Pumunta sa nilalaman

Ano ang Ibig Sabihin ng 666?

Ano ang Ibig Sabihin ng 666?

Ang sagot ng Bibliya

 Ayon sa huling aklat ng Bibliya, 666 ang bilang, o pangalan, ng mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay na umaahon mula sa dagat. (Apocalipsis 13:1, 17, 18) Ang hayop na ito ay sumasagisag sa pandaigdig na politikal na sistema, na namamahala “sa bawat tribo at bayan at wika at bansa.” (Apocalipsis 13:7) Ang pangalang 666 ay tumutukoy sa lubos na kabiguan ng politikal na sistema sa paningin ng Diyos. Paano?

Higit pa sa isang katawagan. Ang mga pangalan na ibinigay ng Diyos ay may kahulugan. Halimbawa, ang pangalan ni Abram ay nangangahulugang “Ang Ama ay Mataas (Dinakila).” Binigyan siya ng Diyos ng pangalang Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Pulutong (Karamihan),” nang mangako ang Diyos sa kaniya na gagawin siyang “ama ng pulutong ng mga bansa.” (Genesis 17:5) Sa katulad na paraan, pinangalanan ng Diyos ang hayop ng 666 bilang sagisag ng pagkakakilanlang mga katangian nito.

Ang bilang na anim ay nangangahulugan ng pagiging di-sakdal. Sa Bibliya, kadalasan nang ginagamit ang mga bilang sa makasagisag na paraan. Ang pito ay karaniwan nang lumalarawan sa pagiging kumpleto o sakdal. Ang anim, na kulang ng isa para maging pito, ay maaaring tumukoy sa isang bagay na kulang o may depekto sa paningin ng Diyos, at maaari itong iugnay sa mga kaaway ng Diyos.—1 Cronica 20:6; Daniel 3:1.

Tatlong beses para sa pagdiriin. Kung minsan, inuulit ng Bibliya ang isang bagay nang tatlong beses para idiin ito. (Apocalipsis 4:8; 8:13) Kaya ang pangalang 666 ay talagang nagdiriin na ang politikal na sistema ng mga tao ay lubusang bigo sa paningin ng Diyos. Hindi sila nakapagbigay ng namamalaging kapayapaan at katiwasayan—mga bagay na tanging ang Kaharian lang ng Diyos ang makapagbibigay.

Ang marka ng hayop

 Sinasabi ng Bibliya na ang mga tao ay tumatanggap ng “marka ng mabangis na hayop” dahil sumusunod sila rito “nang may paghanga,” anupat sumasamba rito. (Apocalipsis 13:3, 4; 16:2) Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulad-pagsambang parangal sa kanilang bansa, sa mga sagisag nito, o sa puwersang militar nito. Gaya ng sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang nasyonalismo ay naging nangingibabaw na anyo ng relihiyon sa modernong daigdig.” a

 Paano natatatakan ng marka ng hayop ang kanang kamay o noo ng isang tao? (Apocalipsis 13:16) Kung tungkol sa kaniyang mga utos sa bansang Israel, sinabi ng Diyos: “Itali ninyo iyon bilang tanda sa inyong kamay, at iyon ay magiging pangharap na pamigkis sa pagitan ng inyong mga mata.” (Deuteronomio 11:18) Hindi naman ibig sabihin na literal na tatatakan ng mga Israelita ang kanilang mga kamay at noo. Sa halip, nangangahulugan ito na gagabayan ng salita ng Diyos ang lahat ng kanilang pagkilos at pag-iisip. Sa katulad na paraan, ang marka ng hayop na 666 ay hindi literal gaya ng isang tato. Sa halip, ipinakikilala nito ang mga taong nagpapagabay sa politikal na sistema. Ginagawa ng mga taong may marka ng hayop ang kanilang sarili na kaaway ng Diyos.—Apocalipsis 14:9, 10; 19:19-21.

a Tingnan din ang Nationalism in a Global Era, pahina 134, at Nationalism and the Mind: Essays on Modern Culture, pahina 94.