Pumunta sa nilalaman

Sa Krus ba Namatay si Jesus?

Sa Krus ba Namatay si Jesus?

Ang sagot ng Bibliya

 Itinuturing ng marami ang krus bilang ang pinakakaraniwang simbolo ng Kristiyanismo. Gayunman, hindi inilalarawan ng Bibliya ang eksaktong hitsura ng pinagpakuan kay Jesus, kaya walang sinuman ang nakatitiyak dito. Pero pinatutunayan ng Bibliya na namatay si Jesus, hindi sa krus, kundi sa isang tuwid na tulos.

 Karaniwan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na stau·rosʹ para tukuyin ang pinagpakuan kay Jesus. (Mateo 27:40; Juan 19:17) Bagaman madalas itong isinasaling “krus,” maraming iskolar ang sumasang-ayon na ito ay nangangahulugang “tuwid na tulos.” a Ayon sa A Critical Lexicon and Concordance to the English and Greek New Testament, ang stau·rosʹ ay “hindi kailanman tumutukoy sa dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus sa anumang anggulo.”

 Ginagamit din ng Bibliya ang salitang xyʹlon bilang singkahulugan ng stau·rosʹ. (Gawa 5:30; 1 Pedro 2:24) Ang salitang ito ay nangangahulugang “kahoy,” “tulos,” o “puno.” b Sinabi pa ng The Companion Bible: “Walang anuman na makikita sa Griego ng B[agong] T[ipan] na nagpapahiwatig man lamang dalawang piraso ng kahoy.”

 Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Paggamit ng Krus sa Pagsamba?

Isang crux simplex—salitang Latin para sa isang tulos kung saan ipinapako ang isang kriminal

 Anuman ang hitsura ng pinagpakuan kay Jesus, ipinakikita ng sumusunod na mga katotohanan at teksto sa Bibliya na hindi tayo dapat gumamit ng krus sa pagsamba.

  1.   Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsambang ginagamitan ng mga imahen o simbolo, pati na ng krus. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na huwag gumamit ng “anyo ng anumang sagisag” sa kanilang pagsamba, at ang mga Kristiyano naman ay sinabihang “tumakas ... mula sa idolatriya.”—Deuteronomio 4:15-19; 1 Corinto 10:14.

  2.   Hindi ginamit ng mga Kristiyano noong unang siglo ang krus sa pagsamba. c Ang mga turo at halimbawa ng mga apostol ay isang parisan na dapat sundin ng lahat ng Kristiyano.—2 Tesalonica 2:15.

  3.   Ang paggamit ng krus sa pagsamba ay nanggaling sa mga pagano. d Daan-daang taon pagkamatay ni Jesus, ang mga simbahan ay lumihis sa kaniyang mga turo. Ang bagong mga miyembro ng simbahan ay “pinayagan [na] panatilihin ang kanilang mga paganong tanda at sagisag,” pati na ang krus. (The Expanded Vine’s Expository Dictionary of New Testament Words) Gayunman, hindi kinukunsinti ng Bibliya ang paggamit ng paganong mga simbolo para lang makapangumberte.—2 Corinto 6:17.

a Tingnan ang New Bible Dictionary, Third Edition, inedit ni D. R. W. Wood, pahina 245; Theological Dictionary of the New Testament, Tomo VII, pahina 572; The International Standard Bible Encyclopedia, Revised Edition, Tomo 1, pahina 825; at The Imperial Bible-Dictionary, Tomo II, pahina 84.

b Tingnan ang The Expanded Vine’s Expository Dictionary of New Testament Words, pahina 1165; A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott, Ninth Edition, pahina 1191-1192; at Theological Dictionary of the New Testament, Tomo V, pahina 37.

c Tingnan ang Encyclopædia Britannica, 2003, sa paksang “Cross”; The Cross—Its History and Symbolism, pahina 40; at The Companion Bible, Oxford University Press, apendise 162, pahina 186.

d Tingnan ang The Encyclopedia of Religion, Tomo 4, pahina 165; The Encyclopedia Americana, Tomo 8, pahina 246; at Symbols Around Us, pahina 205-207.