Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 INTERBYU | GUILLERMO PEREZ

Ang Paniniwala ng Isang Consultant Surgeon

Ang Paniniwala ng Isang Consultant Surgeon

Si Dr. Guillermo Perez ay nagretiro kamakailan bilang head ng surgery department ng isang ospital sa South Africa na may 700 kama. Sa loob ng maraming taon, naniniwala siya sa ebolusyon. Pero sa kalaunan, nakumbinsi siya na ang katawan ng tao ay dinisenyo ng Diyos. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Puwede mo bang sabihin sa amin kung bakit ka naniniwala noon sa ebolusyon?

Kahit pinalaki akong Katoliko, may mga alinlangan pa rin ako tungkol sa Diyos. Halimbawa, hindi ko maatim na maniwala sa isang Diyos na nanununog ng mga tao sa impiyerno. Kaya nang ituro ng mga propesor ko sa unibersidad na ang mga bagay na may buhay ay nag-evolve at hindi nilalang ng Diyos, pinaniwalaan ko iyon, sa pag-aakalang sinusuportahan iyon ng ebidensiya. Siyanga pala, hindi tutol sa ebolusyon ang relihiyon ko pero naniniwala ito na pinatnubayan iyon ng Diyos.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Ang asawa kong si Susana ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa tulong ng Bibliya, ipinakita nila sa kaniya na hindi pinahihirapan ng Diyos ang mga tao sa maapoy na impiyerno. * Ipinakita rin nila sa kaniya ang pangako ng Diyos na gawing paraiso ang ating planeta. * Sa wakas, natagpuan din namin ang mga turo na talagang makatuwiran! Noong 1989, sinimulan akong dalawin ni Nick, isang Saksi. Habang pinag-uusapan namin ang tungkol sa katawan ng tao at ang pinagmulan nito, humanga ako sa simpleng pangangatuwiran ng mga salita sa Hebreo 3:4 na nagsasabing “bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”

Nakatulong ba ang pag-aaral mo tungkol sa katawan ng tao para maniwala ka sa paglalang?

Oo. Halimbawa, napakaingat ng pagkakadisenyo sa kakayahan ng katawan natin na i-repair ang sarili nito. Ang paghihilom ng ating sugat ay dumaraan sa apat na nagpapang-abot na yugto. Ipinaaalaala nito sa akin na bilang surgeon, nakikipagtulungan lang ako sa likas na kakayahan ng katawan na i-repair ang sarili nito.

Ano ba ang nangyayari kapag nasusugatan tayo?

Sa loob lang ng ilang segundo, nagsisimula na ang unang yugto ng magkakasunod na proseso para mapahinto ang pagdurugo. Napakasalimuot at napakasistematiko  ng mga prosesong ito. Bukod diyan, ang ating circulatory system na may mga 100,000-kilometrong blood vessel ay tiyak na kinaiinggitan ng mga plumbing engineer dahil sa kakayahan nitong mapigil ang mga tagas at i-repair ang sarili nito.

Ano naman ang nangyayari sa pangalawang yugto ng pagre-repair?

Sa loob ng ilang oras, humihinto ang pagdurugo at nagsisimula ang pamamaga. Kahanga-hanga ang mga nangyayari sa panahong ito. Una, ang mga blood vessel na dati’y kumikipot para mabawasan ang pagdurugo ay lumuluwag para madagdagan ang pagdaloy ng dugo sa sugat. Pagkatapos, unti-unting namamaga ang sugat dahil sa fluid na mayaman sa protina. Mahalaga ang fluid na ito dahil nilalabanan nito ang impeksiyon, pinalalabnaw ang lason, at inaalis ang mga napinsalang tissue. Sa bawat hakbang na ito, kailangan ang produksiyon ng milyon-milyong molekula at selula sa magkakasunod na pangyayari. Siyanga pala, ang ilan sa mga pangyayaring ito ay nagsisilbing stimulant para sa susunod na yugto, at pagkatapos, titigil na ang mga ito.

Paano nagpapatuloy ang paghihilom ng sugat?

Sa loob ng ilang araw, ang ating katawan ay nagsisimulang gumawa ng materyales sa pagre-repair, isang proseso na pasimula ng ikatlong yugto at umaabot sa sukdulan nito pagkaraan ng mga dalawang linggo. Ang mga selula na nagiging fiber sa ibabaw ng sugat ay naiipon doon at patuloy na dumarami. Nagsusulputan din ang maliliit na blood vessel patungo sa sugat. Ang mga ito ang nag-aalis ng dumi at nagsusuplay ng ekstrang sustansiya sa panahon ng demolisyon at pagre-repair. Sa iba pang magkakasunod na pangyayari, nabubuo naman ang mga espesyal na selula na nagiging dahilan para magsara ang sugat.

Matrabaho pala ’yon! Gaano pa katagal bago matapos ang pagre-repair?

Ang huling yugto—ang remodeling—ay puwedeng tumagal nang ilang buwan. Ang mga balíng buto ay tumitibay ulit gaya ng dati, at ang mga fiber na naipon sa ibabaw ng sugat ay napapalitan ng mas matitibay na materyales. Ang lahat ng prosesong ito sa paghihilom ng sugat ay isang napakahusay na halimbawa ng pagtutulungan.

May naaalaala ka bang kaso na talagang nagpahanga sa iyo?

Mayroon. May ginamot akong isang 16-anyos na naaksidente sa kotse. Kritikal ang kondisyon ng dalagitang iyon dahil sa nasugatang spleen at internal bleeding. Noon, inoopera namin ang ganitong kaso para i-repair o tanggalin ang spleen. Pero ngayon, mas umaasa ang mga doktor sa kakayahan ng katawan na i-repair ang sarili nito. Kaya ginamot ko lang ang kaniyang impeksiyon, pagkaubos ng fluid, anemya, at kirot. Pagkalipas ng ilang linggo, nakita sa scan na naghilom na ang kaniyang spleen! Kapag nakikita ko kung paano nire-repair ng katawan ang sarili nito, napapahanga ako. At mas lalo akong nakukumbinsing dinisenyo tayo ng Diyos.

Kapag nakikita ko kung paano nire-repair ng katawan ang sarili nito, napapahanga ako

Bakit mo naman nagustuhan ang mga Saksi ni Jehova?

Palakaibigan kasi sila, at lagi nilang ginagamit ang Bibliya sa pagsagot sa mga tanong ko. Hanga rin ako sa lakas ng loob nilang ibahagi ang kanilang paniniwala at tulungan ang iba na matuto tungkol sa Diyos.

Nakatulong ba sa trabaho mo ang pagiging Saksi ni Jehova?

Oo naman. Una sa lahat, tinulungan ako nito na makayanan ang compassion fatigue, isang uri ng pagkasagad sa emosyon na karaniwang nararamdaman ng mga doktor at nars dahil sa madalas na pakikitungo sa mga taong may sakit o sugatán. At kapag gustong makipag-usap ng mga pasyente, naipapaliwanag ko sa kanila ang pangako ng ating Maylalang na wawakasan niya ang sakit at pagdurusa * at paiiralin ang isang mundo kung saan wala nang magsasabi, “Ako ay may sakit.” *