Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Mga Mata ni Jairo—Gamit Niya sa Paglilingkod sa Diyos

Mga Mata ni Jairo—Gamit Niya sa Paglilingkod sa Diyos

Gaano kaya kahirap ang buhay kung wala kang kontrol sa katawan mo maliban sa iyong mga mata? Ganiyan ang kalagayan ni Kuya Jairo. Pero makabuluhan pa rin ang buhay niya. Bago ko ipaliwanag kung bakit, ikukuwento ko muna ang kaniyang karanasan.

Ipinanganak si Kuya na may spastic quadriplegia, isang uri ng cerebral palsy. * Dahil dito, wala siyang kontrol sa kaniyang katawan. Hindi makapagpadala ang kaniyang utak ng malinaw na signal sa mga kalamnan niya, kung kaya hindi makontrol ang pagpilipit ng kaniyang mga biyas. Kung minsan, bigla na lang siyang nangingisay at nasasaktan niya ang kaniyang sarili. Maaari ding masaktan ang iba kung hindi sila alisto. Nakalulungkot man, madalas na kailangang itali ang kaniyang mga kamay at paa sa wheelchair para maiwasan ang gayong aksidente.

ANG MGA PAGHIHIRAP NIYA

Habang lumalaki si Kuya, tumitindi ang kirot na nararamdaman niya. Una siyang nakaranas ng pangingisay noong tatlong buwan pa lang siya anupat nawalan siya ng malay. Madalas, yayapusin siya nang mahigpit ni Nanay at isusugod sa ospital sa pag-aakalang patay na siya.

Dahil sa patuloy na paninigas ng mga kalamnan at litid ni Kuya, nadisporma ang mga buto niya. Sa edad na 16, nalinsad ang balakang niya at kinailangan siyang operahan hanggang hita. Naaalaala ko pang gabi-gabi siyang napapasigaw sa sakit habang nagpapagaling.

Dahil sa matinding kapansanan ni Kuya, umaasa siya sa iba para sa araw-araw na gawain gaya ng pagkain, pagbibihis, at paghiga. Karaniwan nang sina Nanay at Tatay ang gumagawa nito. Kahit na laging kailangan ni Kuya ng tulong, ipinaaalaala pa rin nila na hindi lang sa tao nakadepende ang buhay niya, kundi sa Diyos din.

“MAKAPAGSASALITA” NA SIYA

Saksi ni Jehova ang mga magulang namin, at binabasahan nila si Kuya ng mga kuwento sa Bibliya mula nang sanggol pa siya. Alam nilang mas makabuluhan ang buhay kung may mabuting kaugnayan ang isa sa Diyos. Napakahina ng katawan ni Kuya at lagi siyang nangingisay, pero may pag-asa siyang magkaroon ng magandang kinabukasan. Kaya lang, iniisip nila kung naiintindihan nga ba ni Kuya ang mga turo sa Bibliya.

Minsan, noong bata pa si Kuya, tinanong siya ni Tatay, “Anak, puwede mo ba akong kausapin?” Sinabi pa niya, “Kung talagang mahal mo ’ko, kakausapin mo ako!” Habang nakikiusap si Tatay, dumaloy ang luha sa mga mata ni Kuya. Bagaman sinubukan niyang magsalita, puro ungol lang ang maririnig sa kaniya. Nalungkot si Tatay dahil napaiyak niya si Kuya Jairo. Pero nakita nila sa reaksiyon ni Kuya na naiintindihan niya ang mga sinabi ni Tatay. Ang problema lang ay hindi siya makapagsalita.

Hindi nagtagal, napansin ng mga magulang namin ang mabilis na pagkurap ng mga mata ni Kuya kapag may gusto siyang sabihin. Nadidismaya si Kuya kapag hindi namin siya maintindihan. Pero nang maintindihan na ng mga magulang namin ang ibig sabihin ng mga pagkurap ni Kuya at naibibigay ang mga gusto niya, abot-tainga ang ngiti niya. Iyon ang paraan niya para magpasalamat.

Iminungkahi ng isang speech therapist na para mas madali, itataas namin ang aming dalawang kamay kapag ang sagot sa tanong namin ay oo o hindi. Tititig siya sa kanang kamay kung oo, at sa kaliwa naman kung hindi. Sa gayon, nasasabi ni Kuya ang gusto niya.

MAHALAGANG PANGYAYARI SA BUHAY NI JAIRO

Tatlong beses sa isang taon, nagdaraos ng mga asamblea at kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova. Marami ang dumadalo roon at may mga salig-Bibliyang pahayag. Tuwang-tuwa si Kuya kapag pahayag na para sa bautismo. Noong 16 anyos si Kuya, tinanong siya ni Tatay, “Jairo, gusto mo bang magpabautismo?” Agad siyang tumitig sa kanang kamay ni Tatay para ipakita na gusto niya. Idinagdag pa ni Tatay, “Nangako ka na ba sa Diyos na paglilingkuran mo siya habang buhay?” Muli siyang tumitig sa kanang kamay ni Tatay. Malinaw na inialay na ni Kuya ang kaniyang buhay kay Jehova.

