Pumunta sa nilalaman

Isang Baha na Nagdala ng Mabuting Balita

Isang Baha na Nagdala ng Mabuting Balita

 Noong 2017, isang grupo ng 12 Saksi ang sumakay ng bangka mula sa rehiyon ng Mosquito (Miskito) Coast sa Nicaragua. Sturi Yamni ang pangalan ng bangka nila. Sinabi ng isa sa kanila, si Stephen: “Ginawa namin ’yon para pasiglahin ang isang maliit na grupo ng mga Saksi na nakatira sa isang liblib na lugar at para matulungan silang maipangaral ang mabuting balita sa malawak nilang teritoryo.”

 Sinimulan ng 12 Saksi ang 200-kilometrong paglalakbay sa Río Grande de Matagalpa mula sa Pearl Lagoon. Sa wikang Miskito, ang ibig sabihin ng pangalan ng bangka nila ay “Mabuting Balita.” Wala silang kamalay-malay na magkakaroon ito ng espesyal na kahulugan para sa mga taong nakatira sa tabing-ilog. Nakarating ang mga Saksi sa kanilang destinasyon—ang komunidad ng La Cruz de Río Grande—pagkatapos ng 12-oras na paglalakbay, bukod pa sa oras na huminto sila para magpalipas ng gabi. Masayang-masaya silang sinalubong ng anim na Saksing tagaroon.

 Noong gabing iyon, bumuhos ang napakalakas na ulan. Kaya mga ilang oras lang, umapaw ang Río Grande de Matagalpa at patuloy na tumaas hanggang sa sumunod na dalawang araw. Binaha ang Kingdom Hall sa La Cruz, pati na ang maraming bahay. Tinulungan ng mga bumisitang kapatid ang mga tagaroon na lumikas. Nagpalipas ng dalawang gabi ang karamihan sa kanila sa dalawang-palapag na bahay ng isang Saksi.

Ang binahang Kingdom Hall sa La Cruz

 Noong pangatlong gabi, pinuntahan ng mayor ng La Cruz ang mga bisitang Saksi para humingi ng tulong sa kanila. Dahil ang Sturi Yamni lang ang matibay na bangka na puwedeng gamitin sa umapaw na ilog, gusto sana ng mayor na ihatid ng mga kapatid ang isang grupo ng mga relief worker papunta sa ibang komunidad para tulungan ang ibang nasalanta. Handang makipagtulungan ang mga Saksi.

Kinabukasan, umalis ang tatlong Saksi kasama ang relief team. “Rumaragasa ang ilog no’n,” ang kuwento ni Stephen. “May mga trosong lumulutang at malalaking whirlpool, at mahigit 18 kilometro kada oras ang bilis ng pagragasa ng ilog.” Kahit mahirap ang sitwasyon, nakarating pa rin ang bangka sa tatlong komunidad.

 Sinamantala ng tatlong Saksi ang pagkakataon para makapagbigay ng pampatibay sa mga tagaroon. Nakapagbigay din sila ng mga kopya ng 2017 na isyu ng Gumising! na may pamagat na “Kapag May Sakuna—Mga Hakbang na Makapagliligtas ng Buhay.”

 Nagpapasalamat ang mga nakatira sa tabing-ilog sa praktikal at espirituwal na tulong ng mga Saksi. “Handa silang tumulong sa mahihirap na sitwasyon,” ang sabi ng ilang tagaroon. Sabi naman ng iba, “Talagang mahal nila ang kapuwa nila.” Dahil sa pagsisikap ng mga Saksi na tulungan ang kanilang mga kapananampalataya at ang iba, mas handa na ngayong makinig ang mga tagaroon sa mensahe ng Bibliya.

Si Marco, sa harap ng Sturi Yamni. Isa siya sa mga Saksing nagboluntaryo para mangaral sa mga taganayon

Ang Sturi Yamni sa isang binahang nayon