Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Anong klase ng karwahe ang sinasakyan ng Etiope nang lapitan siya ni Felipe?

ANG orihinal na salita na isinaling “karwahe” sa Bagong Sanlibutang Salin ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang klase ng karwahe. (Gawa 8:​28, 29, 38) Pero lumilitaw na ang sinakyan ng Etiope ay mas malaki kaysa sa karwaheng pangmilitar o pangkarera. Bakit? Tingnan ang ilang dahilan.

Ang Etiope ay isang mataas na opisyal at malayo ang nilakbay niya. “Naglilingkod [siya] kay Candace na reyna ng mga Etiope, at siya ang namamahala sa lahat ng kayamanan nito.” (Gawa 8:27) Sakop ng sinaunang Etiopia ang Sudan at ang pinakatimog na bahagi ng Egypt. Posibleng hindi lang isa ang sinakyan ng Etiope sa mahabang paglalakbay niya. Pero siguradong marami siyang dalang gamit. Ang isang klase ng karwahe na sinasakyan noong unang siglo C.E. ay may bubong at apat na gulong. Ayon sa aklat na Acts—An Exegetical Commentary: “Mas maraming gamit ang maisasakay sa karwaheng iyon. Kaya mas komportable ang paglalakbay, at posibleng mas malayo ang mararating nito.”

Nagbabasa ang Etiope nang lapitan siya ni Felipe. Ayon sa Bibliya, “tumakbo si Felipe, at sinabayan niya ang karwahe. Narinig niyang binabasa ng Etiope ang isinulat ni propeta Isaias.” (Gawa 8:30) Hindi ganoon kabilis ang mga karwaheng ginagamit sa paglalakbay. Kaya nagawa ng Etiope na magbasa habang naglalakbay at naabutan din siya ni Felipe kahit tumatakbo lang ito.

“Pinasakay [ng Etiope] si Felipe at pinaupo sa tabi niya.” (Gawa 8:31) Sa mga karwaheng pangkarera, kadalasan nang nakatayo ang mga nakasakay. Pero sa mga karwaheng ginagamit sa paglalakbay, may mauupuan ang Etiope at si Felipe.

Kaya dahil sa ulat ng Gawa kabanata 8 at sa mga natuklasan sa kasaysayan, makikita na ngayon sa mga larawan sa mga publikasyon natin na nakasakay ang Etiope sa mas malaking karwahe imbes na sa mas maliit na karwaheng pangmilitar o pangkarera.