiwaan ang mga gawain nilang batay sa Bibliya. Ang mga Saksing naglilingkod sa mga pasilidad na ito ay tinatawag na mga “Bethelite,” at nasa ilalim sila ng isang espesipikong kalipunan ng mga patakaran. Wala silang suweldo. Bilang grupo, tinatawag silang “pamilyang Bethel,” dahil gaya ng isang pamilya, sama-sama silang namumuhay, sumasamba, at nagtatrabaho sa mga pasilidad na ito. Ang terminong “Bethelite” ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa ibang Saksi.

brother. Isang bautisadong lalaking Saksi ni Jehova. Kina-capitalize lang ito kapag kadugtong ng apelyido ng isang lalaking Saksi (hal., Brother Santos). Hindi ito isang titulo na nag-aangat sa kanila sa iba. Ganito rin pagdating sa mga babaeng Saksi (hal., Sister Santos).

elder. Isang lalaking Saksi na inatasang magturo at mangalaga sa mga kabilang sa kongregasyon. Dapat na naabot niya ang mga kuwalipikasyong sinasabi ng Bibliya sa 1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9; Santiago 3:17, 18; 1 Pedro 5:2, at dapat na patuloy niyang naipapakita ang mga ito. Ang mga elder ay hindi sinusuwelduhan, at hindi rin sila empleado sa kongregasyon o anumang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Karamihan sa kanila ay may hanapbuhay para masuportahan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. Walang mga posisyon sa loob ng organisasyon ng mga Saksi. Ang terminong “elder” ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa ibang Saksi.

Gilead, Paaralang Gilead. Pinaikling pangalan ng Watchtower Bible School of Gilead. Itinatag ito noong 1943. Noong una, nagsasanay ito ng mga estudyante para maging misyonero. Sa ngayon, isa itong limang-buwan na kurso ng malalim na pag-aaral sa Bibliya para sa mga pilíng Saksi ni Jehova. Nasa maliliit na letra ang “paaralan” kapag hindi ito kadikit ng “Gilead.”

Gumising! Magasing inilalathala at ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova. Una itong inilathala noong 1919 bilang The Golden Age. At noong 1937, pinalitan ng Consolation ang pamagat nito. Sa isyu ng Agosto 22, 1946, tinawag na itong Gumising! Pinili ang pamagat na ito para idiin sa mga mambabasa na dapat nilang malaman ang kahulugan ng mga nangyayari sa mundo. Isa ito sa mga magasin na may pinakamaraming kopyang naipapamahagi sa buong mundo.

 internasyonal na kombensiyon. Tatlong-araw na pagtitipon para sumamba at mag-aral ng Bibliya. Inoorganisa ito ng mga Saksi ni Jehova at ginaganap minsan sa loob ng ilang taon sa ilang lunsod sa buong mundo na patiuna nang pinili. May ilang Saksi mula sa iba’t ibang bansa na iniimbitahan para maging delegado sa kombensiyong ito. Puwedeng dumalo dito kahit mga di-Saksi. Dinisenyo ito para mapalapít sa Diyos ang mga tao at mapatibay ang buklod ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Karaniwan itong ginaganap mula Biyernes hanggang Linggo sa nirentahang mga pasilidad. Walang bayad ang pagdalo dito, at wala ring lumilibot para humingi ng donasyon.

Jehova. Ang personal na pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at Maylalang, gaya ng sinasabi sa Kasulatan. (Awit 83:18) Hindi tinatawag na “Jehova” (hal., “Jehova siya”) ang sinumang Saksi ni Jehova.

Jesu-Kristo. Ang kaisa-isang Anak ng Diyos. (Juan 3:16) Si Jesu-Kristo ang itinuturing na Lider ng mga Saksi ni Jehova, at sinisikap nilang tularan siya at sundin ang mga turo niya. Para sa kanila, si Jesu-Kristo ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, ang pangunahing Saksi ni Jehova, at ang ginagamit ng Diyos na Jehova para iligtas ang mga tao.—Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 1:5.

kapatiran. Tumutukoy ito sa pambuong-daigdig na samahan ng mga Saksi ni Jehova.—1 Pedro 5:9.

Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Lugar kung saan sama-samang sumasamba ang isang kongregasyon. Puwede itong gamitin ng higit sa isang kongregasyon. Madalas itong tawaging “Kingdom Hall.” Hindi ito dapat tawaging “simbahan.”

kombensiyon. Tingnan:  internasyonal na kombensiyon at  panrehiyong kombensiyon.

Komite ng Sangay. Sa bawat tanggapang pansangay, may Komite ng Sangay na binubuo ng tatlo o higit pang elder na inatasang mangasiwa sa mga gawain sa bansa o mga bansa na sakop ng sangay na iyon.

kongregasyon. Isang organisadong grupo ng mga Saksi na regular na nagtitipon-tipon para sumamba. May isang grupo ng elder na inatasang magturo at magbigay ng payo mula sa Bibliya sa buong kongregasyon at sa bawat indibidwal na kabilang dito. May nakahandang iba’t ibang programa ng pagtuturo sa mga pulong ng kongregasyon, at ang mga elder ang nangunguna at nangangasiwa sa mga ito. Puwedeng dumalo sa mga pulong kahit ang mga di-Saksi. Wala itong bayad, at wala ring lumilibot para humingi ng donasyon.

