Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Kahanga-hangang Balat ng Sea Cucumber

Ang Kahanga-hangang Balat ng Sea Cucumber

 Ang sea cucumber ay isang hayop na naninirahan sa pinakasahig ng dagat at sa mga bahura. Ang kanilang katawan ay maaaring bako-bako o tusok-tusok. Kahanga-hanga ang kakayahan ng sea cucumber—puwede itong maging kasinlambot ng wax o kasintigas ng tabla sa loob lang ng ilang minuto o segundo. Kaya kapag inatake ito, nakakasiksik ito sa maliliit na awang at saka maninigas para hindi sila mahila palabas ng mga maninila. Ang sekreto ng mga sea cucumber ay ang kanilang kahanga-hangang balat.

 Pag-isipan ito: Ang balat ng sea cucumber ay puwedeng maging matigas, hindi gaanong matigas, at malambot. Para magawa ito, pinagdudugtong-dugtong o pinaghihiwa-hiwalay nito ang mga hibla ng kanilang balat. Ginagamit nila ang mga protina na nakakapagpatigas at nakakapagpalambot ng balat.

 Ang mga protinang nakakapagpatigas ang nagdudugtong-dugtong sa mga connective tissue para tumigas ang balat. Pero pinaghihiwa-hiwalay naman ng mga protinang nakakapagpalambot ang mga connective tissue para lumambot ang balat. Kayang palambutin ng sea cucumber ang balat nito hanggang sa ito ay parang natutunaw na.

 Gustong gayahin ng mga siyentipiko ang kakayahan ng balat ng sea cucumber. Sinisikap nilang gumawa ng mga electrode para sa operasyon sa utak—mga electrode na matigas para mailagay ito sa eksaktong posisyon at pagkatapos ay lalambot din. Sa paggawa nito, mas malamang na maging matagumpay ang operasyon sa utak.

 Ano sa palagay mo? Ang kahanga-hangang balat ba ng sea cucumber ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?