Pumunta sa nilalaman

Pagpapatibay at Praktikal na Tulong sa mga Maysakit

Pagpapatibay at Praktikal na Tulong sa mga Maysakit

Ang mga taong may malubhang sakit ay nababahala, at kapag naospital sila, lalo pa itong tumitindi. Gaya ng iniulat sa isang babasahin para sa mga doktor at nars, “ipinapakita ng mga pag-aaral na ang paglalaan ng emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng mga pasyente ay napakahalaga sa kanilang kalusugan.” *

Para mailaan ang mga pangangailangang iyon, pinapatibay at tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapuwa nila Saksi na naospital. Dinadalaw ng mga elder ang mga kakongregasyon nila na maysakit. Pero paano kung ginagamot ang isang pasyenteng Saksi sa ospital na malayo sa bahay niya? Sa malalaking lunsod sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-organisa ng mga Patient Visitation Group (PVG). Regular na dumadalaw sa mga ospital ang mga elder na kabilang sa mga grupong ito para tulungan ang mga pasyenteng Saksi at ang mga kapamilya nila na mula sa ibang lugar, o mula pa nga sa ibang bansa. May mahigit 28,000 boluntaryo sa 1,900 PVG sa anim na kontinente. *

Anong espirituwal na pampatibay ang ibinibigay ng mga PVG?

Sinabi ni William, na isang miyembro ng PVG: “Napapatibay ko ang mga Saksi at ang kanilang mga kapamilyang di-Saksi sa pakikipag-usap at pakikinig sa kanila. Tinitiyak ko sa kanila na alam ng Diyos na Jehova ang kanilang kalagayan at nagmamalasakit siya sa kanila. Pinasasalamatan ng mga pasyente at ng mga kapamilya nila ang pananalangin para sa kanila.”

Marami ang nagpasalamat sa pampatibay na tinanggap nila sa PVG. Ang sumusunod ay mga halimbawa mula sa United States, kung saan halos 7,000 miyembro ng PVG ang dumadalaw sa mga pasyente.

  • Sinabi ni Priscilla: “Salamat sa pagdalaw n’yo kay Tatay sa ospital nang ma-stroke siya. Tuwang-tuwa siya sa mga pagdalaw n’yo! Namangha siya na may ganoon palang probisyon. Sa palagay ko, malaki ang naitulong ng mga pagdalaw ninyo kaya mabilis siyang gumaling.”

  • Sinabi ni Ophilia, anak ng isang pasyenteng namatay, sa kinatawan ng PVG: “Talagang nagpapasalamat si Nanay sa mga pagdalaw n’yo! Alam niyang ipinadala kayo ni Jehova. Salamat sa pagmamahal at pagmamalasakit ninyo.”

  • Masyadong nag-alala ang isang pasyente nang marinig niyang may taning na ang buhay niya. Dinalaw siya ni James, isang miyembro ng PVG, at ibinahagi nito ang nakakapagpatibay na mensahe ng Bibliya na nasa Filipos 4:6, 7. Sabi ni James: “Nang dalawin ko siya kinabukasan, ibang-iba na ang pananaw niya. Kahit ganoon ang sitwasyon niya, buo ang tiwala niyang tutulungan siya ni Jehova, at ako pa nga ang napatibay niya!”

Anong praktikal na tulong ang ibinibigay ng mga PVG?

Si Pauline, na namatayan ng asawa sa isang ospital na malayo sa kanilang bahay, ay sumulat: “Maraming salamat sa tulong ninyo sa napakahirap na panahong iyon sa pamilya namin. Handa kayong puntahan kami sa ospital kahit hatinggabi na at kailangan n’yo pang magtrabaho kinabukasan. Talagang napatibay ninyo kami. Salamat sa pagsasaayos n’yo ng matutuluyan naming 11 sa buong panahong iyon. Nagpapasalamat ako kay Jehova at sa kaniyang organisasyon sa pagbibigay ng ganoong tulong at pampatibay sa amin.”

Naaksidente ang sinasakyang kotse nina Nicki, Gayle, at Robin mga 300 kilometro ang layo sa kanilang bahay. Ibinalita ito kay Carlos, isang miyembro ng PVG, at pinuntahan niya sila sa ospital. Sabi ni Carlos, “Nag-alok ako ng anumang maitutulong ko sa kanila, at ipinahawak sa akin ni Nicki ang maliit niyang aso para makapasok siya sa loob at magamot.” Pagkatapos, dumating si Curtis, isa pang miyembro ng PVG, kasama ang asawa niya. Nanatili sila sa ospital hanggang sa dumating ang mga kapamilya ng mga pasyente makalipas ang ilang oras. Sinabi ng isa nilang kaibigan: “Napanatag silang tatlo dahil inalagaan silang mabuti. At si Robin, di-Saksing kapatid na babae ni Nicki, ay humanga sa lahat ng tulong ng mga miyembro ng PVG.”

^ par. 2 “Addressing Patients’ Emotional and Spiritual Needs,” inilathala sa The Joint Commission Journal on Quality and Patient Safety, Disyembre 2003, Tomo 29, Blg. 12, pahina 661.

^ par. 3 Gaya ng lahat ng elder ng mga Saksi ni Jehova, tinutulungan din ng mga elder na nasa PVG ang kanilang kongregasyon bilang espirituwal na mga pastol, guro, at ebanghelisador. Wala silang suweldo, pero kusa at masaya silang naglilingkod.​—1 Pedro 5:2.