Pumunta sa nilalaman

“Isang Simpleng Gawa ng Katapatan”

“Isang Simpleng Gawa ng Katapatan”

 Si Danielle, na isang Saksi ni Jehova sa South Africa ay nakakita ng isang bag na naiwan sa isang coffee shop. Sa loob ng bag ay may wallet na may lamang pera at mga credit card. Gustong-gustong ibalik ni Danielle ang bag sa may-ari. Kaya hinanap niya ang adres at contact number nito pero pangalan lang ng isang lalaki ang nakita niya. Sinubukan niyang magtanong sa bangko ng lalaki pero bigo siya. Sinubukan din niyang kontakin ang number ng isang doktor na nakita niya sa bag. Receptionist ang nakasagot sa tawag niya at pumayag itong ibigay ang number niya sa lalaki.

 Nagulat ang lalaki nang makatanggap siya ng tawag galing sa klinik ng kaniyang doktor. Sinabi nito sa kaniya na may nakakita sa bag niya at gusto itong ibalik sa kaniya. Nakipagkita siya kay Danielle at sa tatay nito para kunin ang bag niya. Ginamit nila Danielle ang pagkakataong iyon para sabihin sa kaniya kung bakit sila nagsikap nang husto na maibalik ang bag. Sinabi nila na bilang mga Saksi ni Jehova, sinisikap nilang sundin ang mga simulain sa Bibliya. Kaya naman sinisikap nila na palaging maging tapat.​—Hebreo 13:18.

 Makalipas ang ilang oras, nagtext ang lalaki kina Danielle at sa tatay nito at nagpapasalamat ulit na ibinalik nila ang bag. Sinabi niya: “Nagpapasalamat ako sa pagsisikap ninyo na makontak ako. Masaya akong makilala kayo ng pamilya mo at hindi ko makakalimutan ang kabaitan ninyo at pagiging palakaibigan. Gusto ko sanang magregalo sa inyo para makapagpasalamat naman ako. Alam kong may mga isinasakripisyo kayo para makapaglingkod sa Diyos ninyo. Nakita kong mabubuting tao kayo dahil sa katapatan ni Danielle. Kaya salamat talaga at sana pagpalain ng Diyos ang inyong ministeryo.”

 Pagkalipas ng ilang buwan, nakausap ulit ng tatay ni Danielle ang lalaki. Ikinuwento ng lalaki na nang minsang namimilí siya, may napulot siyang wallet. Hinanap niya ang may-ari ng wallet, ibinalik ito, at ipinaliwanag kung bakit niya ginawa iyon. Sinabi niya na may nagbalik din kasi ng wallet niya. Sinabi pa niya: “Nakakahawa ang isang simpleng gawa ng katapatan at kabaitan, at mapapaganda nito ang komunidad.”