Matapos ang ilang pag-uusap tungkol sa Bibliya, malinaw rin na nauunawaan ni Kuya ang kahulugan ng bautismong Kristiyano. Kaya noong 2004, sinagot ni Kuya ang pinakamahalagang tanong sa kaniya, “Inialay mo na ba ang iyong sarili sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban?” Bilang sagot, tumingin siya sa itaas. Iyon ang isinaayos na paraan ng pagsagot niya ng oo. Kaya sa edad na 17, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova.

MGA MATANG NAKATUON SA ESPIRITUWAL NA MGA BAGAY

Noong 2011, nagkaroon si Kuya ng bagong paraan ng pakikipag-usap—isang computer na nakokontrol ng mata. Sinusundan ng computer na ito ang galaw ng kaniyang iris para ma-activate ang mga icon sa screen. Ang pagkurap o pagtitig sa icon ay tulad ng pag-click sa mouse ng computer. May mga inihandang larawan para matulungan si Kuya na makipag-usap. Kapag kumurap siya sa isa rito, sa tulong ng software sasabihin ng electronic voice ang mensahe ng larawan.

Habang lumalalim ang kaunawaan ni Kuya sa Bibliya, sumisidhi rin ang pagnanais niyang tulungan ang iba sa espirituwal. Sa panahon ng aming lingguhang pag-aaral ng Bibliya bilang pamilya, madalas na pabalik-balik ang tingin niya sa akin at sa kaniyang computer. Ibig sabihin, gusto niyang isulat ko ang ikokomento niya sa tanong-sagot na talakayan sa Kristiyanong pagpupulong.

Sa pulong, matiyaga niyang pinipili sa screen ang tamang icon na iki-click, sa gayon, maririnig ng lahat ang kaniyang electronic voice. Ang laki ng ngiti niya sa tuwing nakapagkokomento siya at napatitibay ang mga kakongregasyon niya. Sinabi ni Alex, isa sa mga kabataang kaibigan ni Kuya, “Lagi akong napatitibay kapag naririnig ko ang mga komento ni Jairo tungkol sa Bibliya.”

Sa tulong ng isang computer na nakokontrol ng mata at ng electronic voice nito, nakapagkokomento si Jairo sa mga pulong at naibabahagi niya ang kaniyang paniniwala

Ginagamit din ni Kuya ang mga mata niya para sabihin sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Ang isang paraan niya ay ang pag-click sa larawan ng isang hardin kung saan mapayapang namumuhay ang mga hayop at mga taong iba-iba ang lahi. Kapag pinili niya ito, sasabihin ng kaniyang electronic voice, “Ayon sa Bibliya, ang lupa ay magiging isang paraiso kung saan wala nang sakit at kamatayan, Apocalipsis 21:4.” Kapag nagpakita ng interes ang kaniyang kausap, iki-click naman niya ang isa pang icon at maririnig muli ang kaniyang electronic voice na nagsasabi, “Gusto mo bang turuan kita tungkol sa Bibliya?” Nagulat kami nang pumayag ang aming lolo. Nakatutuwang makita si Kuya, na tinutulungan ng isa pang Saksi, habang mabagal niyang tinuturuan si Lolo tungkol sa Bibliya. Masayang-masaya kami nang mabautismuhan si Lolo sa panrehiyong kombensiyon sa Madrid noong Agosto 2014.

Napansin din ng mga guro ni Kuya ang kaniyang debosyon sa Diyos. Sinabi ni Rosario, isa sa mga speech therapist ni Kuya: “Kung sakaling papasok ako sa isang relihiyon, sa Saksi ni Jehova na iyon. Nakita ko kung paano nakatulong ang pananampalataya ni Kuya Jairo para magkaroon ng layunin ang buhay niya sa kabila ng kaniyang mahirap na sitwasyon.”

Nagniningning ang mga mata ni Kuya tuwing binabasa ko ang pangako ng Bibliya: “Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:6) Kahit nadidismaya siya kung minsan, masayahin pa rin si Kuya. Naging posible lang ito dahil ang buhay niya ay nakasentro sa Diyos at sa kaniyang mga kaibigang Kristiyano. Ang positibo niyang pangmalas at matibay na pananampalataya ay patunay na kapag naglilingkod kay Jehova, masarap pa ring mabuhay kahit napakaraming problema. ▪

^ par. 5 Ang cerebral palsy (CP) ay tumutukoy sa anumang pinsala sa utak na nakaaapekto sa pagkilos. Maaari din itong mauwi sa pangingisay, problema sa pagkain at pagsasalita. Pinakamalubhang uri ng CP ang spastic quadriplegia; maaari itong humantong sa paninigas ng apat na biyas at paglaylay ng leeg.