Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talagang Kinasihang Salita ng Diyos ang Bibliya

Talagang Kinasihang Salita ng Diyos ang Bibliya

Talagang Kinasihang Salita ng Diyos ang Bibliya

ANO nga ba ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang sabihin niyang “kinasihan ng Diyos” ang Bibliya? (2 Timoteo 3:16) Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Samakatuwid, sinasabi ni Pablo na ginamit ng Diyos ang banal na espiritu upang patnubayan ang mga manunulat ng Bibliya na isulat lamang ang gusto Niyang ipasulat sa kanila.

Ang mga manunulat na ito ng Bibliya ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu,” ang sabi ni apostol Pedro. (2 Pedro 1:21) Tinukoy rin naman ni apostol Pablo ang mga aklat ng Bibliya bilang “banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.”​—2 Timoteo 3:15.

Kinukuwestiyon ng maraming tao kung ang Diyos nga ba ang awtor ng Bibliya. Sobra ang ginagawang paninira ng mga kritiko sa Bibliya. Inilarawan ito ng arkeologong si Sir Charles Marston bilang “walang-galang na pagbabale-wala sa ulat ng Bibliya.” Itinuturing naman ng ilan ang Bibliya na para lamang “isang lumang koleksiyon ng mga alamat at kuwentong di-totoo.”

Ang mga Ebidensiya

Mapagkakatiwalaan ba ang Bibliya? Mahalaga na tama ang sagot mo sa tanong na ito. Bakit? Dahil kung mensahe mula sa Diyos ang laman ng Bibliya, isa ngang kamangmangan​—kung hindi man maging sanhi ng kamatayan​—na ipagwalang-bahala ito. Kung ituturing mo ito na salita lamang ng tao at hindi Salita ng Diyos, mawawalan ito ng impluwensiya sa iyong pagkilos at paniniwala.​—1 Tesalonica 2:13.

Ikaw, magtitiwala ka ba sa Bibliya? Buweno, paano mo malalaman kung dapat kang magtiwala sa isang tao? Isang bagay ang tiyak, napakahirap ibigay ang buong pagtitiwala sa isang taong hindi mo naman gaanong kilala. Makikilala mo lamang nang higit ang isang tao kung matagal mo na siyang kasama. Doon mo lamang malalaman kung talagang tapat siya at mapagkakatiwalaan. Totoo rin iyan kung tungkol sa Bibliya. Huwag mong basta tatanggapin ang espekulasyon o mga teoriyang may pinapanigan sa layuning siraan ang Bibliya. Maglaan ng panahon upang isaalang-alang ang ebidensiya na talaga ngang “kinasihan ng Diyos” ang Bibliya.

Paninira ng Nagkukunwaring mga Kaibigan

Bagaman kinukuwestiyon maging ng ilang nag-aangking kaibigan ng Bibliya ang pagiging totoo at mapagkakatiwalaan nito, hindi ka dapat magpaapekto rito. Ngayon, bagaman nag-aangking Kristiyano ang karamihan sa mga komentarista ng Bibliya, “itinuturing lamang [nila] ang Kasulatan bilang kasaysayan ng tao,” sabi ng New Dictionary of Theology.

Kinukuwestiyon ng maraming teologo kung sino nga ba ang awtor ng mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, sinasabi ng ilan na hindi si propeta Isaias ang sumulat ng aklat ng Isaias. Sabi nila, ang aklat na ito ng Bibliya ay isinulat makalipas ang mahabang panahon pagkamatay ni Isaias. Sinabi pa ng Concise Bible Commentary ni Lowther Clarke na ito ay “produkto ng maraming isip sa loob ng maraming henerasyon.” Ngunit ito ay pagbabale-wala sa paulit-ulit na pagkilala ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad kay Isaias bilang ang sumulat ng aklat.​—Mateo 3:3; 15:7; Lucas 4:17; Juan 12:38-41; Roma 9:27, 29.

Mas matindi pa ang sinabi ng ilang kritiko ng Bibliya, kabilang na ang komentaristang si J. R. Dummelow. Sinabi nila na ang mga hula sa aklat ni Daniel ay “talagang nakalipas nang kasaysayan na pinalalabas lamang ng sumulat nito bilang sinaunang hula.” Muli, ito ay pagbabale-wala sa patotoo mismo ni Jesu-Kristo. Nagbabala si Jesus tungkol sa tinatawag niyang “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta.” (Mateo 24:15) Makatuwiran bang isipin ng isang Kristiyano na susuportahan ni Jesu-Kristo ang isang panlilinlang sa mga tao​—ang palabasing hula ang isang pangyayaring naganap na? Tiyak na hindi.

