Pumunta sa nilalaman

Nagbabago Ba ng Isip ang Diyos?

Nagbabago Ba ng Isip ang Diyos?

Ang sagot ng Bibliya

 Oo, sa diwa na nagbabago siya ng saloobin kapag binabago ng mga tao ang kanilang masamang paggawi. Halimbawa, nang magpahayag ng paghatol ang Diyos sa sinaunang Israel, sinabi niya: “Marahil ay makikinig sila at manunumbalik, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at ikalulungkot ko ang kapahamakan na iniisip kong ilapat sa kanila dahil sa kasamaan ng kanilang mga pakikitungo.”—Jeremias 26:3.

 Sinasabi sa maraming salin ng Bibliya na sa talatang ito, ang Diyos ay “magsisisi” sa kapahamakang iniisip niya, na para bang nakagawa siya ng maling pasiya. Pero ang orihinal na salitang Hebreo ay maaaring mangahulugan na “magbago ng isip o intensiyon.” Isinulat ng isang iskolar: “Kapag binago ng isang tao ang kaniyang paggawi, binabago ng Diyos ang kaniyang hatol.”

 Siyempre, hindi naman ibig sabihin na dahil nagbabago ng isip ang Diyos ay kailangan niya talaga itong baguhin. Pansinin ang ilang sitwasyon sa Bibliya na nagpapakitang hindi binago ng Diyos ang isip niya:

  •   Hindi pumayag ang Diyos na baguhin ni Balak ang Kaniyang isip at sumpain ang bansang Israel.—Bilang 23:18-20.

  •   Noong mamihasa sa kasamaan si Haring Saul, hindi binago ng Diyos ang kaniyang isip may kinalaman sa pagtatakwil kay Saul bilang hari.—1 Samuel 15:28, 29.

  •   Tutuparin ng Diyos ang pangako niyang gawing saserdote magpakailanman ang kaniyang Anak. Hindi babaguhin ng Diyos ang Kaniyang isip.—Awit 110:4.

Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya na hindi nagbabago ang Diyos?

 Oo. Iniulat ng Bibliya ang mga salitang ito ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Sinasabi rin ng Bibliya na ang Diyos ay “wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Santiago 1:17) Pero hindi ito salungat sa sinasabi ng Bibliya na nagbabago ng isip ang Diyos. Hindi nagbabago ang Diyos sa diwa na hindi nagbabago ang kaniyang personalidad at pamantayan ng pag-ibig at katarungan. (Deuteronomio 32:4; 1 Juan 4:8) Pero maaari siyang magbigay ng magkaibang instruksiyon sa mga tao sa iba’t ibang pagkakataon. Halimbawa, nagbigay ang Diyos ng magkaibang instruksiyon kay Haring David sa dalawang magkasunod na labanan, pero parehong nagtagumpay ang mga iyon.—2 Samuel 5:18-25.

Nagsisisi ba ang Diyos na nilikha niya ang tao?

 Hindi. Pero nalulungkot siya sa pagwawalang-bahala o hindi pagkilala sa kaniya ng karamihan sa mga tao. Tungkol sa sitwasyon ng mga tao bago ang pangglobong Baha noong panahon ni Noe, sinasabi ng Bibliya: “Ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at siya ay nasaktan sa kaniyang puso.” (Genesis 6:6) Sa talatang ito, ang salitang “ikinalungkot” ay galing sa salitang Hebreo na maaaring mangahulugang “magbago ng isip.” Nagbago ang isip ng Diyos sa karamihan sa mga tao bago ang Baha dahil naging napakasama nila. (Genesis 6:5, 11) Pero kahit na nalungkot siya na pinili nilang gumawa ng masama, hindi nagbago ang saloobin niya sa buong sangkatauhan. Sa katunayan, iniligtas niya ang sangkatauhan mula sa Baha sa pamamagitan ng pagliligtas kay Noe at sa pamilya nito.—Genesis 8:21; 2 Pedro 2:5, 9.