Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT DAPAT MAGING TAPAT?

Kung Bakit Sulit na Maging Tapat

Kung Bakit Sulit na Maging Tapat

“Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinasalin kung minsan na “katapatan” ay literal na nangangahulugang “isang bagay na likas na mabuti.” Maaari din itong mangahulugan ng pagiging maganda pagdating sa moral.

Sineseryoso ng mga Kristiyano ang pananalita ni apostol Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” Ano ang sangkot dito?

PAKIKIPAGPUNYAGI SA SARILI

Karamihan ay nananalamin tuwing umaga bago lumabas ng bahay. Bakit? Gusto kasi nilang makita sila sa kanilang pinakamagandang hitsura. Pero may mas mahalaga pa kaysa sa magagandang damit o ayos ng buhok. Oo, ang ating panloob na pagkatao ay puwedeng makadagdag o makabawas sa ating panlabas na kagandahan.

Sinasabi ng Salita ng Diyos na may tendensiya tayong gumawa ng masama. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang sabi ng Genesis 8:21. Kaya para maging tapat, dapat nating labanan ang ating likas na hilig na magkasala. Malinaw na inilarawan ni apostol Pablo ang pakikipagpunyagi niya laban sa kasalanan, sa pagsasabi: “Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.”—Roma 7:22, 23.

Halimbawa, kapag inuudyukan tayo ng ating puso na gumawa ng masama at natutukso tayong maging di-tapat, puwede nating tanggihan ito. Maaari pa rin nating piliing gawin ang tama. Kapag pinipili nating tanggihan ang masamang kaisipan, makapananatili tayong tapat kahit napaliligiran tayo ng mga taong di-tapat.

PUWEDE KANG MAGTAGUMPAY

Para maging tapat, kailangang mataas ang ating pamantayang moral. Ngunit nakalulungkot, inuubos ng marami ang kanilang panahon sa pag-iisíp tungkol sa personal nilang ‘hitsura’ sa halip na sa kanilang pamantayang moral. Dahil dito, ipinagmamatuwid nila ang ginagawa nilang kawalang-katapatan basta pabor sa kanilang sitwasyon. Ganito ang sabi ng aklat na The (Honest) Truth About Dishonesty: “Nandaraya tayo hanggang sa punto na tapat pa rin ang tingin natin sa ating sarili.” May mapananaligang pamantayan ba na tutulong sa atin na magpasiya kung aling mga bagay ang maituturing na kawalang-katapatan? Mayroon.

Milyon-milyon sa buong mundo ang naniniwala na mailalaan iyan ng Bibliya. Wala itong kaparis pagdating sa pamantayang moral. (Awit 19:7) Ang Bibliya ay nagbibigay ng mapananaligang patnubay sa mga bagay na gaya ng buhay pampamilya, trabaho, moralidad, at espirituwalidad. Subók na ito. Ang mga kautusan at simulain nito ay kapit sa lahat ng bansa, lahi, tribo, at bayan. Kung babasahin natin ang Bibliya, bubulay-bulayin ang sinasabi nito, at ikakapit ang payo nito, masasanay natin ang ating puso na maging tapat at matuwid.

Pero higit pa sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Bibliya ang kailangan para mapagtagumpayan ang kawalang-katapatan. Nabubuhay kasi tayo sa isang mundong napakababa ng moral na gumigipit sa atin na tanggapin ang maling mga pamantayan nito. Kaya kailangan nating hingin sa panalangin ang tulong ng Diyos. (Filipos 4:6, 7, 13) Sa paggawa nito, magkakaroon tayo ng lakas ng loob na manindigan sa kung ano ang tama at maging tapat sa lahat ng bagay.

MGA PAKINABANG NG PAGIGING TAPAT

Si Hitoshi, na nabanggit sa unang artikulo, ay nagkaroon ng magandang reputasyon bilang tapat na manggagawa. Nagtatrabaho siya ngayon sa isang amo na nagpapahalaga sa kaniyang katapatan. “Nagpapasalamat ako,” ang sabi ni Hitoshi, “na nakahanap ako ng trabaho kung saan napananatili ko ang isang malinis na budhi.”

Totoo rin ito sa iba. Tingnan ang ilan na nakinabang dahil sa pagsunod sa simulain ng Bibliya na “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”

  • Malinis na Budhi

    “Huminto ako sa pag-aaral sa edad na 13 at nagtrabaho kasama ng mga magnanakaw. Kaya 95 porsiyento ng kinikita ko ay galing sa masamang paraan. Nang maglaon, nag-asawa ako, at kami ng mister ko ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan namin na kinapopootan ng Diyos na Jehova * ang di-tapat na mga gawain, kaya nagpasiya kaming baguhin ang aming buhay. Noong 1990, inialay namin ang aming buhay kay Jehova at nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.”—Kawikaan 6:16-19.

    “Dati, ang bahay ko ay punô ng mga nakaw na gamit, pero hindi na ngayon; kaya malinis na ang budhi ko. Kapag naaalaala ko noong hindi pa ako tapat, nagpapasalamat ako na napakamaawain ni Jehova. Ang sarap matulog sa gabi dahil alam kong nalulugod sa akin ngayon si Jehova.”—Cheryl, Ireland.

    “Nang malaman ng boss ko na tinanggihan ko ang suhol mula sa isang potensiyal na kliyente, sinabi niya sa akin: ‘Talagang tinuruan ka ng iyong Diyos na maging mapagkakatiwalaan! Isa ka ngang pagpapala sa ating kompanya.’ Dahil tapat ako sa lahat ng bagay, mayroon akong malinis na budhi sa harap ng Diyos na Jehova. Natutulungan ko rin ang aking pamilya at ang iba pa na gayon din ang gawin.”—Sonny, Hong Kong.

  • Kapayapaan ng Isip

    “Isa akong executive assistant sa isang internasyonal na bangko. Sa trabahong ito, mas mahalaga ang maging mayaman kaysa sa maging tapat. Ang pananaw ng karamihan ay, ‘Ano’ng masama sa kaunting pandaraya kung yayaman ka naman at makatutulong ito sa ekonomiya?’ Pero sa pagiging tapat, may kapayapaan ako ng isip. Determinado akong manatiling tapat anuman ang ibunga nito. Alam ng mga boss ko na hindi ako magsisinungaling sa kanila o para sa kanila.”—Tom, United States.

  • Paggalang sa Sarili

    “Kinukumbinsi ako ng supervisor ko na magsinungaling tungkol sa ilang suplay na nawawala sa trabaho, pero tumanggi ako. Nang matuklasan kung sino talaga ang mga nagnakaw, pinasalamatan ako ng aking boss dahil naging tapat ako. Kailangan ang lakas ng loob para maging tapat sa isang di-tapat na daigdig. Pero makukuha mo naman ang tiwala at respeto ng iba.”—Kaori, Japan.

Malinis na budhi, kapayapaan ng isip, at paggalang sa sarili—mga pakinabang na nagpapatunay na talagang sulit na maging tapat. Sang-ayon ka ba?

^ par. 18 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.