Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi ginamit ng Bibliya ang salitang “aborsiyon” na tumutukoy sa sinasadyang pagpapalaglag. Pero makikita sa maraming teksto sa Bibliya ang pananaw ng Diyos sa buhay, kasama na ang buhay ng hindi pa naisisilang na sanggol.

 Ang buhay ay regalo ng Diyos. (Genesis 9:6; Awit 36:9) Mahalaga sa kaniya ang buhay, pati na ang buhay ng isa na nasa sinapupunan ng ina. Kaya kung sasadyain na ipalaglag ang isang sanggol, ito ay pagpatay.

 Sinabi ng Kautusan ng Diyos sa mga Israelita: “Kung may mga taong mag-away at masaktan nila ang isang babaeng nagdadalang-tao at mapaaga ang panganganak nito pero wala namang namatay, dapat magbigay ang nagkasala ng bayad-pinsala na ipapataw ng asawa ng babae; at ibabayad niya kung ano ang ipinasiya ng mga hukom. Pero kung may mamatay, magbabayad ka ng buhay para sa buhay.”—Exodo 21:22, 23. a

 Kailan nagsisimula ang buhay?

 Para sa Diyos, nagsisimula ang buhay kapag nagdalang-tao na ang babae. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, laging tinutukoy ng Diyos ang hindi pa naisisilang na sanggol bilang taong buháy. Tingnan ang ilang halimbawa na nagpapakitang walang pagkakaiba sa Diyos ang buhay ng hindi pa naisisilang na sanggol sa buhay ng naisilang na.

  •   Sinabi ni Haring David sa Diyos: “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako.” (Awit 139:16) Para sa Diyos, buháy na si David kahit hindi pa siya naisisilang.

  •   Alam din ng Diyos na bibigyan niya ng espesyal na gawain si propeta Jeremias bago pa man ito isilang. Sinabi ng Diyos: “Bago pa kita binuo sa sinapupunan ay kilala na kita, at bago ka pa isilang ay pinabanal na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”—Jeremias 1:5.

  •   Ginamit rin ng manunulat ng Bibliya na si Lucas, isang doktor, ang parehong salitang Griego para ilarawan ang hindi pa naisisilang na sanggol at ang bagong-silang na sanggol.—Lucas 1:41; 2:12, 16.

 Mapapatawad pa ba ng Diyos ang nakagawa ng aborsiyon?

 Mapapatawad ng Diyos ang nakagawa ng aborsiyon. Kung tutularan nila ang pananaw ng Diyos sa buhay, hindi na sila dapat makonsensiya. “Si Jehova ay maawain at mapagmalasakit, ... Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.” b (Awit 103:8-12) Patatawarin ni Jehova ang lahat ng taimtim na nagsisisi sa kanilang ginawang kasalanan, kasama na ang aborsiyon.—Awit 86:5.

 Mali pa rin ba ang aborsiyon kahit nanganganib na ang buhay ng ina o ng sanggol?

 Batay sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa buhay ng hindi pa naisisilang na sanggol, hindi dahilan ang posibleng panganib sa kalusugan ng ina o ng sanggol para ipalaglag ang bata.

 Paano naman kung sa araw ng panganganak ay kailangang mamili kung ang buhay ng ina o ng sanggol ang ililigtas? Sa ganitong kaso, ang mga sangkot ang siyang magpapasiya kung sino ang ililigtas.

a Ipinapakita ng ilang salin na ang mahalaga ay ang buhay ng ina at hindi ang buhay na nasa sinapupunan niya. Pero sa orihinal na Hebreo, parehong mahalaga ang buhay ng mag-ina.

b Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.