Mahalaga Bang Malaman Kung Sino ang Sumulat ng Bibliya?

“Talaga bang mahalagang malaman kung sino ang sumulat ng mga aklat ng Bibliya?” baka maitanong mo. Oo, mahalaga ito. Paniniwalaan mo ba ang isang dokumento na sinasabing huling habilin ng iyong kaibigan kung hindi naman siya ang sumulat nito? Ipagpalagay nang sabihin sa iyo ng mga eksperto sa dokumento na ito ay peke​—na isinulat lamang ng nagmamalasakit na mga tao ang inaakala nilang kagustuhan ng iyong kaibigan. Hindi ba nawawalan ng halaga ang dokumento? Maniniwala ka ba na ito talaga ang kagustuhan ng iyong kaibigan?

Totoo rin iyan kung tungkol sa Bibliya. Hindi kataka-taka na napakaraming tao​—kahit ang mga nag-aangking Kristiyano​—ang nagwawalang-bahala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa katapatan, moralidad sa sekso, at iba pa. Gaano kadalas mong marinig ang mga tao na nagsasabi, “Pero Lumang Tipan na iyan!”​—na para bang wala itong halaga. Ito ay sa kabila ng paglalarawan ni apostol Pablo sa tinatawag nilang Lumang Tipan bilang “ang banal na mga kasulatan” na “kinasihan ng Diyos.”

“Hindi mo naman basta-basta mababale-wala ang sinasabi ng lahat ng eksperto at iskolar,” maaaring sabihin mo. Siyempre pa! Halimbawa, malaki ang utang na loob natin sa tapat na mga iskolar na tumulong na matukoy ang orihinal na akda ng Bibliya. Totoo, may maliliit na pagkakamali sa mga teksto ng Bibliya habang paulit-ulit itong kinokopya sa nakalipas na daan-daang taon. Gayunman, tandaan: May malaking pagkakaiba ang isiping nagkaroon ng maliliit na pagkakamali sa mga teksto ng Bibliya dahil sa pagkopya at ang ituring ang buong Bibliya bilang gawa lamang ng tao.

Patuloy na Magtiwala sa “Banal na mga Kasulatan”

Bago sabihin na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, sinabi ni Pablo kay Timoteo kung bakit mahalaga ang gayong kinasihang ulat. “Sa mga huling araw,” ang sabi niya, “ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:1, 13) Pero kahit noong panahon ni Pablo, may ‘mga taong waring marurunong at matatalino’ na gumamit ng “mapanghikayat na mga argumento” para dayain ang mga tao at pahinain ang kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo. (1 Corinto 1:18, 19; Colosas 2:4, 8) Para maingatan sila mula rito, hinimok ni apostol Pablo si Timoteo na ‘magpatuloy sa mga bagay na natutuhan niya mula sa pagkasanggol sa pamamagitan ng banal na mga kasulatan’ na inilaan ng Diyos.​—2 Timoteo 3:14, 15.

Mahalaga rin na gawin mo iyan sa “mga huling araw” na ito. Huwag mong maliitin ang panganib na madaya ng kadalasan nang “mapanghikayat na mga argumento” ng mga taong sobrang talino. Sa halip, gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, ingatan ang iyong sarili sa pamamagitan ng lubusang pagtitiwala sa natutuhan mo sa Bibliya​—ang talagang kinasihang Salita ng Diyos.

Masisiyahan ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang patibayin ang iyong pagtitiwala sa Bibliya. Halimbawa, maaari nilang ipakita sa iyo na talagang maaasahan sa lahat ng panahon ang mga simulain sa Bibliya; na magkatugma ang Bibliya at ang siyensiya; na ang nilalaman nito ay lubusang magkakasuwato mula simula hanggang katapusan; na ang mga hula nito ay walang-mintis na natupad​—at marami pang iba. Kung gusto mo, maaari kang sumulat sa tagapaglathala ng magasing ito para sa impormasyon na nakatulong sa milyun-milyong tapat-pusong tao na maniwalang ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos.

[Blurb sa pahina 5]

Paano mo malalaman kung dapat kang magtiwala sa isang tao?

[Blurb sa pahina 6]

Malaki ang utang na loob natin sa tapat na mga iskolar na tumulong na matukoy ang orihinal na akda ng Bibliya