Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Sekreto ng Sapot ng House Spider

Ang Sekreto ng Sapot ng House Spider

ANG American house spider (Parasteatoda tepidariorum) ay nakagagawa ng sapot na makapit sa dingding pero di-gaanong makapit sa lapag. Kaya kapag ang sapot ay nagapangan ng insekto, bigla itong iigkas tangay ang insekto. Paano kaya nakagagawa ang gagambang ito ng pandikit na puwedeng maging makapit at di-gaanong makapit?

Scaffolding silk

Pag-isipan ito: Ikinakabit ng gagamba ang sapot nito sa dingding, kisame, o sa katulad na mga lugar sa pamamagitan ng paghabi ng napakadidikit na patseng sutla, na tinatawag na scaffolding disc. Napakatibay ng mga ito kaya nakakayanan nito ang puwersa ng lumilipad na insektong sumasalpok dito. Sa kabilang banda, natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Akron, sa Ohio, E.U.A., na ibang-iba ang pagkakayari ng mga patseng sutla na nakadikit sa lapag, na tinatawag namang gumfoot disc. Mas kakaunti ang nakadikit na mga bahagi ng gumfoot disc kaysa sa scaffolding disc, kaya kapag nalakaran ito ng insekto, bigla itong aangat tangay ang insektong iyon.

Gumfoot silk

Ayon sa isang balitang inilabas ng University of Akron, ang mga mananaliksik na nakatuklas ng kahanga-hangang bagay na ito sa kalikasan “ay nagsisikap na ngayong gumawa ng sintetikong pandikit na katulad ng matalinong disenyo ng estratehiyang ginagamit ng house spider.” Umaasa ang mga siyentipiko na makagagawa sila ng pandikit na magagamit sa mga benda at sa paggamot sa mga nabaling buto.

Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng house spider na gumawa ng pandikit na puwedeng maging makapit at di-gaanong makapit ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?