Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

Ang Hamon: Di-mababagong mga Kalagayan

Ang Hamon: Di-mababagong mga Kalagayan

MAY pinagdaraanan ka ba ngayon gaya ng malubhang sakit? hiwalayan? pagkamatay ng mahal sa buhay? Kapag napaharap ka sa kalagayang hindi na magbabago, baka isipin mong wala ka nang magagawa kundi mangarap na lang. Paano mo muling makokontrol ang buhay mo?

HALIMBAWA SA BIBLIYA: PABLO

Bilang isang masigasig na misyonero noong unang siglo, maraming ginawang paglalakbay si apostol Pablo. Pero nahinto ang mga ito nang siya ay di-makatarungang arestuhin at ikulong sa isang bahay habang binabantayan ng kawal sa loob ng dalawang taon. Sa halip na mawalan ng pag-asa, nagpokus si Pablo sa mga bagay na puwede niyang gawin. Ginamit niya ang Bibliya para tulungan at alalayan ang mga dumadalaw sa kaniya. Nakapagsulat pa nga siya ng ilang liham na bahagi na ngayon ng Bibliya.—Gawa 28:30, 31.

KUNG ANO ANG GINAGAWA NI ANJA

Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, nasa bahay na lang si Anja. “Nang ma-diagnose na may kanser ako, nagbago ang buhay ko,” ang sabi niya. “Dahil hindi ako puwedeng mahawa ng sakit, hindi muna ako nagtatrabaho at umiiwas akong makihalubilo.” Paano ito nakakayanan ni Anja? “Nakatulong sa akin ang paggawa ng bagong rutin,” ang sabi niya. “Inuuna kong gawin ang mga bagay na pinakaimportante at sa paggawa ng iskedyul, isinasaisip ko ang aking mga limitasyon. Kaya kahit paano, nadama kong kontrolado ko ang buhay ko.”

“Natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili.”—Ang sabi ni Pablo sa Filipos 4:11

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kung parang kinokontrol ng di-mababagong mga kalagayan ang buhay mo, subukan ito:

  • Magpokus sa mga bagay na puwede mong kontrolin. Halimbawa, maaaring hindi mo talaga kontrolado ang kalusugan mo, pero puwede kang mag-ehersisyo, kumain ng masustansiyang pagkain, at magkaroon ng sapat na pahinga.

  • Pagpasiyahan kung ano ang tunguhin mo sa buhay. Isipin kung ano ang puwede mong gawin, kahit maliliit na bagay, para maabot iyon. Maglaan ng kahit kaunting panahon araw-araw para maabot ang tunguhin mo.

  • Gumawa ng kahit maliliit na bagay para madama mong kontrolado mo ang iyong buhay. Maglinis ng mesa sa kusina, at maghugas ng mga pinggan. Manamit nang maayos. Unahin ang pinakamahahalagang gawain sa umaga.

  • Hanapin ang posibleng mga pakinabang sa kalagayan mo. Halimbawa, dahil kaya sa sitwasyon mo ay mas nauunawaan mo kung paano haharapin ang mga problema? Magagamit mo kaya ang kaalamang ito para tulungan ang iba?

Tandaan: Maaaring hindi mo kontrolado ang iyong kalagayan, pero puwede mong kontrolin ang reaksiyon mo.