Pumunta sa nilalaman

Public Phone Para sa mga Bible Study

Public Phone Para sa mga Bible Study

 Si Daiane ay isang Saksi ni Jehova at buong-panahong mangangaral sa Brazil. Isang araw, habang nagte-telephone witnessing siya, nakausap niya ang isang mag-asawang interesado na medyo bata pa. Sinabi nila kay Daiane na lilipat sila sa isang liblib na bayan na walang kuryente o Internet. Wala ring mga Saksi ni Jehova doon. Kaya para makapag-usap pa rin sila tungkol sa Bibliya, ibinigay ng mag-asawa kay Daiane ang number ng public phone sa bayan na iyon. Nagkasundo rin sila kung anong araw at oras sila puwedeng mag-usap.

 Tinawagan ni Daiane ang public phone sa napagkasunduang oras at sumagot naman ang mag-asawa. Sa sumunod na dalawang linggo, tatlong beses pa silang nakapag-usap tungkol sa Bibliya.

 Pero pagkatapos noon, hindi na sumagot ang mag-asawa sa mga tawag ni Daiane. Hindi siya sumuko! Tatlong beses sa isang linggo pa rin siyang tumatawag sa public phone na iyon. At kapag may sumagot, ipinapakipag-usap niya ang tungkol sa Bibliya. Dahil diyan, nakapagpasimula si Daiane ng ilang Bible study sa mga nakatira sa bayan na iyon.

 Isang araw, nagba-Bible study si Daiane at ang asawa niya sa isang kabataang lalaki gamit ang public phone na iyon. Narinig iyon ng isang lider ng simbahan. Tumayo siya sa tabi ng kabataan para mas marinig ang pag-uusap nila. Pagkatapos, nagtanong ang lider ng simbahan kung puwede niyang makausap si Daiane at ang asawa nito. Nagandahan kasi siya sa narinig niya kaya gusto niya ring magpa-Bible study!

 Di-nagtagal, anim na ang Bible study ni Daiane at ng asawa niya sa liblib na bayan na iyon at isa na rito ang lider ng simbahan. Gumawa pa nga ng upuan ang isa sa kanila para may magamit sila habang nagba-Bible study. Nakadalo na rin sa pulong ang ilan sa mga Bible study na iyon. Kumonekta sila gamit ang public phone.

 Laking pasasalamat ni Daiane at ng asawa niya sa pagkakataong maipangaral ang mensahe ng Kaharian sa liblib na bayang iyon. Sinabi ni Daiane, “Kayang-kaya ni Jehova na ipaabot ang mabuting balita sa lahat ng tao, kahit pa sa liblib na lugar.”