Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Nagpapasalamat ang mga kapatid sa pagre-release ng aklat ng Mateo sa Australian Sign Language. Kanan: Si Brother Hideyuki Motoi habang inire-release ang aklat sa tulong ng isang interpreter

MARSO 13, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Ini-release ang Aklat ng Bibliya na Mateo sa Australian Sign Language

Ini-release ang Aklat ng Bibliya na Mateo sa Australian Sign Language

Noong Marso 2, 2024, ini-release ni Brother Hideyuki Motoi, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Australasia, ang aklat ng Bibliya na Mateo sa Australian Sign Language, na kilala rin bilang Auslan. Inilabas ito sa isang espesyal na pagtitipon sa isang Kingdom Hall sa Brisbane, Australia. Sa kabuoan, 159 na kapatid ang nagpunta sa mismong venue, at nakakonek naman sa videoconference ang 377 mula sa Australia, New Zealand, at Samoa. Puwede na agad itong ma-download sa jw.org at JW Library Sign Language app.

Mga 20,000 taong nakatira sa Australia, New Zealand, Samoa, at Tonga ang gumagamit ng Australian Sign Language o isang kahawig na sign language. Nagsimulang magsalin ng mga literatura sa Bibliya ang mga Saksi ni Jehova sa Australian Sign Language noong 2001, at ang una dito ay ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Nagkaroon ng remote translation office sa Brisbane noong Abril 2023. Ngayon, may halos 350 kapatid na naglilingkod sa isang sign-language congregation at 18 group sa buong teritoryo ng sangay.

Ito ang unang kumpletong aklat ng Bibliya na naisalin sa Australian Sign Language. Nang matanggap ng isang sister ang aklat na ito, sinabi niya: “Talagang naantig ang puso ko sa pag-ibig at kabaitan ng mga pananalita ni Jesus sa Sermon sa Bundok. Nang mapanood ko ito sa Australian Sign Language, parang ako mismo ang kinakausap ni Jesus!”

Sinabi naman ng isang sister na bingi na naglilingkod sa isang sign-language congregation sa Brisbane: “Makakatulong sa akin ang aklat ng Mateo sa Australian Sign Language para lalo kong matularan ang mga katangian ni Jesus at maging mas mabisa sa pangangaral. Maraming salamat po, Jehova!”

Masaya tayo sa pagre-release ng aklat ng Bibliya na Mateo sa Australian Sign Language. Sigurado tayong marami pang tao ang matutulungan nitong mahanap ang makipot na pintuang-daan papunta sa buhay.—Mateo 7:13, 14.