Pumunta sa nilalaman

Tagumpay Laban sa Sunog

Tagumpay Laban sa Sunog

“Sunog! May sunog!” Nakita ni Sandra, habang kumakain sila ng almusal sa bahay ng biyenan niya, ang apoy na lumalabas sa ilalim ng pinto ng bodega sa tabi ng bahay. Dali-dali silang kumilos ng asawa niyang si Thomas. Habang kinukuha ni Sandra ang fire extinguisher, tumakbo si Thomas para tingnan ang bodega. Kaagad na ibinigay ni Sandra kay Thomas ang fire extinguisher at pinatay ang apoy. Naalala pa ni Sandra: “Kung wala kaming ginawa, baka nasunog na ang buong bodega”.

Paano nila naiwasang mataranta at bakit alam na alam nila Thomas at Sandra ang gagawin? Dahil sila at ang 1,000 iba pang nagtatrabaho sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Germany, ay tinuruan kung ano ang dapat gawin kapag may sunog.

Kasama sa 30-ektaryang pasilidad sa Selters ang mga opisina at tirahan, bukod diyan, mayroon ding laundry, printery at iba’—mga lugar kung saan mabilis magkaroon ng sunog. Kung kaya nag-organisa ang Safety and Environment Department ng tanggapang pansangay ng isang programa ng kaligtasan kapag may sunog. Una, isang grupo na tinatawag na Emergency Response Team ang nagsasanay kasama ng lokal na mga bombero. Ikalawa, regular na ginagawa ng lahat ng boluntaryo sa tanggapang pansangay ang mga sumusunod:

  • Magpraktis kung paano lumikas.

  • Sumama sa mga fire safety lesson.

  • Matuto kung paano aapulahin agad ang apoy.

    Dahil diyan, nagkakaroon ang mga boluntaryo ng kasanayan na kailangang-kailangan kapag may emergency.

Pagsasanay sa Ligtas na Pagpatay ng Apoy

Natututo ang mga kasali sa mga practice session kung paano papatayin ang apoy. Inilarawan ni Christin, na natuto tungkol sa fire safety noon pang elementarya siya, ang ginagawang pagsasanay sa sangay: “Kinuha ko ang fire extinguisher, tinanggal ang lock, at lumapit ako sa apoy mula sa direksiyon kung saan umiihip ang hangin. Kung hindi, baka sa akin pumunta ang apoy. Pagkatapos, napatay ko na ang apoy nang ako lang! Natuto din ako kung paano papatayin ang apoy kasama ang iba, mga apat o lima kami sa isang team.”

Ang mga practice session ay “nakakabawas ng takot sa apoy”, ang sabi ni Daniel na isang fire safety trainer sa tanggapang pansangay. Ipinaliwanag niya: “Kapag nagkaroon ng sunog, kalimitan nang natitigilan ang mga tao. Iniisip nila, ‘Ano ang gagawin natin? Paano ba gumamit ng fire extinguisher?’ Pero kung alam nila ang gagawin, mabilis nilang mapapatay ang apoy at maiiwasang kumalat ang sunog.” Sa panahon ng pagsasanay, sinasabi niya, “nalalaman ng mga kasali kung paano ang tamang paggamit ng fire extinguisher kapag may emergency at kung paano patayin ang apoy. Nagkakaroon sila ng kumpiyansa at mas malakas ang loob nila na tumulong kung kailangan.”

Ang Magandang Resulta ng Pagsasanay

Marami ang nagpapasalamat dahil sa pagsasanay. Sinabi ni Christin, na binanggit kanina: “Unang beses akong nakahawak ng fire extinguisher. Sa palagay ko, lahat ay dapat sanayin.” Sinabi naman ni Nadja, na nagboboluntaryo ng part time sa tanggapang pansangay at nagtatrabaho rin sa airport: “Sa nakalipas na 10 taon, puro fire safety lesson lang ang itinuturo sa airport. Pero lumakas ang loob ko dahil sa praktikal na pagsasanay sa tanggapang pansangay. Kapag nagkaroon ng sunog, alam ko na ang gagawin ko.”

Kumbinsido si Sandra na ang pagsasanay sa tanggapang pansangay ang tumulong sa kaniya na kumilos agad nang magkaroon ng sunog sa bahay ng biyenan niya. “Alam ko na kung paano gumamit ng fire extinguisher,” ang sabi niya. “Mabuti na lang at may pagsasanay taon-taon. Talagang nakatulong iyon sa akin.”

Pagsasanay Kasama ng Lokal na mga Bombero

Ang lokal na mga bombero ay regular na nagdaraos ng mga practice session sa tanggapang pansangay. Ipinaliwanag ni Theo Neckermann na head firefighter kung bakit: “Ang aming mga bombero ay responsable para sa munisipalidad ng Selters. Kalimitan nang nagkakaroon ng mga sunog sa mga bahay o apartment. Ang mga pasilidad sa tanggapang pansangay ay naiiba dahil sa napakalawak nito, malalaki ang gusali, at pang-industriyang uri ng mga gawain. Kailangan namin ng karagdagang kakayahan para makaresponde kapag may mga emergency sa pasilidad na ito. Kaya natutuwa at nagpapasalamat kami na nagsasanay kami rito.”

Ang mahigit 100 miyembro ng Emergency Response Team ng tanggapang pansangay ay nagpapraktis ng mga rescue operation at fire drill kasama ng mga bombero. Sinabi ni Mr. Neckermann: “Nagpapasalamat kami sa inyong Emergency Response Team. Kung wala ang tulong at gabay nila, hindi maidaraos ang mga fire drill at fire emergency operation nang maayos.”

Ipinapakita ng isang bombero ang panganib ng paggamit ng tubig sa pagpatay sa nasusunog na langis.

Isang gabi noong Pebrero 2014, ipinakita ng mga bombero at ng Emergency Response Team ang kanilang kakayahan. Isang kuwarto sa isang residence building sa sangay ang napuno ng usok. “Sa sobrang kapal ng usok, hindi na namin makita ang aming kamay kahit nasa mismong harapan na ng mukha namin,” sinabi ni Daniel na binanggit kanina. “Tumawag kami agad ng mga bombero at pinalikas ang nasa 88 kuwarto. Nang dumating ang mga bombero, nakalabas na kami sa gusali.” Sinabi ni Mr. Neckermann: “Hindi ko lubos maisip kung paano kayo nakalikas ng ganoon kabilis sa isang malaking gusali sa lunsod na gaya ng Frankfurt. Talagang disiplinado kayo at kahanga-hanga ang inyong Emergency Response Team!” Natukoy ng mga bombero ang pinagmulan ng apoy at inalis iyon. Walang nasaktan at wala namang malubhang napinsala.

Umaasa ang lahat ng nasa tanggapang pansangay sa Selters na walang malubhang sunog ang magaganap. Pero kung sakali man, handa ang mga boluntaryo dahil natuto sila kung paano magtatagumpay laban sa sunog.