Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Biskuwit Para sa mga Aso

Mga Biskuwit Para sa mga Aso

“NOONG tagsibol ng 2014, inilalakad ko ang dalawang maliit na aso ko sa lugar ng negosyo ng komunidad namin,” ang isinulat ni Nick, na taga-Oregon, U.S.A. “Karaniwan nang makikita ang mga Saksi sa sentro ng lunsod, sa tabi ng mga literature cart nila. Maayos ang pananamit nila, at nakangiti nilang binabati ang mga dumaraan.

“Hindi lang sa mga tao mabait ang mga Saksi, mabait din sila sa mga aso ko. Isang araw, si Elaine, na nasa tabi ng cart, ay nagbigay ng biskuwit sa dalawang terrier ko. Pagkatapos, sa tuwing mapapalapit kami sa cart, hinihila ako ng mga aso ko papunta sa mga Saksi para sa mga biskuwit nila.

“Lumipas pa ang ilang buwan. Tuwang-tuwa ang mga aso ko sa mga biskuwit nila, at nae-enjoy ko naman ang sandaling pakikipag-usap sa mga Saksi. Pero nagdadalawang-isip pa akong makipagkaibigan sa kanila. Mahigit 70 taóng gulang na ako, at hindi ako sigurado sa paniniwala ng mga Saksi. Dahil dismayado ako sa mga relihiyong Kristiyano, naisip ko na mas magandang pag-aralan ko na lang ang Bibliya nang mag-isa.

“Noong mga panahon ding iyon, nakakita ako ng mga Saksi sa ibang bahagi ng lunsod na nakatayo katabi ng mga cart nila. Palakaibigan din sila. Lagi nilang sinasagot ang mga tanong ko gamit ang Bibliya, kaya mas nagtiwala na ako sa kanila.

“Isang araw, tinanong ako ni Elaine, ‘Naniniwala ka ba na regalo ng Diyos ang mga hayop?’ Sumagot ako, ‘Oo naman!’ Pagkatapos, binasa sa akin ni Elaine ang Isaias 11:6-9. Mula noon, gusto ko nang matuto tungkol sa Bibliya, pero ayaw ko pa ring tumanggap ng anumang babasahin mula sa mga Saksi.

“Sa sumunod na mga araw, nag-e-enjoy na ako sa mga pag-uusap namin ni Elaine at ng asawa niyang si Brent, kahit sandali lang iyon. Sinabi nila sa akin na basahin ko ang Mateo hanggang Gawa para maintindihan ko kung ano ang ibig sabihin ng pagtulad kay Kristo. Ginawa ko iyon. Di-nagtagal, nagpa-Bible study na ako kina Brent at Elaine noong tag-araw ng 2016.

“Lagi kong hinihintay ang Bible study namin linggo-linggo at ang mga pulong sa Kingdom Hall. Masayang-masaya ako sa mga natututuhan ko sa Bibliya. Mahigit isang taon lang, nabautismuhan ako. Ngayon, 79 na ako, at nagpapasalamat ako kasi natagpuan ko ang tunay na relihiyon. Talagang pinagpala ako ni Jehova kasi tinulungan niya akong maging bahagi ng pambuong-daigdig na pamilya niya.”