Pumunta sa nilalaman

Kaayon ba ng Siyensiya ang Bibliya?

Kaayon ba ng Siyensiya ang Bibliya?

Ang sagot ng Bibliya

 Oo. Bagaman ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya, tumpak naman ang sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Pag-isipan ang ilang halimbawa na nagpapakitang kaayon ng siyensiya ang Bibliya, pati ang mga detalye rito na tumpak sa siyensiya kumpara sa pinaniniwalaan ng maraming tao noong isinusulat ang Bibliya.

  •   Ang uniberso ay may pasimula. (Genesis 1:1) Pero ayon sa maraming sinaunang alamat, ang uniberso ay hindi nilalang kundi inayos lang mula sa magulong pag-iral nito. Naniniwala naman ang mga Babilonyo na ang uniberso ay ginawa ng mga diyos na galing sa dalawang karagatan. Sinasabi ng iba pang alamat na ang uniberso ay mula sa isang dambuhalang itlog.

  •   Bawat araw, ang uniberso ay kontrolado ng lohikal na mga batas ng kalikasan, hindi ng kung ano lang na maisipan ng mga bathala. (Job 38:33; Jeremias 33:25) Itinuturo ng mga alamat mula sa buong daigdig na ang mga tao ay walang kalaban-laban sa mga sumpungin at kung minsa’y walang-awang mga diyos.

  •   Ang lupa ay nakabitin sa wala. (Job 26:7) Naniniwala ang maraming tao noon na ang mundo ay lapád at pasan ng isang higante o nakapatong sa isang hayop, gaya ng bupalo o pagong.

  •   Ang tubig sa mga ilog at bukal ay mula sa karagatan at iba pang pinagmumulan, na sinipsip ng init ng araw at bumabalik sa lupa bilang ulan, niyebe, o graniso. (Job 36:27, 28; Eclesiastes 1:7; Isaias 55:10; Amos 9:6) Pero ayon sa sinaunang mga Griego, ang tubig sa mga ilog ay galing sa tubig ng karagatan na dumadaloy sa ilalim ng lupa, at pinaniwalaan ito hanggang noong ika-18 siglo.

  •   Ang mga bundok ay tumataas at bumababa, at dating nasa ilalim ng karagatan. (Awit 104:6, 8) Sinasabi naman ng ilang alamat na ganito na ang anyo ng mga bundok mula pa nang lalangin ito ng mga diyos.

  •   Ang kalinisan ay mahalaga sa kalusugan. Kabilang sa Kautusang ibinigay sa bansang Israel ang mga tuntunin sa paghuhugas pagkatapos humawak sa bangkay, pagkukuwarentenas sa mga may nakahahawang sakit, at pagbabaon sa hukay ng dumi ng tao. (Levitico 11:28; 13:1-5; Deuteronomio 23:13) Pero sa mga Ehipsiyo noon, inihahalo nila ang dumi ng tao sa gamot na ipinapahid sa sugat.

May sinasabi ba ang Bibliya na mali sa pananaw ng mga siyentipiko?

 Wala, kung susuriin nating mabuti ang Bibliya. Narito ang ilang karaniwang maling akala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa siyensiya:

 Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang uniberso ay nilalang sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.

 Ang totoo: Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan sinimulang lalangin ng Diyos ang uniberso. (Genesis 1:1) Ang mga araw ng paglalang na inilalarawan sa kabanata 1 ng Genesis ay mga yugto ng panahon na walang espesipikong haba. Sa katunayan, ang buong yugto ng panahon ng paglalang sa langit at lupa ay tinatawag ding isang “araw.”—Genesis 2:4.

 Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na naunang nilalang ang pananim kaysa sa araw na kailangan sa proseso ng photosynthesis.—Genesis 1:11, 16.

 Ang totoo: Ipinakikita ng Bibliya na ang araw, isa sa mga bituin sa “langit,” ay nilalang bago ang pananim. (Genesis 1:1) Noong unang “araw,” o unang yugto ng panahon, ng paglalang, ang liwanag mula sa araw ay nakarating na sa ibabaw ng lupa. Pero nakatagos lang ito sa atmospera noong ikatlong “araw” ng paglalang, at sapat na ito para sa proseso ng photosynthesis. (Genesis 1:3-5, 12, 13) Nang dakong huli lang malinaw na nakita mula sa ibabaw ng lupa ang araw.—Genesis 1:16.

 Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang araw ang umiikot sa palibot ng lupa.

 Ang totoo: Sinasabi ng Eclesiastes 1:5: “Ang araw rin ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at dumarating itong humihingal sa dakong sinisikatan nito.” Pero inilalarawan lamang nito ang kilos ng araw kung pagmamasdan mula sa lupa. Kahit sa ngayon, maaaring gamitin ng tao ang mga salitang “pagsikat ng araw” at “paglubog ng araw,” pero alam niya na ang lupa ang umiikot sa araw.

 Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang lupa ay lapad.

 Ang totoo: Ginagamit ng Bibliya ang pariralang “pinakamalayong bahagi ng lupa,” pero hindi ito nangangahulugan na ang lupa ay lapad o may dulo. (Gawa 1:8) Ang pananalita ring “apat na dulo ng lupa” ay makasagisag na pananalita na tumutukoy sa buong lupa, gaya ng apat na direksiyon ng kompas.—Isaias 11:12; Lucas 13:29.

 Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang sirkumperensiya ng isang bilog ay tatlong ulit ng diyametro nito, ngunit ang tamang sukat ay pi (π), o mga 3.1416.

 Ang totoo: Ang mga sukat ng “binubong dagat” na nasa 1 Hari 7:23 at 2 Cronica 4:2 ay nagpapahiwatig na ang diyametro nito ay sampung siko at na “nangailangan ng isang pising tatlumpung siko upang mapaikutan ito sa buong palibot.” Maaaring ang mga sukat na ito ang pinakamalapit na buong bilang (round number). Posible rin na ang sirkumperensiya ay sinukat paikot sa pinakalabi, samantalang ang diyametro naman ay sinukat nang pahalang sa labas ng lalagyan.