Pumunta sa nilalaman

Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Banal?

Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Banal?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang pagiging banal ay tumutukoy sa pagiging hiwalay sa karungisan. Ang salitang Hebreo na isinaling “banal” ay nagmula sa isang terminong nangangahulugang “hiwalay.” Kaya ang isang bagay na banal ay inihiwalay at ibinukod mula sa karaniwang gamit, o itinuturing na sagrado, lalo na dahil ito ay malinis at dalisay.

 Ang Diyos ay banal sa sukdulang antas. Sinasabi ng Bibliya: “Walang sinumang banal na gaya ni Jehova.” a (1 Samuel 2:2) Kaya ang Diyos lang ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng kabanalan.

 Ang salitang “banal” ay puwedeng ikapit sa anumang bagay na may tuwirang kaugnayan sa Diyos, lalo na sa mga bagay na ibinukod para sa pagsamba. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa:

  •   Mga dakong banal: Malapit sa nagniningas na palumpong, sinabi ng Diyos kay Moises: “Ang dakong kinatatayuan mo ay banal na lupa.”—Exodo 3:2-5.

  •   Mga banal na kapistahan: Sinamba ng sinaunang mga Israelita si Jehova sa “mga banal na kombensiyon,” relihiyosong mga kapistahan na regular nilang idinaraos.—Levitico 23:37.

  •   Mga banal na kagamitan: Ang mga bagay na ginagamit sa pagsamba sa Diyos sa sinaunang templo sa Jerusalem ay tinawag na mga ‘banal na kagamitan.’ (1 Hari 8:4) Ang mga kagamitang iyon ay kailangang ituring nang may paggalang, pero hindi kailanman dapat sambahin. b

Posible bang maging banal ang isang taong di-sakdal?

 Oo. Iniuutos ng Diyos sa mga Kristiyano: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” (1 Pedro 1:16) Siyempre pa, hindi maaabot ng di-sakdal na mga tao ang perpektong pamantayan ng Diyos sa kabanalan. Pero ang sinumang sumusunod sa matuwid na mga utos ng Diyos ay puwedeng ituring na “banal [at] kaayaaya sa Diyos.” (Roma 12:1) Makikita sa salita at gawa ng isa kung nagsisikap siyang maging banal. Halimbawa, sinusunod niya ang payo ng Bibliya na ‘magpakabanal at umiwas sa pakikiapid’ at “magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.”—1 Tesalonica 4:3; 1 Pedro 1:15.

Posible bang maiwala ng isa ang kabanalan niya sa paningin ng Diyos?

 Oo. Kung tatalikuran ng isa ang pamantayan ng Diyos sa paggawi, hindi na siya ituturing ng Diyos bilang banal. Halimbawa, ang aklat ng Bibliya na Mga Hebreo ay isinulat para sa mga “banal na kapatid,” pero nagbababala ito na baka magkaroon sila ng “isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.”—Hebreo 3:1, 12.

Mga maling akala tungkol sa pagiging banal

 Maling akala: Ang kabanalan ay maaabot sa pamamagitan ng pagkakait sa sarili.

 Katotohanan: Ipinapakita ng Bibliya na ang “pagpapahirap sa katawan,” o labis na pagkakait sa sarili, ay “walang halaga” sa Diyos. (Colosas 2:23) Sa halip, gusto ng Diyos na masiyahan tayo sa mabubuting bagay. “Ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:13.

 Maling akala: Nagiging mas banal ang isa sa pamamagitan ng celibacy, o hindi pag-aasawa.

 Katotohanan: Puwedeng piliin ng isang Kristiyano na manatiling walang asawa, pero hindi siya ituturing ng Diyos bilang banal dahil lang sa celibacy. Totoo, mas makakapagpokus sa paglilingkod ang mga nananatiling single. (1 Corinto 7:32-34) Pero ipinapakita ng Bibliya na puwede ring maging banal ang mga may asawa. Ang totoo, isa sa mga apostol ni Jesus, si Pedro, ay may asawa.—Mateo 8:14; 1 Corinto 9:5.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. Iniuugnay ng daan-daang talata sa Bibliya ang pangalang iyan sa mga salitang “banal” at “kabanalan.”

b Hinahatulan ng Bibliya ang pagsamba sa relihiyosong mga relikya.—1 Corinto 10:14.