Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat sa Maling Impormasyon

Mag-ingat sa Maling Impormasyon

 Sa ngayon, napakadali nang makakuha ng impormasyon, kasama na ang mga makakatulong sa iyo na manatiling ligtas at malusog. Pero kapag nagse-search ka, dapat kang mag-ingat sa maling impormasyon, gaya ng:

 Halimbawa, nitong COVID-19 pandemic, nagbabala ang secretary-general ng United Nations tungkol sa kumakalat na mga maling impormasyon. “Kaliwa’t kanan ang mga nakakasamang payo sa kalusugan at mga scam na panggagamot,” ang sabi niya. “Ang daming kasinungalingang maririnig sa telebisyon at radyo. Laganap din sa Internet ang mga conspiracy theory. Normal na sa mga tao ngayon na ilabas ang galit nila o ipakita na may pagtatangi sila sa ibang tao o grupo.”

 Siyempre, hindi na bago ang mga maling impormasyon. Pero inihula ng Bibliya na sa panahon natin, “ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ. Sila ay manlíligaw at maililigaw.” (2 Timoteo 3:1, 13) Dahil sa Internet, mas madali at mas mabilis na tayong makatanggap at di-sinasadyang makapag-share ng maling balita. Kaya naman ang ating e-mail, social media account, at news feed ay punô ng impormasyong hindi naman totoo o may halong kasinungalingan.

 Paano mo maiingatan ang sarili mo sa mga maling impormasyon at conspiracy theory? Pag-usapan natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong.

  •   Huwag basta maniwala sa nakikita mo o naririnig

     Ang sabi ng Bibliya: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”—Kawikaan 14:15.

     Madali tayong madadaya kung hindi tayo mag-iingat. Nagkalat sa Internet ang mga larawang may caption at maiikling video, lalo na sa social media. Tinatawag itong mga meme, at kadalasan nang ginagawa ito para magpatawa. Pero napakadaling baguhin ang mga larawan o video o gamitin ito nang walang context—ibig sabihin, kukunin lang ang isang parte sa sinabi ng isang tao pero hindi kasama ang iba pa niyang sinabi kaya nagbabago ang kahulugan nito. May ilan pa nga na kayang gawan ng video ang isang tao na para bang sinasabi niya o ginagawa ang isang bagay, kahit hindi naman talaga.

     “Karamihan sa maling impormasyong nakikita ng mga researcher sa social media ay mga larawan o video na walang context, gaya ng mga meme.”—Axios Media.

     Tanungin ang sarili: ‘Totoo nga kaya ang balitang ito o meme lang?’

  •   Suriin ang pinagmulan ng impormasyon at ang nilalaman nito

     Ang sabi ng Bibliya: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.”—1 Tesalonica 5:21.

     Bago maniwala o ipasa sa iba ang nabasa mo o napanood, siguraduhin mo muna kung totoo ito kahit kalat na kalat na ito o paulit-ulit nang ibinabalita. Paano?

     Suriin ang pinagmulan ng balita. Minsan, posibleng ibahin ng mga news media company at ng iba pang organisasyon ang pagbabalita nila dahil sa pakinabang o depende sa pananaw nila sa politika. Kaya ikumpara ang napanood mo sa iba pang nagbalita nito. Kung minsan, di-sinasadyang nakakapag-e-mail o nakakapag-post ng maling impormasyon ang mga kaibigan natin. Kaya huwag mong basta paniwalaan ang isang bagay hangga’t hindi mo natitiyak ang talagang pinagmulan nito.

     Siguraduhing tama at updated ang nilalaman ng balita. I-check ang petsa at iba pang detalye, pati na ang mga ebidensiya na magpapatunay dito. Lalo nang mag-ingat kapag parang masyadong pinasimple ang komplikadong impormasyon o kapag ang intensiyon ng balita ay para maapektuhan ang emosyon mo.

     “Sa ngayon, ang pagsusuri kung totoo ang impormasyon ay parang kasinghalaga na rin ng paghuhugas ng kamay.”—Sridhar Dharmapuri, isang Senior Food Safety and Nutrition Officer ng U.N.

     Tanungin ang sarili: ‘Totoo ba ang balitang ito o opinyon lang? Ano ba talaga ang buong kuwento?’

  •   Alamin ang totoo, hindi kung ano ang gusto mong paniwalaan

     Ang sabi ng Bibliya: “Ang nagtitiwala sa sarili niyang puso ay mangmang.”—Kawikaan 28:26.

     May tendensiya tayong paniwalaan ang mga impormasyong gusto nating paniwalaan. At kadalasan, kung ano ang mga hilig natin o sine-search, iyon ang ipinapadala ng mga Internet company sa social media at news feed natin. Pero ang totoo, hindi laging ang gusto nating marinig ang dapat nating marinig.

     “May kakayahan ang mga tao na mag-isip at maging lohikal, pero naaapektuhan ito ng mga kagustuhan, inaasahan, kinakatakutan, at interes natin kaya mas malamang na isipin nating totoo ang isang bagay kung ito ang gusto nating paniwalaan.”—Peter Ditto, social psychologist.

     Tanungin ang sarili: ‘Pinapaniwalaan ko ba ang impormasyong ito kasi ito ang gusto kong paniwalaan?’

  •   Huwag magkalát ng maling impormasyon

     Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kang magkakalat ng ulat na di-totoo.”—Exodo 23:1.

     Tandaan na ang impormasyong sasabihin mo sa iba ay makakaapekto sa iniisip nila at ginagawa. Kahit hindi mo sinasadyang magpasa ng maling impormasyon, may masamang epekto pa rin iyon.

     “Ang No. 1 rule ay huminto at tanungin ang sarili, ‘Totoo ba talaga itong ise-share ko?’ Kung gagawin iyan ng lahat, maraming maling impormasyon ang mababawas sa Internet.”—Peter Adams, senior vice president ng News Literacy Project.

     Tanungin ang sarili: ‘Sigurado ba akong totoo ang impormasyong ipapasa ko?’