Pumunta sa nilalaman

Nagulat Siya sa Naging Resulta

Nagulat Siya sa Naging Resulta

 Nagsosolong magulang si Desicar at gusto niyang mag-pioneer para mas marami siyang magawa para kay Jehova. Kahit nakatira siya sa Venezuela, na isang mahirap na bansa, desidido talaga siyang mag-regular pioneer. Kaya masaya siya noong nagawa niya iyon. Pero biglang nagsimula ang COVID-19 pandemic.

 Dahil nagbago ang kalagayan, nahirapan si Desicar na mag-adjust sa pangangaral gaya ng letter writing. Napakamahal ng Internet service sa lugar nila, kaya hindi rin siya makagamit ng videoconferencing. “Ang lungkot ko talaga no’n,” ang sabi niya. “Bigla na lang, hindi na ako makapangaral gaya ng dati. Pakiramdam ko tuloy, kulang ang nagagawa ko bilang pioneer.”

 Noong Enero 2021, inaprobahan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Venezuela ang isang special preaching campaign. May limang weekend sa buwan na iyon. At sa mga araw na iyon, may ilang pahayag na batay sa Bibliya na ibo-broadcast sa mga 60 radio station at 7 television channel. Pinasigla ang mga kapatid na mag-imbita ng mga gustong makinig o manood. Nagbigay din ang sangay ng mga tanong at teksto na kaugnay sa bawat pahayag na magagamit sa letter writing at phone witnessing. Pinasigla rin ng sangay na gamitin ang text messaging kapag nangangaral—isa itong bagong paraan para sa maraming Saksi sa Venezuela.

 Gustong-gusto ni Desicar na sumali sa campaign. Hindi pa niya nagamit sa pangangaral ang text messaging, pero gusto niyang subukan iyon. Kaya kailangan niya ng tulong. “Hindi ako magaling pagdating sa mga gadget,” ang sabi niya. Kaya nagpaturo siya sa anak niya, at natuto naman siya agad. Handa na ngayon si Desicar sa campaign.

Si Desicar

 Maraming tinext si Desicar na mga kakilala niya para imbitahan silang makinig sa nakarekord na mga pahayag. Nagulat siya sa naging resulta. Marami sa mga kinontak niya ang nakinig sa mga pahayag at nagtanong sa kaniya. May ilan na hindi nakapanood o nakapakinig, pero tinanong naman nila si Desicar tungkol sa mga pahayag. “Sinabi ko sa kanila ang mga notes ko sa pahayag,” ang sabi niya. “Dati, hanggang 5 return visit lang ang nare-report ko, pero nitong campaign, naka-112 ako!” a

 Inimbitahan din ni Desicar na makinig sa mga pahayag ang ate niyang hindi Saksi, na kapitbahay lang niya. “Nagulat ako kasi pumayag si Ate,” ang sabi niya. “Pumupunta ako sa apartment niya tuwing Linggo nang 8:00 ng umaga, at magkasama kaming nakikinig sa mga pahayag. Habang nakikinig kami at pagkatapos ng pahayag, ang dami niyang tanong.” Dumalo rin ang ate niya sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus via videoconferencing. At pinayagan din niya si Desicar na gamitin ang Internet niya sa pangangaral.

 “Nagpapasalamat talaga ako kay Jehova,” ang sabi ni Desicar. “Salamat din sa mga elder sa kongregasyon namin kasi lagi nila akong pinapatibay. Tinulungan nila akong mag-enjoy ulit sa pangangaral.” (Jeremias 15:16) Pioneer pa rin si Desicar, at ginagamit pa rin niya ang text messaging sa pangangaral at pagdalaw-muli.

a Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga batas para sa data protection kapag nangangaral sila.