Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Paano nalalaman ng mga tao noong panahon ng Bibliya kung kailan magsisimula ang mga taon at mga buwan?

PARA sa mga Hebreo na nasa Lupang Pangako, nagsisimula ang taon sa pag-aararo at paghahasik ng binhi na katumbas ngayon ng Setyembre/​Oktubre.

Nalalaman ng mga tao kung ilang araw mayroon ang isang buwan base sa ikot ng buwan na tumatagal nang 29 o 30 araw. Nalalaman naman nila ang haba ng taon base sa pag-ikot ng lupa sa araw. Pero kapag ibinase ang taon sa pag-ikot ng buwan sa lupa, mas maikli ito kumpara sa taon na base sa pag-ikot ng lupa sa araw. Kaya humanap sila ng paraan para mapunan ang kakulangan ng taon na nakadepende sa ikot ng buwan. Nagdaragdag sila ng ilang araw sa bawat taon o nagdaragdag ng isang buwan sa ilang espesipikong taon, malamang bago magsimula ang susunod na taon. Sa ganitong paraan, matutukoy nila ang tamang panahon para sa pagtatanim o pag-aani.

Pero noong panahon ni Moises, sinabi ng Diyos sa bayan Niya na ang taon ay magsisimula sa buwan ng Abib, o Nisan, na ang katumbas ngayon ay Marso/Abril. (Ex. 12:2; 13:4) Sa buwang iyon, may gaganaping kapistahan at kasama roon ang pag-aani ng sebada.​—Ex. 23:15, 16.

Sinabi ng iskolar na si Emil Schürer, sa kaniyang aklat na The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ, (175 B.C.–A.D. 135), na madaling malaman kung kailan magdaragdag ng isang buwan sa kalendaryo. Sinabi pa niya: “Ang Paskuwa na nakatakdang ipagdiwang tuwing kabilugan ng buwan ng Nisan 14 ay dapat na maganap pagkatapos ng vernal [o, spring] equinox . . . Kaya kung napansin sa may pagtatapos ng santaon na ang Paskuwa’y papatak bago sumapit ang vernal equinox, itinatakda ang pagsisingit ng isang buwan [o, ika-13 buwan] bago ang Nisan.”

Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang pamamaraang ito para malaman ang angkop na petsa para sa Hapunan ng Panginoon, na ginaganap tuwing tagsibol at katumbas ng Nisan 14 sa kalendaryong Hebreo. Maaga pa ay ipinapaalám na sa mga kongregasyon sa buong mundo ang petsang ito. *

Pero paano malalaman ng mga Hebreo kung kailan magsisimula at matatapos ang isang buwan? Sa ngayon, madali lang iyan kasi titingin lang tayo sa kalendaryo, nakaimprenta man ito o sa ating gadyet. Pero noong panahon ng Bibliya, hindi iyan ganiyan kasimple.

Noong panahon ng Baha, lumilitaw na may 30 araw ang bawat buwan. (Gen. 7:11, 24; 8:3, 4) Pero nang maglaon, hindi na laging 30 araw ang isang buwan sa kalendaryong Hebreo. Para sa mga Hebreo, magsisimula ang isang buwan kapag lumitaw na sa langit ang bagong buwan na hugis-crescent. Pagkatapos, lilipas ang 29 o 30 araw bago magpasimula ang susunod na buwan.

Sa isang pagkakataon, sinabi ni David kay Jonatan ang tungkol sa simula ng isang buwan: “Bukas ay bagong buwan.” (1 Sam. 20:5, 18) Kaya lumilitaw na noong ika-11 siglo B.C.E., alam na patiuna kung kailan magsisimula ang isang buwan. Pero paano iyon nalalaman ng isang karaniwang Israelita? Nagbibigay ng ilang impormasyon ang Mishnah, isang kalipunan ng berbal na batas at tradisyon ng mga Judio. Binabanggit nito na noong makabalik ang mga Judio mula sa pagkakatapon sa Babilonya, ang Sanedrin (ang mataas na hukumang Judio) ang nagsasabi kung kailan magsisimula ang bagong buwan. Sa loob ng pitong buwan na may mga kapistahan, nagtitipon ang Sanedrin tuwing ika-30 araw ng buwan para alamin kung kailan magsisimula ang susunod na buwan. Paano nila iyon nalalaman?

May mga bantay na nakaposisyon sa matataas na lugar sa palibot ng Jerusalem. Inaabangan nila ang paglabas ng bagong buwan sa kalangitan. Kapag nakita na nila iyon, agad nila itong sasabihin sa Sanedrin. At kung may sapat nang patotoo, idedeklara na ng Sanedrin ang pasimula ng bagong buwan. Pero paano kung maulap at hindi makita ng bantay ang paglitaw ng bagong buwan na hugis-crescent? Idedeklara na may 30 araw ang kasalukuyang buwan, at magsisimula na ang susunod na buwan.

Ayon sa Mishnah, ang desisyon ng Sanedrin ay idedeklara sa pamamagitan ng apoy na sisindihan sa Bundok ng mga Olibo na malapit sa Jerusalem. Magsisindi rin ng mga apoy sa iba pang matataas na lugar sa buong Israel para maikalat ang balitang ito. Nang maglaon, may mga mensahero na ipinapadala sa mga Judio sa Jerusalem, sa buong Israel, at sa iba pang lugar para ipaalám na nagsimula na ang bagong buwan. Dahil dito, maipagdiriwang ng lahat ang mga kapistahan nang sabay-sabay.

Makakatulong ang chart sa ibaba para maunawaan ang mga buwan, mga panahon, at mga kapistahan ng mga Israelita noon.

^ Tingnan ang Bantayan, Pebrero 15, 1990, p. 15, at “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa,” isyu ng Disyembre 15, 1977.