Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Kamangha-manghang Pandinig ng Katydid

Ang Kamangha-manghang Pandinig ng Katydid

WALA pang isang milimetro ang haba ng tainga ng South American bush katydid (Copiphora gorgonensis), pero gumagana itong gaya ng tainga ng tao. Ang insektong ito ay nakakakilala ng napakaraming iba’t ibang frequency na nasa malayo. Halimbawa, alam nito ang pagkakaiba ng tunog ng ibang katydid at ng ultrasound ng paniking naninila.

TAINGA NG KATYDID

Pag-isipan ito: Ang mga tainga ng katydid ay nasa dalawang unahang binti nito. Tulad ng tainga ng tao, ang tainga ng katydid ay nangongolekta ng tunog, kino-convert iyon, at sinusuri ang frequency. Pero natuklasan ng mga siyentipiko ang isang kakaibang sangkap sa loob ng tainga ng insektong ito—isang pressurized na butas na punô ng likido at parang pahabang lobo. Ang sangkap na ito, na tinawag nilang acoustic vesicle, ay gumaganang tulad ng cochlea ng mga mamalya pero di-hamak na mas maliit dito. Ang acoustic vesicle ang siyang dahilan ng kamangha-manghang pandinig ng katydid.

Sinasabi ni Propesor Daniel Robert, ng School of Biological Sciences ng University of Bristol sa United Kingdom, na ang tuklas na ito ay tutulong sa mga inhinyero na “magdisenyo ng mga hearing device na kinopya sa kalikasan, na mas maliit at mas malinaw kaysa sa dati.” Naniniwala ang mga mananaliksik na makatutulong din ito sa teknolohiya ng ultrasonic engineering, pati na sa mga imaging system para sa mga ospital.

Ano sa palagay mo? Ang kamangha-manghang pandinig ba ng katydid ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?