Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dengue—Isang Kumakalat na Sakit

Dengue—Isang Kumakalat na Sakit

Dengue​—Isang Kumakalat na Sakit

“Ang Health Services ng Morelos . . . , sa pakikipagtulungan ng Board of Health ng Emiliano Zapata Town Council, ay naggagawad ng precertificate na ito sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova . . . dahil sa [kanilang] pagtutulungan para magkaroon ng malilinis na dako na hindi mapamumugaran ng mga lamok na nagkakalat ng dengue.”

DAPAT lang na ikabahala ng mga awtoridad sa Mexico ang mga lamok na nagkakalat ng sakit. Ang nakakainis na mga insektong ito ay puwedeng magkalat ng mapanganib na virus na sanhi ng dengue, isang sakit na posibleng ikamatay ng pasyente. Noong 2010, mahigit 57,000 katao sa Mexico ang nagka-dengue. Isa lang ang Mexico sa mahigit 100 bansa sa ngayon kung saan laganap ang dengue. Sa katunayan, tinataya ng World Health Organization (WHO) na mga 50 milyon ang nagkaka-dengue taun-taon at mga 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig ang nanganganib na dapuan ng sakit na ito. Kaya naman ang mga ahensiyang pangkalusugan ay nagsaayos ng mga programa para lipulin ang Aedes aegypti, isang uri ng lamok na may mga puting batik at isa sa mga nagkakalat ng virus ng dengue. *

Ang dengue ay karaniwan sa mga lugar na may tropikal at subtropikal na klima, lalo na sa panahon ng tag-ulan at pagkatapos ng isang likas na sakuna gaya ng bagyo o baha. Nangingitlog kasi ang babaing lamok na Aedes sa tubig na hindi umaagos. * Dahil sa mga kongkretong tangke nag-iipon ng tubig ang mga tao sa Latin Amerika at Caribbean, pinaaalalahanan sila ng mga eksperto sa kalusugan na panatilihing may takip ang mga ito. Sa gayon ay hindi makapangingitlog sa mga tangke ang mga lamok. Maiiwasan din ang pagdami ng mga lamok na ito kung laging malinis ang kanilang bakuran at walang mga lumang gulong, lata, pasô, container na plastik​—saanman maaaring maipon ang tubig.

Mga Sintomas ng Dengue at Kung Paano Ito Magagamot

Kadalasan nang mali ang diyagnosis sa dengue dahil ang mga sintomas nito ay parang sa trangkaso. Pero ayon sa WHO, dapat mong pagsuspetsahang may dengue ang pasyente kapag ang lagnat ay may kasamang butlig-butlig sa balat, kirot sa likuran ng mga mata, at pananakit ng kalamnan pati na ng matinding pangingirot ng mga kasukasuan, na siyang dahilan kung bakit tinatawag itong breakbone fever. Ang lagnat ay tumatagal nang lima hanggang pitong araw.

Hindi pa malunasan ng mga doktor ang dengue, pero sa maraming kaso, maaari itong mapagaling sa bahay kung magpapahinga ang pasyente at iinom ng maraming tubig o juice. Pero kailangang imonitor na mabuti ang pasyente sakaling magkaroon siya ng dengue hemorrhagic fever o dengue shock syndrome. Ang mga komplikasyong ito, na posibleng makamatay, ay maaaring lumitaw kapag bumaba na ang lagnat ng pasyente at parang papagaling na siya. Ano ang ilang sintomas ng mas malulubhang kondisyong ito? Matinding sakit ng tiyan, madalas na pagsusuka, pagdurugo ng ilong at gilagid, maitim na dumi, at kulay-ubeng mga paltos sa balat. Bukod diyan, maaaring kasama sa mga sintomas ng dengue shock syndrome ang pagiging balisa, matinding pagkauhaw, pamumutla at panlalamig ng balat, at napakababang presyon ng dugo.

Nakalulungkot, hindi nagagamot ng mga antibiyotiko ang dengue dahil ang sanhi ng impeksiyong ito ay virus at hindi baktirya. Makabubuti ring iwasan ng pasyente ang mga gamot para sa kirot, gaya ng aspirin at ibuprofen, dahil mas lálakí ang posibilidad ng pagdurugo. May apat na klase ng virus na sanhi ng dengue, at posibleng magka-dengue uli ang pasyente.

Kung magka-dengue ka, magpahingang mabuti at uminom ng maraming tubig o juice. Bukod diyan, palaging magkulambo hangga’t maaari para hindi ka makagat ng lamok at maikalat nito ang sakit sa ibang tao.

Paano mo maiiwasang makagat ng lamok? Magsuot ng pantalon, mahabang bestida, o damit na may mahabang manggas, at gumamit ng mosquito repellent. Bagaman maaaring mangagat ang mga lamok anumang oras, aktibung-aktibo sila mga dalawang oras matapos sumikat ang araw at bago lumubog ang araw. Makatutulong din ang paggamit ng kulambo na nilagyan ng insect repellent.

Hindi natin alam kung may matutuklasang bakuna para sa dengue. Pero sa takdang panahon, ang Kaharian ng Diyos ang papawi sa lahat ng uri ng sakit, pati na sa lagnat na ito. Oo, darating ang panahon na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Mga talababa]

^ par. 3 Sa ilang lupain, may iba pang mga lamok, gaya ng Aedes albopictus, na maaari ding pagmulan ng virus ng dengue.

^ par. 4 Karaniwan na, ang mga lamok na Aedes ay hindi nakalalayo nang ilang daang metro mula sa lugar na pinangitlugan sa mga ito.

[Dayagram sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Inspeksiyunin ang mga Posibleng Pangitlugan ng Lamok

1. Mga itinapong gulong

2. Mga alulod

3. Mga pasô

4. Mga container na plastik

5. Mga basyong lata at dram

Kung Paano Iiwasang Makagat ng Lamok

a. Magsuot ng pantalon, mahabang bestida, o damit na may mahabang manggas. Gumamit ng mosquito repellent

b. Magkulambo sa pagtulog

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Source: Courtesy Marcos Teixeira de Freitas