Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Nakatikwas na Dulo ng Pakpak ng Lumilipad na mga Ibon

Ang Nakatikwas na Dulo ng Pakpak ng Lumilipad na mga Ibon

ANG isang lumilipad na eroplano ay lumilikha ng mabilis at paikot na hangin sa dulo ng mga pakpak nito. Hinahatak ng alimpuyong iyon ang eroplano kung kaya mas lumalaki ang konsumo ng gasolina. Hinahampas din nito ang kasunod na mga eroplano. Kaya dapat na may pagitan ang paglipad ng mga eroplano mula sa iisang runway para mabigyan ng sapat na panahong mawala ang alimpuyo.

Natuklasan ng mga inhinyero ng eroplano ang isang paraan para mabawasan ang mga problemang iyan. Ano ang solusyong iyon? Mga winglet, na kinopya sa disenyo ng nakatikwas na mga balahibo sa dulo ng pakpak ng lumilipad na mga ibong gaya ng buzzard, agila, at siguana.

Pag-isipan ito: Habang nasa ere, ang mga balahibo sa dulo ng pakpak ng mga ibong iyon ay tumitikwas nang husto. Dahil dito, nakalilipad ang mga iyon nang napakataas. Nakatutulong din ito sa performance ng eroplano. Nagdisenyo ang mga inhinyero ng mga pakpak ng eroplano na gaya ng sa mga ibon. Gamit ang makabagong wind-tunnel testing, nadiskubre nilang kapag ang mga pakpak ay may eksaktong kurba sa dulo at nakaayon sa direksiyon ng hangin, gumaganda nang hanggang 10 porsiyento o higit pa ang performance ng eroplano. Ang dahilan? Binabawasan ng mga winglet ang hatak ng hangin sa pamamagitan ng pagpapaliit sa mga alimpuyo. Lumilikha rin ang mga winglet ng puwersang “bumabasag sa karaniwang hanging pumipigil sa eroplano,” ang sabi ng Encyclopedia of Flight.

Dahil sa mga winglet, ang mga eroplano ay nakalilipad nang mas malayo, nakapagdadala ng mas mabigat na kargada, may mas maiikling pakpak na nagpapadali sa pagpaparada, at nakatitipid sa gasolina. Halimbawa, noong 2010, “nakatipid nang 7,600 milyong litro ng gasolina [ang mga airline] sa buong mundo,” at malaki ang naibawas nito sa ibinubugang usok ng mga eroplano, ayon sa NASA.

Ano sa palagay mo? Ang nakatikwas bang dulo ng pakpak ng lumilipad na mga ibon ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?