Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Haltere ng Langaw

Ang Haltere ng Langaw

Bakit napakahusay magpasirku-sirko sa ere ng langaw? Kapag tinamaan ito ng malakas na hangin, bakit mabilis itong nakakabalik sa tamang posisyon? Nakakatulong sa langaw ang dalawang pagkaliliit na bahaging nakausli sa ilalim ng bawat pakpak nito, na tinatawag na mga haltere. *

Pag-isipan ito: Ang haltere ay kahawig ng isang pagkaliit-liit na aspileng bilog ang dulo. Kapag lumilipad ang langaw, ang mga haltere ay kumakampay na simbilis ng mga pakpak pero sa pasalungat na direksiyon. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga haltere ay nagsisilbing gyroscope, na tumutulong para manatiling matatag ang langaw habang lumilipad ito. *

Kung walang mga haltere ang langaw na ito (kaliwa) at ang crane fly, hindi magiging matatag ang lipad nila

Ang mga haltere, na bilog ang dulo, ay “kumakampay sa iisang direksiyon, gaya ng pendulo ng orasan,” ang sabi ng Encyclopedia of Adaptations in the Natural World. Kapag ang langaw ay biglang napaliko sa paglipad, sinadya man o dahil sa bugso ng hangin, “ang pinakakatawan ng haltere ay napipilipit,” ang sabi ng ensayklopidiya. “Ang pagpilipit na ito ay nadedetek ng kumpol ng mga nerbiyo na konektado sa haltere, at ang impormasyon ay inihahatid sa utak ng langaw, sa gayo’y nagagawa nito ang kailangan niyang gawin para manatili . . . sa tamang direksiyon.” Ito ang dahilan kung bakit napakabilis lumipad ng mga langaw at mahirap silang hulihin.

Maraming ideya ang mga inhinyero kung paano magagamit ang teknolohiyang salig sa nagagawa ng haltere, halimbawa’y sa mga robot, sa mekanikal na mga insektong pagkaliliit at nakakalipad, at sa mga sasakyang pangkalawakan. “Sino ang mag-aakalang marami pala tayong matututuhan sa isang maliit at di-kaakit-akit na nilalang na gaya ng langaw?” ang isinulat ng aerospace researcher na si Rafal Zbikowski.

Ano sa palagay mo? Ang haltere ba ng langaw na nagsisilbing gyroscope ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?

^ par. 3 May mga haltere ang mga insektong may dalawang pakpak, gaya ng langaw, lamok, at niknik.

^ par. 4 Ang karaniwang gyroscope ay binubuo ng isang kahang may disk na mabilis na umiikot sa axis nito. Nananatili ang disk sa axis nito sa kabila ng paggalaw ng kaha o paghatak ng mga magnetic field o ng grabidad. Kaya naman ang mga gyroscope ay mahusay na gamiting kompas.