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Isang maliit na grupo ng mga elder na inatasang maglaan ng espirituwal na pangangailangan ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, o ng mga pangangailangan nila para manatiling malapít sa Diyos. Madalas itong tawaging “Lupong Tagapamahala.” Sila ang may pangunahing pananagutan sa paghahanda ng mga publikasyong batay sa Bibliya. Kahit na ang Lupong Tagapamahala ang nangangasiwa sa mga gawain ng mga Saksi sa buong mundo, si Jesu-Kristo pa rin ang kinikilala nilang Lider ng mga Saksi ni Jehova. Ang opisina ng Lupong Tagapamahala ay nasa Pandaigdig na Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, U.S.A.

mamamahayag. Tawag sa isa na kabilang sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at nakikibahagi sa pangangaral at pagtuturo sa publiko. Bago maging mamamahayag ang isa, dapat na nauunawaan at pinaniniwalaan niya ang pangunahing mga turo sa Bibliya at sinusunod ang mga utos at pamantayan ng Diyos. Ang mga mamamahayag ay hindi sinusuwelduhan sa pangangaral, at hindi rin sila empleado sa kongregasyon o anumang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Ang terminong ito ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa iba.

Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo taon-taon. Tinatawag din itong Hapunan ng Panginoon, Huling Hapunan, Memoryal, o Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Sa buong taon, ito ang pinakamahalagang okasyon para sa mga Saksi ni Jehova, at ito lang ang kaisa-isang relihiyosong seremonya na ipinag-utos ni Jesus na alalahanin ng mga tagasunod niya.—Lucas 22:19, 20.

 Mga Saksi ni Jehova. Isang Kristiyanong relihiyon. Ang mga kabilang dito ay sumasamba sa Diyos na Jehova at aktibong nagtuturo ng Bibliya sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pangangaral. Tinuturuan nila ang mga tao para malaman ng mga ito ang mabuting balita tungkol sa Kaharian, o gobyerno, ng Diyos. (Mateo 24:14) Naiiba ang pangalan ng relihiyong ito dahil makikita rito kung sino ang kinakatawan nila at kung ano ang gawaing kusang-loob nilang ginagawa para sa pangalan ng Diyos. Magiging Saksi ni Jehova lang ang isa kapag may sapat na kaunawaan na siya sa pangunahing mga turo ng Bibliya, kuwalipikado na siyang mangaral sa publiko kasama ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at nabautismuhan na siya bilang simbolo ng pag-aalay ng buhay niya sa Diyos na Jehova. Sa unang paglitaw nito sa isang artikulo, gamitin ang opisyal na pangalang “Mga Saksi ni Jehova.” Kina-capitalize lang ang “mga” kapag may pantukoy itong panggrupo, gaya ng “relihiyon” o “organisasyon” (hal., “relihiyong Mga Saksi ni Jehova”). Sa iba pang paglitaw, puwede nang gamitin ang “mga” na nasa maliliit na letra (hal., “ang mga Saksi ni Jehova”). Puwede rin silang tawaging “mga Saksi.” Hindi tinatawag na “Jehova” ang mga kabilang sa relihiyong ito.—Isaias 43:10.

ministeryal na lingkod. Isang lalaking Saksi na inatasang tumulong sa mga elder para makapagpokus ang mga ito sa pagtuturo. Dapat na naabot niya ang mga kuwalipikasyong sinasabi ng Bibliya sa 1 Timoteo 3:8-10, 12, 13 at Tito 2:6-8, at dapat na patuloy niyang naipapakita ang mga ito. Inaasikaso ng mga ministeryal na lingkod ang mahahalagang gawain sa kongregasyon para maging mas organisado ito. Hindi sila sinusuwelduhan, at hindi rin sila empleado sa kongregasyon o anumang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Karamihan sa kanila ay may hanapbuhay para masuportahan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. Sa paglipas ng panahon, ang mga ministeryal na lingkod ay puwede ring maging elder. Ang terminong “ministeryal na lingkod” ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa ibang Saksi.

misyonero. Isang bautisadong Saksi na ipinapadala ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Handa ang mga misyonero na iwan ang sarili nilang tahanan at lumipat pa nga sa ibang bansa para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14.

 paglilingkod sa larangan. Pangangaral at pagtuturo ng mga Saksi sa publiko, bilang pagsunod sa utos ni Jesus na ipangaral ‘ang mabuting balita tungkol sa Kaharian’ sa mga tao “sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa.”—Mateo 24:14; 28:19.

pangangaral. Tingnan:  paglilingkod sa larangan.

