Pumunta sa nilalaman

“Iniligtas Kami ni Jehova”

“Iniligtas Kami ni Jehova”

 Noong 2005, si Sowbhagya, isang babae sa India, ay namatayan ng asawa. Noong buhay pa ito, inaalagaan niya si Sowbhagya at ang tatlong-taóng-gulang na anak na babae nila, si Meghana. Pero ngayon, hirap sa buhay ang mag-ina.

 Ang mas malala pa, hindi rin tinatanggap si Sowbhagya ng iba. Para sa mga kapamilya niya, pulubi siya at ang anak niya, at paulit-ulit nilang sinasabi na pabigat lang silang mag-ina. Para makayanan ni Sowbhagya ang pinagdaraanan niya, nagsimba siya. Pero masama rin ang trato sa kaniya ng mga tao doon kasi mahirap lang siya. Naghanap ng trabaho si Sowbhagya para masuportahan ang sarili niya at ang anak niya. Pero kahit ano ang gawin niya, wala siyang makuhang trabaho.

 Sinabi ni Sowbhagya: “Pakiramdam ko, wala na akong pag-asa kaya naisip kong magpakamatay. Pero alam kong kapag wala na ako, mas mahihirapan ang anak ko. Kaya naisip kong tapusin na lang ang buhay namin ng anak ko.” Bumili si Sowbhagya ng lason kasi pakiramdam niya, wala siyang halaga.

 Nang pauwi na si Sowbhagya sakay ng tren, nilapitan at kinausap siya ng isang Saksi ni Jehova, si Elizabeth. Sinabi ni Sowbhagya na wala siyang trabaho, at sinabi ni Elizabeth na tutulungan niya siya. Sinabi rin ni Elizabeth na papunta siya sa Bible study. Nagulat si Sowbhagya kasi kahit marami na siyang napuntahang simbahan, ngayon lang siya nakarinig ng mga taong nag-aaral ng Bibliya. Inimbitahan ni Elizabeth sa bahay niya si Sowbhagya para matuto pa tungkol sa Bibliya.

 Nang makauwi si Sowbhagya, plano pa rin niyang magpakamatay. Pero wala doon si Meghana kasi isinama ito ng isang kamag-anak niya sa ibang lugar. Kaya hinintay ni Sowbhagya na makauwi ang anak niya bago ituloy ang pagpapakamatay.

 Habang naghihintay, pinuntahan ni Sowbhagya si Elizabeth. Tinanggap siya nito, at ipinakita sa kaniya ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Nagustuhan ni Sowbhagya ang kabanatang “Nasaan ang mga Patay?” kasi kakamatay lang ng asawa niya. Nang araw ding iyon, nagpa-Bible study si Sowbhagya.

 Inimbitahan ni Elizabeth si Sowbhagya sa kombensiyon sa susunod na linggo. Tinanggap ito ni Sowbhagya. Talagang nagustuhan niya ang programa, at gusto na niyang maging Saksi ni Jehova! Pagkauwi niya galing ng kombensiyon, may nag-alok sa kaniya ng trabaho.

 Nagpatuloy sa pagba-Bible study si Sowbhagya. Ngayon, imbes na tapusin ang buhay niya, may dahilan na siya para ipagpatuloy ito. Nabautismuhan siya. Di-nagtagal, nabautismuhan din ang anak niyang si Meghana. Pareho na sila ngayong regular pioneer. Remote volunteer si Meghana sa isa sa mga translation office sa India.

Sina Sowbhagya at Meghana ngayon

 Nagpapasalamat ang mag-ina kay Elizabeth dahil kinausap nito noon si Sowbhagya, nagpakita ng interes sa kaniya, at nangaral sa kaniya! Talagang nagpapasalamat din sila kay Jehova. Sinabi ni Meghana: “Matagal na sana kaming patay kung hindi namin nalaman ang katotohanan n’ong araw na ’yon. Ngayon, napakasaya namin. Inaabangan namin ni Mama ang panahon na mayayakap namin si Papa, maturuan siya tungkol kay Jehova, at masabi sa kaniya na iniligtas kami ni Jehova.”