Pumunta sa nilalaman

Pinipilit Ba ng mga Saksi ni Jehova na Maging Saksi ang Kanilang mga Anak?

Pinipilit Ba ng mga Saksi ni Jehova na Maging Saksi ang Kanilang mga Anak?

 Hindi, dahil ang pagsamba sa Diyos ay isang personal na desisyon. (Roma 14:12) Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak ang mga prinsipyo sa Bibliya. Pero kapag malaki na ang mga ito, sila na ang magdedesisyon para sa sarili nila kung magiging Saksi ni Jehova sila.​—Roma 12:2; Galacia 6:5.

 Gaya ng maraming magulang, gusto ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Tinuturuan nila sila ng mga bagay na makakatulong sa kanila: mga kasanayan, moral na pamantayan, at relihiyosong paniniwala. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na itinuturo ng Bibliya ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. Kaya sinisikap nilang itanim sa puso ng kanilang mga anak ang mga prinsipyo nito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya kasama nila at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Deuteronomio 6:6, 7) Kapag malaki na ang kanilang anak, makakapagdesisyon na ito kung magiging Saksi siya gaya ng kaniyang mga magulang.

 Binabautismuhan ba ng mga Saksi ni Jehova ang mga sanggol?

 Hindi. Hindi itinuturo ng Bibliya ang pagbabautismo sa sanggol. Halimbawa, ipinapakita nito na bago mabautismuhan ang unang-siglong mga Kristiyano, narinig nila ang mensahe, ‘masaya nila itong tinanggap,’ at nagsisi. (Gawa 2:14, 22, 38, 41) Kaya para mabautismuhan, ang isa ay dapat na nasa sapat na gulang na para maintindihan, paniwalaan, at magdesisyon kaayon ng mga turo ng Bibliya—mga bagay na hindi magagawa ng isang sanggol.

 Habang lumalaki ang mga bata, baka maisip nilang magpabautismo pagdating ng panahon. Pero para magawa ito, kailangan nilang maintindihan kung gaano kaseryoso ang pagpapabautismo.

 Itinatakwil ba ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang anak kung nagpasiya itong hindi magpabautismo?

 Hindi. Nalulungkot ang mga Saksi ni Jehova kapag hindi naging Saksi ang kanilang anak. Pero mahal pa rin nila ang kanilang anak at hindi nila pinuputol ang kaugnayan nila sa kaniya dahil lang sa ayaw nitong maging Saksi.

Dapat magdesisyon ang bawat isa, anuman ang kanilang edad, kung magpapabautismo siya o hindi

 Bakit isinasama ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga anak sa pangangaral?

 Maraming dahilan kaya isinasama namin ang aming mga anak sa pangangaral. a

  •   Sinasabi ng Bibliya na dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makilala at sambahin ang Diyos. (Efeso 6:4) Dahil kasama sa pagsamba sa Diyos ang hayagang pagsasabi ng ating paniniwala, ang pangangaral ay isang mahalagang bahagi ng pagtuturo sa anak tungkol sa Diyos.​—Roma 10:9, 10; Hebreo 13:15.

  •   Pinapasigla ng Bibliya ang mga kabataan na “purihin . . . ang pangalan ng Panginoon.” (Awit 148:12, 13, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ang isang mahalagang paraan para mapapurihan ang Diyos ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba tungkol sa kaniya. b

  •   Malaki ang naitutulong sa mga anak kapag sumasama sila sa kanilang mga magulang sa pangangaral. Halimbawa, natututo silang makipag-usap sa lahat ng uri ng tao, at nagkakaroon sila ng magagandang katangian gaya ng pagiging maawain, mabait, magalang, at di-makasarili. Mas naiintindihan din nila ang makakasulatang mga dahilan sa mga paniniwala nila.

 Nagdiriwang ba ang mga Saksi ni Jehova ng mga kapistahan at iba pang selebrasyon?

 Hindi nagdiriwang ang mga Saksi ni Jehova ng relihiyosong mga kapistahan at ng iba pang selebrasyon na hindi kalugod-lugod sa Diyos. c (2 Corinto 6:14-17; Efeso 5:10) Halimbawa, hindi kami nagdiriwang ng birthday o Pasko—mga okasyong hindi nagmula sa mga Kristiyano.

 Pero masaya kaming nagsasama-sama bilang pamilya at nagreregalo sa aming mga anak. Imbes na diktahan kami ng kalendaryo, nagsasama-sama kami at nagbibigayan ng regalo kahit anong petsa sa buong taon.

Nasisiyahan ang Kristiyanong mga magulang sa pagreregalo sa kanilang mga anak

a Ang mga anak ng Saksi ay hindi nakikibahagi sa pangangaral kung walang kasamang magulang o responsableng adulto.

b Sa Bibliya, mababasa natin na maraming bata ang nagpasaya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng kanilang paniniwala.​—2 Hari 5:1-3; Mateo 21:15, 16; Lucas 2:42, 46, 47.

d Binago ang ilang pangalan.