 panrehiyong kombensiyon. Tatlong-araw na pagtitipon ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na karaniwan nang nasa magkakalapit na lugar. Ginaganap ito taon-taon. Iniimbitahan dito kahit ang mga di-Saksi, at inihanda ito para mapalapít ang mga tao sa Diyos. Tinutulungan ng programa ang mga dumalo, anuman ang edad nila, na masunod ang mga payo sa Bibliya. Makakapanood din dito ng mga pagsasadula ng mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay at ng mga ulat sa Bibliya, na nagpapakita kung paano masusunod ang mga turo sa Bibliya. Kadalasan nang nagrerenta ng malalaking pasilidad para sa kombensiyon, gaya ng mga arena, stadium, at convention center. Puwedeng idaos sa malapit na Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova ang maliliit na panrehiyong kombensiyon. Karaniwan nang ginaganap ito mula Biyernes hanggang Linggo. Nitong nakaraang mga taon, nagkaroon ng mga rekording ng programa nito na maa-access online. Gaya ng lahat ng iba pang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, walang bayad ang pagdalo dito, at wala ring lumilibot para humingi ng donasyon.

 pansirkitong asamblea. Isang-araw na pagtitipon ng isang grupo ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Dalawang beses itong ginaganap sa isang taon. Iniimbitahan sa mga asambleang ito kahit ang mga di-Saksi, at inihanda ito para mapalapít ang mga tao sa Diyos. Tinutulungan ng programa ang mga dumalo, anuman ang edad nila, na masunod ang mga payo sa Bibliya. Mayroon din ditong mga pagsasadula na nagpapakita kung paano makakatulong ang Bibliya sa pang-araw-araw na buhay. Kadalasan nang idinaraos ito sa mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova, pero nagrerenta rin ng mga pasilidad kung minsan para dito. Puwede rin itong mapanood online. Karaniwan nang ginaganap ito nang Sabado o Linggo. Walang bayad ang pagdalo dito, at wala ring lumilibot para humingi ng donasyon.

payunir. Tawag sa isang bautisadong Saksi na naglalaan ng espesipikong dami ng oras sa pangangaral at pagtuturo sa publiko. Karaniwan nang tumutukoy ito sa isang “regular pioneer,” na naglalaan ng 600 oras sa ministeryo bawat taon (50 oras kada buwan). May tinatawag ding “auxiliary pioneer,” na naglalaan naman ng 15 o 30 oras sa isang buwan o ilang magkakasunod na buwan. Hindi sinusuwelduhan ang mga payunir, at hindi rin sila empleado sa kongregasyon o anumang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Karamihan sa kanila ay may hanapbuhay para masuportahan ang kanilang sarili. Ang terminong ito ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa ibang Saksi.

Pulong Pangmadla. Pulong ng kongregasyon linggo-linggo na karaniwang idinaraos nang Sabado o Linggo. Mapapakinggan dito ang isang 30-minutong pahayag batay sa Bibliya na inihanda para sa publiko. Karaniwan nang sinusundan ito ng Pag-aaral sa Bantayan, na tanong-sagot na talakayan sa loob ng isang oras. Pinag-aaralan dito ang isang salig-Bibliyang artikulo sa edisyon ng Bantayan para sa pag-aaral. Gaya ng lahat ng iba pang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, walang bayad ang pagdalo dito o pag-connect sa videoconference nito, at hindi obligado ang mga dumalo na magbigay ng donasyon.

pulong sa gitnang sanlinggo (midweek meeting). Pulong ng kongregasyon linggo-linggo na karaniwang idinaraos sa weeknight. Tinatawag ang pulong na ito na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano, at mayroon itong tatlong seksiyon. Layunin ng pulong na ito na turuan ang mga Saksi na maging mas mahusay na ministro ng Diyos. Gaya ng lahat ng iba pang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, walang bayad ang pagdalo dito o pag-connect sa videoconference nito, at hindi obligado ang mga dumalo na magbigay ng donasyon.

sirkito. Grupo ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa isang partikular na lugar.

sister. Isang bautisadong babaeng Saksi ni Jehova. Kina-capitalize lang ito kapag kadugtong ng apelyido ng isang babaeng Saksi (hal., Sister Santos). Hindi ito isang titulo na nag-aangat sa kanila sa iba. Ganito rin pagdating sa mga lalaking Saksi (hal., Brother Santos).

tagapangasiwa ng sirkito. Isang makaranasang elder na naglilingkod sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapang pansangay. Siya (at ang asawa niya, kung mayroon) ay regular na dumadalaw sa bawat kongregasyon sa isang sirkito, karaniwan nang dalawang beses sa isang taon. Nagbibigay siya ng pampatibay-loob sa kongregasyon. Nagbibigay rin siya ng tagubilin sa mga elder at ministeryal na lingkod. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay naghahanda ng espesipikong mga instruksiyon na kailangan ng bawat kongregasyon. Ang terminong ito ay hindi isang titulo na nag-aangat sa kanila sa iba.

tanggapang pansangay. Isang pasilidad kung saan nagtatrabaho ang Komite ng Sangay, na nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa isang bansa o higit pa. May iba pang gawain dito na sumusuporta sa pagmiministeryo ng mga Saksi. Kung minsan, tinatawag lang itong “sangay.”

PAALALA: Kapag gumagawa ng ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova, pakisuyong gamitin ang buong pangalan ng organisasyon sa unang pagtukoy dito. Para sa higit na impormasyon, tingnan:  Mga Saksi ni Jehova.