Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Kahanga-hangang Galamay ng Octopus

Ang Kahanga-hangang Galamay ng Octopus

 Gumagawa ang mga robotics engineer ng mga kagamitang makakatulong sa mga doktor na mag-opera sa masisikip na lugar ng katawan gamit lang ang maliliit na hiwa. Ang isang imbensiyon sa larangang ito ay ginaya sa napaka-flexible na tentacle, o galamay, ng octopus.

 Pag-isipan ito: Kaya ng octopus na sunggaban, hawakan, at ipitin ang mga bagay-bagay gamit ang walong flexible na galamay nito, kahit sa maliliit na espasyo. Hindi lang kayang ibaluktot ng octopus ang mga galamay nito sa iba’t ibang direksiyon, kaya rin nitong patigasin ang mga bahagi ng galamay nito kung kailangan.

 Naniniwala ang mga researcher na ang isang malambot at flexible na robotic arm ay napakahalaga sa pag-oopera gamit ang maliliit na hiwa. Dahil sa ganitong uri ng mga kagamitan, posibleng operahan ang mga pasyente sa mas simpleng paraan kaysa dumaan pa sa masalimuot na operasyon.

 Panoorin ang flexible na mga galamay ng octopus

 Ang ganitong robotic arm ay dine-develop at ginagamit na sa mga simulation. Kayang iangat at hawakan ng isang bahagi ng 135-milimetrong arm ang malalambot na internal organ nang hindi napipinsala ang mga ito habang ang isang bahagi naman ang nagsasagawa ng mismong operasyon. Ayon kay Dr. Tommaso Ranzani, miyembro ng team na gumawa nito, “naniniwala kami na ito ang simula ng bago at mas mahusay na bersiyon na may mas advanced pang features.”

Napakahalaga ng malambot at flexible na robotic arm sa operasyon

 Ano sa palagay mo? Ang galamay ba ng octopus ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?