Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinaunang mga Pantatak—Ano ang mga Ito?

Sinaunang mga Pantatak—Ano ang mga Ito?

 Ang pantatak ay isang maliit na bagay na inukitan na ginagamit para mag-iwan ng marka, kadalasan na sa luwad o wax. Iba’t iba ang hugis nito, may hugis-apa, kuwadrado, silinder, at mga ulo ng hayop. Ang mga marka nito ay puwedeng magpakita ng pagmamay-ari o pagiging tunay ng isang dokumento. Ginagamit rin ito para protektahan ang mga bagay na tinatakan, gaya ng mga bag, mga pinto, at mga libingan.

Silindrong pantatak ng tagapamahala ng Persia na si Dario I at ang tinatakang luwad kung saan makikita siyang nangangaso

 Ang pantatak ay gawa sa iba’t ibang materyales gaya ng buto, batong-apog, metal, mababang klase ng hiyas, o kahoy. Kung minsan, nakalagay sa pantatak ang pangalan ng may-ari o ng tatay nito. Makikita rin sa ilang pantatak ang posisyon ng may-ari.

 Para ipakitang tunay ang isang dokumento, gagamitin ang pantatak sa luwad, wax, o ibang malambot na substansiyang nakadikit sa dokumento. (Job 38:14) Titigas iyon, at mapoprotektahan nito ang dokumento.

Ginagamit ang Pantatak Para Magbigay ng Awtoridad

 Kapag ibinigay ng isa ang pantatak niya sa iba, binibigyan niya ito ng awtoridad. Ganiyan ang ginawa ng Paraon ng sinaunang Ehipto kay Jose, isang Hebreo at anak ng patriyarkang si Jacob. Naging alipin si Jose sa Ehipto. Nang maglaon, siya ay di-makatarungang ibinilanggo. Pero pinalaya siya ng Paraon at ginawang punong ministro. Sinasabi ng Bibliya: “Pagkatapos, hinubad ng Paraon ang kaniyang singsing na panlagda at isinuot iyon kay Jose.” (Genesis 41:42) Dahil may opisyal na tatak ang singsing na panlagda, may awtoridad na si Jose na gampanan ang kaniyang mahalagang atas.

 Ginamit naman ni Reyna Jezebel ng sinaunang Israel ang pantatak ng kaniyang asawa para ipapatay si Nabot. Sa ngalan ni Haring Ahab, sumulat siya sa ilang matatandang lalaki. Sinabihan niya sila na pagbintangan si Nabot na isinumpa nito ang Diyos. Ginamit niya ang pantatak ng hari sa kaniyang mga sulat, at nagtagumpay ang kaniyang masamang plano.—1 Hari 21:5-14.

 Ginamit din ni Haring Ahasuero ng Persia ang kaniyang singsing na panlagda para pagtibayin ang kaniyang mga utos.—Esther 3:10, 12.

 Sinabi naman ng manunulat ng Bibliya na si Nehemias na pinagtibay ng mga pinuno sa Israel, mga Levita, at mga saserdote ang isang nasusulat na kasunduan sa pamamagitan ng pagtatatak dito.—Nehemias 1:1; 9:38.

 May dalawang ulat sa Bibliya na nagpapakitang ginamit din ang pantatak para protektahan ang mga pasukan. Nang ihagis si propeta Daniel sa yungib ng leon, “isang bato ang itinakip sa pasukan ng yungib.” Pagkatapos, “tinatakan iyon” ni Haring Dario, isang tagapamahala ng Media at Persia, “gamit ang kaniyang singsing na panlagda at singsing na panlagda ng mga opisyal niya para hindi mabago ang desisyon may kaugnayan kay Daniel.”—Daniel 6:17.

 Nang ilagay ang katawan ni Jesu-Kristo sa libingan, “isinara itong mabuti” at tinatakan ang batong pansara. (Mateo 27:66) Kung opisyal na pantatak ng Roma ang ginamit, makikita roon ang “tinatakang luwad o wax na inilagay sa pagitan ng . . . bato at ng pasukan ng libingan,” ang sabi sa inilathalang pag-aaral ni David L. Turner sa aklat ng Bibliya na Mateo.

 Dahil maraming itinuturo ang mga sinaunang pantatak tungkol sa kasaysayan, interesadong-interesado rito ang mga arkeologo at istoryador. Sa katunayan, ang pagsusuri sa mga pantatak, na tinatawag na sigillography, ay isa na ngayong mahalagang bahagi ng pag-aaral.